Kenita
Isang miyembro ng isang bayan na naninirahan sa Canaan o sa kapaligiran nito noong mga araw ni Abram (Abraham). Gayunman, ang Kasulatan ay walang ibinibigay na tiyak na kawing ng angkan upang malaman ang pinanggalingan ng mga ito.—Gen 15:18-21.
Bagaman itinuturing ng ilang iskolar, salig sa kahawig na salitang Aramaiko, na ang “Kenita” ay nangangahulugang “panday,” hindi ito matiyak. Ang Bibliya mismo ay hindi tumutukoy sa mga Kenita bilang mga panday, ngunit lumilitaw na ipinahihiwatig nito na ang ilan sa kanila ay mga pastol. (Ihambing ang Exo 2:15, 16; 3:1; Huk 1:16.) Ayon sa isa pang mungkahi, ang terminong “Kenita” ay iniuugnay sa isang salitang Hebreo na nangangahulugang “pugad,” at angkop ito sa paglalarawan sa tahanang dako o ‘pugad’ ng mga Kenita na “nakatatag sa malaking bato.”—Bil 24:21.
Noong panahong tumakas si Moises mula sa Ehipto patungong lupain ng Midian, nag-asawa siya ng isang mula sa Kenitang pamilya na naninirahan doon. Kapag ang tagpo ng isang pangyayari ay nagsasangkot sa kanilang paninirahan sa Midian, ang mga miyembro ng pamilyang ito ay tinatawag na mga Midianita; sa ibang mga kalagayan ay tinutukoy sila bilang mga Kenita. Ipinahihiwatig nito na ang biyenan ni Moises na si Jetro, “na saserdote ng Midian,” at ang kaniyang bayaw na si Hobab ay maaaring mga Midianita mula sa heograpikong pangmalas. (Exo 2:15, 16; 3:1; 18:1; Bil 10:29, 30; Huk 1:16) Sa kabilang dako naman, kung ang mga kamag-anak ni Moises ay mga inapo ni Midian batay sa lahi, maaari nga silang tawaging mga Kenita dahil nagmula sila sa isang Kenitang sanga, o pamilya, ng mga Midianita, sa gayon ay magiging iba ang lahi nila sa mga Kenita na nabubuhay noong panahon ni Abraham bago ang kapanganakan ni Midian.
Nang lilisanin na ng mga Israelita ang rehiyon ng Bundok Sinai, hiniling ni Moises kay Hobab na samahan sila upang magsilbing “mga mata,” o isang giya, para sa bansa dahil sa kaalaman niya sa lugar na iyon. Bagaman tumanggi sa pasimula, lumilitaw na sumama rin si Hobab, sapagkat ang mga Kenita ay binabanggit nang maglaon na nanirahan sa Ilang ng Juda sa T ng Arad.—Bil 10:29-32; Huk 1:16.
Noong dakong huli, si Heber na Kenita ay humiwalay mula sa iba pang mga Kenita at nagtayo ng kaniyang tolda sa Kedes. (Huk 4:11; tingnan ang KEDES Blg. 3.) Nang maibagsak ang mga hukbong Canaanita, si Sisera ay ‘patakbong tumakas patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Heber na Kenita, sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari ng Hazor at ng sambahayan ni Heber na Kenita.’ Gayunman, doon nagwakas ang buhay ni Sisera sa kamay ni Jael.—Huk 4:17-21; 5:24-27.
1Sa 15:5, 6; ihambing ang Exo 18:8, 9; Bil 10:29-33.) Noong dakong huli, sinabi ni David kay Akis na lumusob siya “sa timog ng mga Kenita.” (1Sa 27:10) Ngunit ito ay bahagi ng isang mapanlinlang na pakana. Ang totoo, ang mga Kenita ay may palakaibigang pakikipag-ugnayan sa mga Israelita. Kaya, ang ilang samsam na inagaw mula sa mga Amalekita ay ipinadala ni David “sa kanila na nasa mga lunsod ng mga Kenita,” malamang na nasa bulubunduking pook ng timugang Juda.—1Sa 30:29.
Noong mga araw ni Haring Saul ang ilang mga Kenita ay naninirahan sa gitna ng mga Amalekita. Kaya nga, noong makikipagdigma na si Saul laban sa mga Amalekita, hinimok niya ang mga Kenita na humiwalay upang makatakas sa kapahamakan. Ang ganitong kabaitan ay ipinamalas sapagkat ang mga Kenita mismo ay ‘nagpakita ng maibiging-kabaitan sa lahat ng mga anak ni Israel noong panahong umaahon ang mga ito mula sa Ehipto.’ (Ang mga pamilya ng mga eskriba na naninirahan sa Jabez ay mga Kenita “na nanggaling kay Hammat na ama ng sambahayan ni Recab.” (1Cr 2:55) Binabanggit sila may kaugnayan sa mga inapo ni Juda.—1Cr 2:3.
Ang pamumuhay ng mga Kenita kasama ng sari-saring mga tao sa iba’t ibang panahon at lugar ay maaaring nagpapahiwatig na ang mga taong ito na pagala-gala o mistulang pagala-gala ay hindi lubusang napasanib sa anumang iba pang tribo o bayan.
Hindi espesipikong iniulat ng Bibliya kung ano ang nangyari sa mga Kenita na tinawag ding Kain. Ang kasabihan ni Balaam may kinalaman sa mga ito ay nagbangon ng tanong: “Hanggang kailan pa kaya bago ka dalhing bihag ng Asirya?” (Bil 24:21, 22) Kaya maaaring ang ilang Kenita ay nanirahan sa hilagang kaharian ng Israel at sa nakapalibot na mga lupain at kasama ng mga ito ay dinalang bihag ng mga Asiryano.—2Ha 15:29; 17:6.