Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kayamanan

Kayamanan

Kasaganaan sa mga materyal na pag-aari; gayundin, pagiging sagana sa espirituwal na mga katangian, mga pribilehiyo ng paglilingkod, at pagsang-ayon ng Diyos.

Sa buong Kasulatan, hindi ang pagmamay-ari ng materyal na kayamanan ang idiniriin kundi ang mabuting katayuan sa harap ng Diyos na Jehova, isang katayuang naiingatan ng isang tao sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ng kalooban ng Diyos lakip ang pananampalataya. Hinimok ni Kristo Jesus ang iba na maging “mayaman sa Diyos” (Luc 12:21) at mag-imbak ng “mga kayamanan sa langit.” (Mat 6:20; Luc 12:33) Ang rekord ng maiinam na gawa ng isang indibiduwal ay magiging tulad ng kayamanang idineposito niya sa Maylalang na nasa langit, anupat dahil dito ay tiyak na tatanggap siya ng namamalaging mga pagpapala. Ang mga tao na naging pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay makaaasa sa “maluwalhating kayamanan” ng isang makalangit na mana (Efe 1:18), at sa panahon ng kanilang ‘paninirahan bilang dayuhan’ sa lupa, sila ay magiging mayaman o mananagana sa pananampalataya, pag-ibig, kabutihan, at iba pang makadiyos na mga katangian.​—Ihambing ang Gal 5:22, 23; San 2:5; 1Pe 2:11, 12; 2Pe 1:5-8.

Ang Mayayamang Patriyarka. Ang tapat na mga lingkod ng Diyos na Jehova, gaya ng mga patriyarkang sina Abraham at Job, ay hindi binigyan ng atas na tulungan ang mga taong nasa labas ng kanilang mga sambahayan upang tanggapin ng mga ito ang tunay na pagsamba. Sa dahilang ito, waring ginugol nila ang kalakhan ng kanilang panahon sa pangangalaga sa pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ng kani-kanilang sambahayan. Pinagpala naman ni Jehova ang marubdob na mga pagsisikap ng mga lingkod niyang ito anupat nagkaroon sila ng maraming alagang hayop, mga lingkod, ginto at pilak.​—Gen 12:16; 13:2; 14:14; 30:43; 32:10; Job 1:2, 3; 42:10-12.

Bagaman mayayaman, ang mga lalaking ito ay hindi materyalista. Kinilala nila na ang kanilang materyal na kasaganaan ay dahil sa pagpapala sa kanila ni Jehova, at hindi sila naging sakim sa kayamanan. Matapos talunin ni Abraham ang apat na magkakaalyadong hari at bawiin ang lahat ng mga pag-aaring kinuha ng mga ito mula sa Sodoma, maaari sana niyang palaguin nang husto ang kaniyang kayamanan. Ngunit tinanggihan niya ang alok ng hari ng Sodoma na kunin ang nabawing mga pag-aari, anupat sinabi niya: “Itinataas ko ang aking kamay bilang panunumpa kay Jehova na Kataas-taasang Diyos, na Maygawa ng langit at lupa, na, mula sa isang sinulid hanggang sa isang sintas ng sandalyas, wala, wala akong kukunin mula sa anumang bagay na iyo, upang hindi mo sabihin, ‘Ako ang nagpayaman kay Abram.’ Wala para sa akin!” (Gen 14:22-24) Nang mawala kay Job ang lahat ng kaniyang mga alagang hayop at mga anak niya, bumulalas siya: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis. Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.”​—Job 1:21.

Ipinakita ni Abraham, ni Job, at ng mga iba pa na mapagkakatiwalaan sila sa mga kayamanan. Masisipag sila at ginamit nila sa wastong paraan ang kanilang mga materyal na pag-aari. Halimbawa, si Job ay naging laging handang tumulong sa mga dukha at mga napipighati. (Job 29:12-16) Dahil sa kanilang tamang saloobin, may mabuting dahilan ang Diyos na Jehova upang ipagsanggalang ang kaniyang mga lingkod laban sa pandaraya ng mga taong mapag-imbot at sakim.​—Gen 31:5-12; Job 1:10; Aw 105:14.

Sasagana ang Israel Kung Magiging Masunurin. Gaya ng tapat na mga patriyarka, ang materyal na kasaganaan ng mga Israelita ay nakadepende sa pag-iingat nila ng kanilang wastong kaugnayan sa Diyos na Jehova. Mahigpit silang pinayuhan ni Moises na alalahaning si Jehova na kanilang Diyos ang nagbigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng yaman. (Deu 8:18) Oo, si Jehova ang Isa na nagbigay ng manang lupain sa bansang iyon na nasa pakikipagtipan sa kaniya. (Bil 34:2-12) Maaari rin niyang tiyakin na tatanggap sila ng ulan sa kapanahunan nito at na hindi sila daranas ng kalugihan dahil sa mahinang ani o dahil sa pagsalakay ng mga hukbo ng kaaway.​—Lev 26:4-7.

Layunin ng Diyos na ang Israel ay maging isang masaganang bansa, kung ito’y magiging masunurin. Sinabi ni Moises: “Bubuksan sa iyo ni Jehova ang kaniyang mabuting imbakan, ang langit, upang bigyan ng ulan ang iyong lupain sa kapanahunan nito at upang pagpalain ang bawat gawa ng iyong kamay; at tiyak na magpapahiram ka sa maraming bansa, samantalang ikaw ay hindi manghihiram. At ilalagay ka nga ni Jehova sa ulunan at hindi sa buntot; at mapapasaibabaw ka lamang, at hindi ka mapapasailalim, sapagkat lagi mong sinusunod ang mga utos ni Jehova na iyong Diyos.” (Deu 28:12, 13) Magdudulot sana ng karangalan kay Jehova ang kasaganaan ng bansa, anupat magiging isang mariing patotoo sa nakapalibot na mga bansa na siya ang “Nagpapayaman” (1Sa 2:7) sa kaniyang bayan at na walang makakapantay sa Kautusang ibinigay niya sa kanila kung tungkol sa pangangalaga sa kapakanan ng lahat ng kasangkot.

Makikita sa kaso ni Haring Solomon na talagang naudyukan ng kasaganaan ng Israel ang ibang mga bayan upang luwalhatiin si Jehova. Noong pasimula ng kaniyang paghahari, nang bigyan siya ng pagkakataong hilingin kay Jehova kung ano ang nais niya, hindi siya humingi ng malaking kayamanan kundi humiling siya ng karunungan at kaalaman upang mahatulan niya ang bansa. Ipinagkaloob ni Jehova kay Solomon ang kahilingan nito at binigyan din niya ito ng ‘materyal na pag-aari at ng kayamanan at ng karangalan.’ (2Cr 1:7-12; 9:22-27) Dahil dito, napaugnay sa pangalan ni Jehova ang mga ulat tungkol sa karunungan at materyal na pag-aari ni Solomon. Halimbawa, nang marinig ng reyna ng Sheba ang tungkol kay Solomon may kaugnayan kay Jehova, pumaroon siya mula sa isang malayong lupain upang tingnan kung totoo ang mga ulat tungkol sa karunungan at kasaganaan nito. (1Ha 10:1, 2) Inudyukan siya ng kaniyang nakita na kilalanin ang pag-ibig ni Jehova para sa Israel. Sinabi niya: “Totoo nga pala ang salitang narinig ko sa aking lupain tungkol sa iyong mga gawain at tungkol sa iyong karunungan. At hindi ako nanampalataya sa mga salita hanggang sa pumarito ako upang makita ng aking sariling mga mata; at, narito! ni hindi nga nasabi sa akin ang kalahati. Nahigitan mo sa karunungan at kasaganaan ang mga bagay na narinig na aking napakinggan. Maligaya ang iyong mga tauhan; maligaya ang mga lingkod mong ito na palaging tumatayo sa harap mo, na nakikinig sa iyong karunungan! Pagpalain nawa si Jehova na iyong Diyos, na nalugod sa iyo sa pamamagitan ng paglalagay sa iyo sa trono ng Israel; sapagkat iniibig ni Jehova ang Israel hanggang sa panahong walang takda, anupat inatasan ka niya bilang hari upang maglapat ng hudisyal na pasiya at katuwiran.”​—1Ha 10:6-9.

Bilang isang masaganang bansa, ang mga Israelita ay nasiyahan sa pagkain at inumin (1Ha 4:20; Ec 5:18, 19), at ang kanilang kayamanan ay nagsilbing proteksiyon nila laban sa mga suliranin ng karalitaan. (Kaw 10:15; Ec 7:12) Gayunman, bagaman ang pagtatamasa ng mga Israelita ng kasaganaan mula sa kanilang pagpapagal ay kasuwato ng layunin ni Jehova (ihambing ang Kaw 6:6-11; 20:13; 24:33, 34), tiniyak din niya na nababalaan sila hinggil sa panganib na makalimutan nila na siya ang Pinagmumulan ng kanilang materyal na pag-aari at magsimula silang magtiwala sa kanilang kayamanan. (Deu 8:7-17; Aw 49:6-9; Kaw 11:4; 18:10, 11; Jer 9:23, 24) Ipinaalaala sa kanila na ang kayamanan ay pansamantala lamang (Kaw 23:4, 5), na hindi ito maaaring ibigay sa Diyos bilang pantubos upang mailigtas ang isa mula sa kamatayan (Aw 49:6, 7), at na wala itong kabuluhan para sa mga patay (Aw 49:16, 17; Ec 5:15). Ipinakita sa kanila na ang labis na pagpapahalaga sa kayamanan ay aakay sa mapandayang mga gawain at sa pagkawala ng pagsang-ayon ni Jehova. (Kaw 28:20; ihambing ang Jer 5:26-28; 17:9-11.) Pinasigla rin sila na ‘parangalan si Jehova ng kanilang mahahalagang pag-aari.’​—Kaw 3:9.

Sabihin pa, ang kasaganaan ng bansa ay hindi nangangahulugan na yumaman ang bawat indibiduwal o na yaong mahihirap ay walang pagsang-ayon ng Diyos. Maaaring isadlak ng mga di-inaasahang pangyayari ang mga indibiduwal tungo sa karalitaan. (Ec 9:11, 12) Dahil sa kamatayan, ang ilan ay naulila o nabalo. Ang mga sakuna at pagkakasakit ay maaaring pansamantala o permanenteng makahadlang sa isang tao sa paggawa niya ng mga kinakailangan niyang gawin. Dahil dito, pinasigla ang mga Israelita na maging bukas-palad sa paggamit nila ng kanilang kayamanan upang tulungan ang mga dukha at mga napipighati sa gitna nila.​—Lev 25:35; Deu 15:7, 8; Aw 112:5, 9; Kaw 19:17; tingnan ang DUKHA; KALOOB NG AWA, MGA.

Kayamanan sa Gitna ng mga Tagasunod ni Kristo Jesus. Di-tulad ng mga patriyarka at ng bansang Israel, ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay may atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat 28:19, 20) Ang pagtupad sa atas na iyan ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap na maaari rin sanang gamitin sa sekular na mga gawain. Dahil dito, ang isang tao na patuloy na nangungunyapit sa kaniyang kayamanan sa halip na magbawas ng mga pabigat sa kaniyang sarili upang magamit niya ang kaniyang panahon at pag-aari sa pagtupad sa atas na iyon ay hindi maaaring maging alagad ni Jesus, lakip ang pag-asang magtamo ng buhay sa langit. Kaya naman sinabi ng Anak ng Diyos: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos! Sa katunayan, mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom na panahi kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.” (Luc 18:24, 25) Ang mga salitang ito ay tugon sa naging reaksiyon ng isang mayaman at kabataang tagapamahala nang sabihan ito ni Jesus: “Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.” (Luc 18:22, 23) May pananagutan ang mayaman at kabataang tagapamahalang iyon na tulungan ang kaniyang mga kapuwa Israelita na nagdarahop. (Kaw 14:21; 28:27; Isa 58:6, 7; Eze 18:7-9) Ngunit dahil hindi siya handa na iwan ang kaniyang mga materyal na pag-aari, anupat ginagamit ito sa pagtulong sa iba, at iukol ang kaniyang sarili sa pagiging tagasunod ni Jesu-Kristo, naging hadlang ito sa pagpasok niya sa Kaharian ng langit.

Gayunman, hindi naman dapat magpakadukha ang mga tagasunod ni Kristo at pagkatapos ay umasa na lamang sa suporta ng iba. Sa halip, dapat silang magpagal upang mapaglaanan nila ang kanilang mga pamilya at, upang “may maipamahagi [rin sila] sa sinumang nangangailangan.” (Efe 4:28; 1Te 4:10-12; 2Te 3:10-12; 1Ti 5:8) Dapat silang maging kontento na sa pagkain at pananamit, anupat hindi nagpapakahirap upang yumaman. Kung gagawin nilang pangunahin sa kanilang buhay ang materyal na mga tunguhin, may panganib na masangkot sila sa di-tapat na mga gawain at maiwala nila ang kanilang pananampalataya dahil sa pagpapabaya sa espirituwal na mga bagay. Nangyari ito sa ilan, gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Pablo kay Timoteo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”​—1Ti 6:9, 10.

Siyempre pa, ang sinabi ni Jesus sa mayaman at kabataang tagapamahala ay hindi nangangahulugan na hindi maaaring magkaroon ng materyal na kayamanan ang isang Kristiyano. Halimbawa, noong unang siglo C.E., may mayayamang Kristiyano na kaugnay sa kongregasyon na nasa Efeso. Hindi tinagubilinan ng apostol na si Pablo si Timoteo na payuhan ang mayayamang kapatid na ito na alisin ang lahat ng kanilang materyal na mga bagay, ngunit sumulat siya: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan; na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.” (1Ti 6:17-19) Sa gayon, kinailangang bantayan ng mayayamang Kristiyanong ito ang kanilang saloobin, anupat iniingatan ang kayamanan sa wastong dako nito at bukas-palad itong ginagamit upang tumulong sa iba.

Mammon. Ang termino sa orihinal na wika na ma·mo·nasʹ (o, ang anyong Ingles nito na “mammon”) ay karaniwang inuunawa na tumutukoy sa salapi o kayamanan. (Mat 6:24; Luc 16:9, 11, 13; ihambing ang AS, KJ, NW.) Walang katibayan na ang pananalitang ito ay naging pangalan ng isang espesipikong bathala. Ginamit ni Jesus ang terminong ito noong ipakita niya na ang isang tao ay hindi maaaring maging alipin ng Diyos kung pinapanginoon niya ang Kayamanan. (Mat 6:24) Hinimok niya ang kaniyang mga tagapakinig: “Makipagkaibigan kayo sa ganang inyo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang kapag nabigo ang mga iyon ay tanggapin nila kayo sa walang-hanggang mga tahanang dako.” (Luc 16:9) Yamang ang pagmamay-ari o pagnanasa sa materyal na kayamanan ay maaaring umakay sa mga gawang tampalasan, maaaring ito ang dahilan kung bakit tinukoy ang mga ito bilang “di-matuwid na kayamanan,” na kabaligtaran ng espirituwal na kayamanan. Gayundin, ang materyal na kayamanan, partikular na ang salapi, ay aktuwal na pag-aari at nasa ilalim ng kontrol ni “Cesar,” na siyang gumagawa ng salapi at nagtatakda ng partikular na halaga nito. Pansamantala lamang ang gayong kayamanan, at dahil sa mga kalagayan ng ekonomiya o iba pang mga pangyayari, ang isa ay maaaring dumanas ng pinansiyal na kawalan. Kaya naman, ang tao na may gayong kayamanan ay hindi dapat maglagak ng kaniyang tiwala sa mga iyon, ni dapat man niyang gamitin ang mga iyon gaya ng ginagawa ng sanlibutan sa pangkalahatan ukol sa makasariling mga layunin, halimbawa, ang pag-iipon ng mas marami pang kayamanan. (1Co 7:31) Sa halip, dapat siyang maging alisto at masikap sa pakikipagkaibigan sa mga may-ari ng walang-hanggang mga tahanang dako.

Ang mga may-ari ng “walang-hanggang mga tahanang dako” ay ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak na si Kristo Jesus. (Ihambing ang Ju 6:37-40, 44.) Ang mga tao na hindi gumagamit ng kanilang “di-matuwid na kayamanan” sa wastong paraan (halimbawa, sa pagtulong sa mga nangangailangan at sa pagpapasulong ng “mabuting balita”; Gal 2:10; Fil 4:15) ay hindi maaaring maging mga kaibigan ng Diyos at ng kaniyang Anak na si Kristo Jesus. Ang kanilang kawalang-katapatan sa paggamit ng di-matuwid na kayamanan ay nagpapakitang hindi sila karapat-dapat na pagkatiwalaan ng espirituwal na kayamanan. (Luc 16:10-12) Ang gayong mga tao ay hindi maaaring maging mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, anupat namamahagi ng espirituwal na kayamanan sa iba.​—1Pe 4:10, 11.