Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kebar

Kebar

[mula sa wikang Babilonyo, nangangahulugang “Malaki(ng Kanal)”].

Isang “ilog” sa “lupain ng mga Caldeo” malapit sa komunidad ng mga Judiong itinapon sa Tel-abib. (Eze 1:1-3; 3:15) Nang banggitin ni Ezekiel ang “ilog ng Kebar,” lumilitaw na ginamit niya ang pinakamalawak na diwa ng terminong Hebreo na na·harʹ (isinaling “ilog”) anupat kasama rito ang maraming kanal ng Babilonya na dating umaagos sa matabang lupain na nasa pagitan ng ibabang bahagi ng mga ilog ng Eufrates at Tigris. Ang ganitong paggamit ng salitang na·harʹ ay nahahawig sa katumbas nitong salitang Babilonyo na maaari ring tumukoy sa isang ilog o sa isang kanal. Hindi alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng Kebar.

Gayunman, sinasabi ng karamihan sa mga heograpo ng Bibliya na ang “ilog ng Kebar” ay ang Shatt en-Nil, na siyang naru Kabaru (o “Malapad na Kanal”) na binanggit sa mga kontratang cuneiform na natagpuan sa lunsod ng Nippur, mga 85 km (50 mi) sa TS ng Babilonya. Sa itaas ng Babilonya, ang Shatt en-Nil ay nagsasanga mula sa Eufrates at umaagos patungong TS, dumaraan malapit sa Nippur, at muling sumasanib sa Eufrates sa T ng Ur, mga 240 km (150 mi) sa ibaba ng Babilonya.

Noong 613 B.C.E., sa Tel-abib, na malapit sa ilog ng Kebar, nakita ng propetang si Ezekiel ang kaniyang unang iniulat na pangitain, anupat dahil dito ay pitong araw siyang natigilan. Dito rin siya inatasan bilang “bantay sa sambahayan ng Israel.” (Eze 1:1–3:21) Nang maglaon, nagkaroon pa siya ng katulad na mga pangitain na nagpaalaala sa kaniya ng kaniyang karanasan sa Kebar.​—Eze 10:15, 20, 22; 43:3.