Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kemos

Kemos

Ang pangunahing bathala ng mga Moabitang tinukoy bilang “bayan ni Kemos.” (Bil 21:29; Jer 48:46) Sinasabi ng ilang iskolar na ang bathalang ito rin ang Baal ng Peor dahil ang huling nabanggit ay iniuugnay sa mga Moabita. (Bil 25:1-3) Sa mga panahon ng matinding kagipitan, kung hindi man regular na ginagawa ng mga Moabita, malamang ay naghahain sila ng kanilang mga anak kay Kemos.​—2Ha 3:26, 27.

Mas maiintindihan natin ang pangmalas ng mga Moabita sa kanilang diyos na si Kemos kung susuriin natin ang Batong Moabita, isang itim na basaltong stela na itinayo ni Haring Mesa ng Moab upang gunitain ang kaniyang paghihimagsik laban sa Israel. Ayon sa bantayog na ito, si Kemos ang nagbibigay ng mga tagumpay sa pagbabaka, at siya rin ang nag-uutos na makipagdigma. Kinilala ni Haring Mesa na si Kemos ang nagligtas sa kanila mula sa paniniil ng mga Israelita, at ikinatuwiran niya na ang kapighatiang dinanas nila sa mga kamay ni Omri na hari ng Israel ay dahil nagalit si Kemos sa kanila.

Tinukoy ni Jepte si Kemos bilang diyos ng mga Ammonita. (Huk 11:24) Kinukuwestiyon ng ilang iskolar ang kawastuan ng sinabi ni Jepte dahil, sa ibang mga talata, si Kemos ay palaging iniuugnay sa mga Moabita. Gayunman, dapat alalahanin na maraming sinasambang diyos ang mga Ammonita noon. (Huk 10:6) Karagdagan pa, yamang ang mga Ammonita at mga Moabita ay magkaratig na mga bayan, at parehong nagmula sa pamangkin ni Abraham na si Lot, hindi kataka-taka na kapuwa sumamba kay Kemos ang mga bansang ito.

Maliwanag na nakarating sa Israel ang pagsamba kay Kemos noong panahon ng paghahari ni Solomon. Tiyak na dahil sa impluwensiya ng kaniyang mga Moabitang asawa kung kaya nagtayo si Solomon ng isang mataas na dako para kay Kemos “sa bundok na nasa tapat ng Jerusalem.” (1Ha 11:1, 7, 8, 33) Pagkaraan ng mahigit na tatlong siglo, nang magsagawa si Josias ng malawakang reporma sa relihiyon, ang mataas na dakong ito ay ginawang di-karapat-dapat sa pagsamba.​—2Ha 23:13.

Nang humula ng kapahamakan para sa Moab ang propetang si Jeremias, sinabi niyang yayaon sa pagkatapon si Kemos na pangunahing diyos nito pati na ang kaniyang mga saserdote at mga prinsipe. Ikahihiya ng mga Moabita ang kanilang diyos dahil sa pagiging inutil nito, kung paanong ikinahiya ng mga Israelita ng sampung-tribong kaharian ang Bethel, malamang ay dahil nasangkot ito sa pagsamba sa guya.​—Jer 48:7, 13, 46.