Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kedar

Kedar

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging maitim”].

1. Isa sa 12 anak ni Ismael.​—Gen 25:13-15; 1Cr 1:29-31.

2. Isang tribong Arabe na nagmula sa anak ni Ismael na si Kedar at binanggit kasama ng “mga anak ng Silangan.” Ang kanilang lupain ay tinatawag ding Kedar. (Jer 2:10; 49:28, 29) Palibhasa’y mga taong pagala-gala at nagpapastol, na may mga kawan ng tupa, kambing, at kamelyo (Isa 60:7; Jer 49:28, 29), maliwanag na nanirahan ang mga Kedarita sa disyerto ng Sirya-Arabia sa S ng Palestina sa HK bahagi ng Peninsula ng Arabia. Ang pagtukoy sa “mga pamayanan na tinatahanan ng Kedar” (Isa 42:11), bagaman posibleng tumutukoy sa pansamantalang mga kampamento, ay maaaring nagpapahiwatig na ang ilang bahagi ng mga iyon ay waring tinatahanan na. Maaaring dahil sa pagiging prominente nila sa mga tribong Arabe, ang pangalang Kedar ay kumapit nang maglaon sa lahat ng mga tribong naninirahan sa disyerto. Sa mga Targum at sa panitikang rabiniko, ang Arabia mismo ay tinatawag na Kedar kung minsan.

Sa Awit ni Solomon, inihalintulad ng babaing Shulamita ang kaniyang maitim na balat sa “mga tolda ng Kedar” (Sol 1:5, 6; ihambing ang Aw 120:5), yamang ang mga toldang iyon ay malamang na gawa sa balahibo ng itim na kambing, gaya ng mga tolda ng maraming makabagong-panahong Bedouin. Binabanggit sa hula ni Ezekiel ang “mga pinuno ng Kedar” kasama ng mga Arabe bilang mga mangangalakal ng mga lalaking kordero, mga barakong tupa, at mga kambing na lalaki para sa lunsod ng komersiyo ng Tiro.​—Eze 27:21.

Noong panahon ng pangingibabaw ng Asirya sa Gitnang Silangan, inihula ng propetang si Isaias ang biglang paglalaho ng kaluwalhatian ng Kedar, anupat kaunti na lamang ang malalabi sa kaniyang makapangyarihang mga mambubusog. (Isa 21:16, 17) Maliwanag na ang mga Kedarita ang QidriQadri na tinutukoy sa mga rekord ng mga kampanya ng pakikipagdigma ng Asirya. Isinama sila ng Asiryanong si Haring Ashurbanipal sa Aribi (mga Arabe) at Nebaiot (ihambing ang Isa 60:7) sa ulat ng isang kampanya at ipinaghambog ang mga asno, mga kamelyo, at mga tupa na kinuha niya sa kanila bilang samsam.

Nang maglaon, ang Kedar ay pinabagsak ni Nabucodonosor na hari ng Babilonya. (Jer 49:28, 29) Ang pananakop ng monarka sa H Arabia ay binanggit ng Babilonyong istoryador na si Berossus, na sinipi naman ni Josephus.​—Against Apion, I, 129, 133 (19).

Isang mangkok na pilak (itinuturing na mula pa noong ikalimang siglo B.C.E.) na natagpuan sa Tell el-Maskhutah sa Ehipto ang may inskripsiyong Aramaiko: “Qainu bar [na anak ni] Gesem, hari ng Qedar [Kedar].” Posibleng ang Gesem na tinutukoy rito ay si “Gesem na Arabe” na sumalansang sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem noong mga araw ni Nehemias.​—Ne 2:19; 6:1, 2, 6.

Binabanggit sa mga rekord ng Asirya na sa dambana ni Haring Hazail ng Kedar ay may mga imahen ng huwad na mga diyos na sina Atarsamain (itinuring ng mga Asiryano na siya rin si Ishtar Dilbat), Dai, Nahai, Ruldaiu, Atarquruma, at Abirillu. Isang gintong bituin na may palamuting mahahalagang bato ang nagsilbing sagisag ng diyosang si Atarsamain. Ayon sa Babilonyong Talmud (Taʽanit 5b), sinamba rin ng mga tao ng Kedar ang tubig.