Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kawalang-kapintasan

Kawalang-kapintasan

Ang isang salitang Hebreo na isinasalin bilang “walang kapintasan” ay tam. Ginamit ito may kinalaman sa ulirang katayuan ni Job sa moral at may kaugnayan sa walang-kapintasang kagandahan ng Shulamita. (Job 1:1, 8; Sol 5:2; 6:9) Dahil sa mapayapa at tahimik na pamumuhay ni Jacob sa mga tolda na kabaligtaran naman ng lagalag at mapagsapalarang pamumuhay ng kapatid niya bilang isang mangangaso, siya ay tinukoy na walang kapintasan. (Gen 25:27) Ang isa pang salitang Hebreo na isinasalin kung minsan bilang “walang kapintasan” ay ta·mimʹ, anupat mayroon itong diwa ng pagiging “walang pagkukulang; malusog; sakdal.” (Kaw 2:21; 11:5, 20) Ang mga salitang Hebreo na tam at ta·mimʹ ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na ta·mamʹ, na nangangahulugang “maging ganap, matapos; sumapit sa kasukdulan; malipol.” (Aw 19:13; 1Ha 6:22; Isa 18:5; Jer 24:10; ihambing ang 1Sa 16:11, kung saan ang parirala na isinaling “Ito na bang lahat ang mga batang lalaki?” ay literal na nangangahulugang “Kumpleto na ba ang mga batang lalaki?”) Sa Griegong Septuagint, ang salitang Hebreo na tam ay isinasalin kung minsan bilang aʹmem·ptos. (Job 1:1, 8; 2:3; 9:20) Lumilitaw rin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ilang anyo ng salitang ito at maaari itong bigyang-katuturan bilang “walang kapintasan; walang kakulangan.”​—Luc 1:6; Fil 3:6; Heb 8:7; tingnan ang KASAKDALAN.

Kapag ginagamit upang ilarawan ang mga tao, ang terminong “walang kapintasan” ay dapat na ituring na relatibo at hindi ganap. Bumuo ang nagdurusang si Job ng maling mga palagay tungkol kay Jehova, anupat kalakip sa mga ito ang hinggil sa paraan ng pakikitungo ng Makapangyarihan-sa-lahat sa mga walang kapintasan. (Job 9:20-22) Nagpamalas naman si Zacarias, na ama ni Juan na Tagapagbautismo, ng kawalang-pananampalataya sa kapahayagan ni Jehova sa pamamagitan ng anghel na si Gabriel. (Luc 1:18-20) Gayunpaman, tinukoy pa rin sina Job at Zacarias bilang walang kapintasan, yamang nakatugon sila sa inaasahan ni Jehova sa mga tao na bagaman tapat ay may bahid ng di-kasakdalan.​—Job 1:1; Luc 1:6.

Sa pangmalas ng kaniyang mga kapanahong Judio, walang kapintasan si Pablo bago siya naging isang alagad ni Jesu-Kristo. Ginagawa niya ang ipinag-uutos ng Kautusan, anupat ginagampanan niya ang mga pananagutang iniatang sa kaniya at iniiwasan niya ang ipinagbabawal. (Fil 3:6) Ngunit si Pablo ay hindi nagtatamasa noon ng isang walang kapintasang katayuan sa harap ni Jehova. Nagkakasala siya noon nang malubha bilang isang mang-uusig ng mga kapatid ni Kristo at bilang isang mamumusong at isang taong walang pakundangan.​—1Ti 1:13, 15.

Nalulugod ang Kataas-taasan sa mga taong ang paggawi ay nagpapabanaag ng kanilang espirituwal na kalusugan, ng kanilang kadalisayan, at ng kanilang kawalang-kapintasan. (Kaw 11:20) Dahil dito, mahalaga na ang mga Kristiyano ay mamuhay nang walang kapintasan, anupat malaya sa anumang makatuwirang paghatol.​—Fil 2:15; 1Te 5:23.