Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kereteo, Mga

Kereteo, Mga

Pangalan ng isang bayan na iniuugnay sa mga Filisteo. (Eze 25:16; Zef 2:5) May mga Kereteong naglingkod sa mga hukbong militar ng piling bansa ni Jehova.​—2Sa 8:18; 20:23; 1Cr 18:17.

Naniniwala ang ilang leksikograpo sa wikang Hebreo na ang kere·thimʹ ay nagmula sa salitang-ugat na ka·rathʹ (nangangahulugang “lipulin”) at dapat isalin bilang “tagapuksa.” Gayunman, ipinapalagay ng maraming komentarista sa Bibliya na ang terminong Hebreo para sa “mga Kereteo” (kere·thimʹ) ay tumutukoy sa nasyonalidad. Ngunit sumasang-ayon sila na maaaring ka·rathʹ ang talagang salitang-ugat ng kere·thimʹ at na maaaring si Jehova ay gumamit ng magkatunog na mga salita sa Ezekiel 25:16 nang manumpa siya: “Lilipulin ko [hikh·rat·tiʹ] ang mga Kereteo [kere·thimʹ],” na katumbas ng ‘Papatayin ko ang mga pumapatay.’

Sa Ezekiel 25:15-17 at Zefanias 2:5-7, ang mga Kereteo at ang mga Filisteo ay magkasamang binanggit, at waring ipinahihiwatig nito na mayroon silang malapit na kaugnayan. Sa Griegong Septuagint, ang terminong “mga Kereteo” sa mga talatang ito ay pinalitan ng “mga Cretense,” marahil ay upang iugnay sila sa mga Filisteo na “mula sa Creta [Captor].” (Am 9:7) Dahil dito, at yamang lumilitaw sa 1 Samuel 30:14, 16 na ang mga Kereteo ay konektado sa “lupain ng mga Filisteo,” ipinapalagay ng karamihan sa mga iskolar na ang mga Kereteo at ang mga Filisteo ay iisang bayan lamang o kaya naman ay dalawang bayan na may malapit na kaugnayan. Sinasabi naman ng iba na maaaring ang mga Kereteo ay isang pangunahing tribo ng mga Filisteo.

Iminumungkahi na bagaman noong una ay dalawang bayan sila, maaaring ang mga Filisteo ang mas makapangyarihan o sila ang mas naunang dumating sa Canaan at sa gayo’y sila ang nangibabaw nang bandang huli, kung kaya isinunod sa pangalan nila ang lupaing tinawag na Filistia, bagaman hindi naman tuluyang naglaho ang pangalang mga Kereteo. Batay sa pangmalas na ito, ang nabanggit na mga hula ni Ezekiel at ni Zefanias ay nangangahulugang magpapasapit si Jehova ng paghihiganti at kaabahan sa lahat ng tumatahan sa mga lunsod ng Filistia, kapuwa sa mga Filisteo at mga Kereteo, mga hulang maliwanag na tinupad ng mga Babilonyo.

May mga Kereteong napabilang sa mga hukbong sandatahan ni David, at sila at ang mga Peleteo (na madalas banggitin kasama nila) ay maaaring naglingkod bilang tagapagbantay ng hari sa pangunguna ni Benaias. (2Sa 8:18; 20:23; 1Cr 18:17; ihambing ang 2Sa 23:22, 23; 1Cr 11:25.) Dahil dito, kadalasa’y iniuugnay sila ng mga iskolar sa “tagapagbantay na Cariano” na naglingkod pagkaraan pa ng mahigit 100 taon, noong panahon ng saserdoteng si Jehoiada. (2Ha 11:4, 19; tingnan ang CARIANO, TAGAPAGBANTAY NA.) Bagaman lumilitaw na ipinanganak silang mga banyaga, ang mga Kereteo noong mga araw ni David ay hindi basta mga mersenaryong naglilingkod lamang dahil sa personal na pakinabang (gaya ng karaniwang maling akala), kundi talagang tapat sila kay David bilang pinahiran ni Jehova. Naipakita nila ito nang may-katapatan silang manatili sa panig ni David nang mapilitan itong umalis sa Jerusalem dahil “ang puso ng mga lalaki ng Israel” ay sumunod sa rebeldeng si Absalom. (2Sa 15:13, 18) Nang maglaon, tumulong din ang mga Kereteo upang masugpo ang paghihimagsik ni Sheba na Benjamita, at sinuportahan nila si Solomon, na pinili ni David bilang kahaliling hari ng Israel.​—2Sa 20:7; 1Ha 1:38, 39, 44.