Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ketong

Ketong

Isang karamdaman na sa Bibliya ay tinutukoy sa pamamagitan ng terminong Hebreo na tsa·raʹʽath at ng salitang Griego na leʹpra. Ang taong mayroon nito ay tinatawag na ketongin.

Sa Kasulatan, ang “ketong” ay hindi lamang tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon, dahil hindi lamang mga tao ang maaaring maapektuhan nito kundi pati mga damit at mga bahay. (Lev 14:55) Ang ketong sa ngayon ay tinatawag na Hansen’s disease, na pinangalanan nang ganito dahil si Dr. Gerhard A. Hansen ang nakatuklas sa mikrobyo na karaniwang ipinapalagay na sanhi ng karamdamang ito. Gayunman, bagaman mas malawak pa ang tinutukoy ng tsa·raʹʽath kaysa sa ketong sa ngayon, walang alinlangan na ang ketong sa tao, na tinatawag sa ngayon na Hansen’s disease, ay umiral din sa Gitnang Silangan noong panahon ng Bibliya.

Mga Uri ng Ketong, at ang Kanilang mga Epekto. Sa ngayon ang ketong, o Hansen’s disease, na hindi gaanong nakahahawa, ay may tatlong pangunahing uri. Ang isa, ang nodular type, ay lumilikha ng pangangapal ng balat at pagtubo ng mga bukol, una ay sa balat ng mukha at pagkatapos ay sa iba pang mga bahagi ng katawan. Pinahihina rin nito ang mga mucous membrane ng ilong at lalamunan ng maysakit. Tinatawag itong black leprosy. Ang isa pang uri ay ang anesthetic leprosy, kung minsan ay tinatawag na white leprosy. Hindi ito kasinlubha ng black leprosy at pangunahin nang naaapektuhan nito ang mga peripheral nerve. Maaaring ang palatandaan nito ay balat na makirot kapag nahihipo, bagaman maaari rin itong lumikha ng pamamanhid. Ang ikatlong uri ng ketong ay kombinasyon ng mga sintomas ng dalawang nabanggit na uri.

Habang lumulubha ang ketong, ang mga bukol na naunang lumitaw ay nagnanana, ang buhok sa ulo at kilay ay maaaring malugas, ang mga kuko ay maaaring lumuwag, mabulok, at malagas. Pagkatapos, ang mga daliri, mga biyas, ilong, o mga mata ng maysakit ay maaaring unti-unting maagnas. Sa dakong huli, sa pinakamalulubhang kaso, ang maysakit ay namamatay. Tiyak na kabilang sa Biblikal na “ketong” ang gayong malubhang sakit at ipinakikita ito ng pagtukoy rito ni Aaron bilang isang karamdaman kung saan ang ‘kalahati ng laman ay agnas na.’​—Bil 12:12.

Tinutulungan tayo ng paglalarawang ito upang higit na maunawaan ang mga pagtukoy ng Bibliya sa nakapanghihilakbot na karamdamang ito at ang napakasamang ibinunga ng kapangahasan ni Uzias nang magtangka siyang maghandog ng insenso sa templo ni Jehova.​—2Ha 15:5; 2Cr 26:16-23.

Diyagnosis. Sa pamamagitan ng Kautusang Mosaiko, naglaan si Jehova sa Israel ng impormasyon upang matiyak ng saserdote kung ang sakit ay ketong at upang malaman niya ang pagkakaiba nito sa ibang mga sakit sa balat na di-gaanong malubha. Batay sa nakatala sa Levitico 13:1-46, makikita na ang ketong ay maaaring magsimula sa isang singaw, langib, pantal, bukol, o pilat sa balat ng isa dahil sa apoy. Kung minsan ang mga sintomas ay kitang-kita. Ang balahibo sa apektadong bahagi ay namumuti, at ang karamdaman ay nakikitang mas malalim kaysa sa balat. Halimbawa, dahil sa isang puting singaw sa balat ay maaaring pumuti ang balahibo, at maaaring lumitaw ang sariwang laman sa singaw. Nangangahulugan ito na ang isa ay may ketong at ipahahayag siyang marumi. Gayunman, sa ibang mga kaso, ang karamdaman ay hindi mas malalim sa balat, kaya naman ikinukuwarentenas ang maysakit sa loob ng isang yugto at pagkatapos ay sinusuri siya ng saserdote, na siyang huling magpapasiya hinggil dito.

Kinikilala na ang ketong ay maaaring umabot sa isang kalagayan na hindi na ito nakahahawa. Kapag kumalat ito sa buong katawan, anupat ang kabuuan nito ay namuti, at wala nang makitang buháy na laman, tanda ito na tapos na ang pagkalat ng sakit at na mga marka na lamang ng pinsala ang naiwan. Sa gayon ay ipahahayag ng saserdote na malinis na ang maysakit, anupat ang karamdaman ay hindi na isang banta sa iba.​—Lev 13:12-17.

Kapag nawala na ang karamdaman ng ketongin at gumaling na siya, may mga kaayusan na dapat sundin upang mapadalisay niya ang kaniyang sarili sa seremonyal na paraan, at kabilang sa mga ito ang paghahandog ng saserdote ng hain alang-alang sa kaniya. (Lev 14:1-32) Ngunit kung ang ketongin na hindi pa magaling ay ipahahayag na marumi ng saserdote, pupunitin ang mga kasuutan ng ketongin, ang kaniyang ulo ay pababayaang hindi nakaayos, tatakpan niya ang kaniyang bigote o nguso, at sisigaw siya ng “Marumi, marumi!” Kailangan siyang tumahang nakabukod sa labas ng kampo (Lev 13:43-46), isang hakbanging ginagawa upang hindi mahawahan ng ketongin yaong mga sa gitna nila ay nagtotolda si Jehova. (Bil 5:1-4) Waring noong panahon ng Bibliya, ang mga ketongin ay nagsasama-sama o naninirahang magkakasama, sa gayo’y natutulungan nila ang isa’t isa.​—2Ha 7:3-5; Luc 17:12.

Sa mga kasuutan at mga bahay. Maaari ring maapektuhan ng ketong ang mga kasuutang lana o lino, o ang isang kagamitang yari sa balat. Maaaring mawala ang salot sa pamamagitan ng paglalaba, at may mga kaayusan sa pagkukuwarentenas ng kagamitan. Ngunit kung magpatuloy ang salot na ito na manilaw-nilaw na luntian o mamula-mula, ang kagamitan ay may malubhang ketong at dapat sunugin. (Lev 13:47-59) Kung sa dingding ng isang bahay ay may lumitaw na mga uka na manilaw-nilaw na luntian o mamula-mula, ang bahay ay ipapakuwarentenas ng saserdote. Baka kailangang bakbakin ang mga batong apektado at pakayuran ang loob ng bahay, anupat ang mga bato at ang kinayod na argamasa ay itatapon sa isang dakong marumi sa labas ng lunsod. Kung bumalik ang salot, ang bahay ay ipahahayag na marumi at gigibain, at ang mga materyales ay itatapon sa isang dakong marumi. Ngunit may kaayusan ukol sa pagpapadalisay para sa bahay na ipinahayag na malinis. (Lev 14:33-57) Ipinapalagay na ang ketong na nakaaapekto sa mga kasuutan o mga bahay ay isang uri ng amag, ngunit hindi ito matiyak.

Bilang Isang Tanda. Ang isa sa mga tanda na isinagawa ni Moises sa tulong ni Jehova upang patunayan sa mga Israelita na isinugo siya ng Diyos ay may kinalaman sa ketong. Gaya ng itinagubilin ni Jehova, ipinasok ni Moises ang kaniyang kamay sa pang-itaas na tupi ng kaniyang kasuutan, at nang ilabas niya iyon, “ang kaniyang kamay ay kinapitan ng ketong na tulad ng niyebe!” Pinanauli ito “gaya ng iba pang bahagi ng kaniyang laman” sa pamamagitan ng pagbabalik niya nito sa pang-itaas na tupi ng kaniyang kasuutan at muling paglalabas nito. (Exo 4:6, 7) Kinapitan naman si Miriam ng “ketong na kasimputi ng niyebe” na isang pagkilos ng Diyos dahil nagsalita siya nang laban kay Moises. Nagsumamo si Moises sa Diyos na pagalingin si Miriam, na nangyari naman, ngunit ikinuwarentenas ito nang pitong araw sa labas ng kampo.​—Bil 12:1, 2, 9-15.

Noong Panahon ni Eliseo. Si Naaman na Siryano ay “magiting at makapangyarihang lalaki, bagaman isang ketongin [o, kinapitan ng sakit sa balat].” (2Ha 5:1, tlb sa Rbi8) Dahil sa kaniyang pagmamapuri ay muntik na niyang maiwala ang kaniyang pagkakataon na mapagaling, ngunit nang maglaon ay ginawa rin niya ang gaya ng itinagubilin ni Eliseo, anupat lumubog siya sa Jordan nang pitong ulit, at “nanumbalik ang kaniyang laman tulad ng laman ng isang munting bata at siya ay naging malinis.” (2Ha 5:14) Sa gayon ay naging mananamba siya ni Jehova. Gayunman, ang tagapaglingkod ni Eliseo na si Gehazi ay may-kasakimang kumuha ng kaloob mula kay Naaman sa ngalan ng propeta, anupat nagsinungaling siya tungkol sa kaniyang panginoon at, sa diwa, ginamit ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos bilang isang paraan upang makapagtamo ng materyal na pakinabang. Dahil sa kasalanan niyang ito, pinasapitan ng Diyos si Gehazi ng ketong at naging “isang ketongin na kasimputi ng niyebe.”​—2Ha 5:20-27.

Maraming ketongin sa Israel noong mga araw ni Eliseo. Apat na Israelitang ketongin ang nasa labas ng mga pintuang-daan ng Samaria nang si Eliseo ay nasa loob ng lunsod. (2Ha 7:3) Ngunit karamihan ng mga Israelita ay hindi nanampalataya sa lalaking ito ng tunay na Diyos, kung paanong hindi tinanggap si Jesus ng mga Judio sa sarili niyang teritoryo. Kaya naman sinabi ni Kristo: “Gayundin, maraming ketongin sa Israel noong panahon ni Eliseo na propeta, gayunma’y walang isa man sa kanila ang nilinis, maliban kay Naaman na taong taga-Sirya.”​—Luc 4:27.

Mga Pinagaling ni Jesus at ng Kaniyang mga Alagad. Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa Galilea, pinagaling ni Jesus ang isang ketongin na inilarawan ni Lucas bilang “isang lalaking punô ng ketong.” Inutusan siya ni Jesus na huwag sabihin iyon kaninuman: “Ngunit humayo ka at magpakita ka sa saserdote, at maghandog ka may kaugnayan sa paglilinis sa iyo, gaya ng iniutos ni Moises, bilang patotoo sa kanila.”​—Luc 5:12-16; Mat 8:2-4; Mar 1:40-45.

Nang isugo ni Kristo ang 12 apostol, bukod sa iba pang mga bagay ay sinabi niya sa kanila, “Gawing malinis ang mga ketongin.” (Mat 10:8) Nang maglaon, samantalang dumaraan siya sa Samaria at Galilea, nagpagaling si Jesus ng sampung ketongin sa isang nayon. Isa lamang sa kanila, isang Samaritano, ang “bumalik, na niluluwalhati ang Diyos sa malakas na tinig” at sumubsob sa paanan ni Jesus, anupat pinasalamatan ito sa ginawa nito para sa kaniya. (Luc 17:11-19) Mapapansin din na si Kristo ay nasa Betania sa tahanan ni Simon na ketongin (na maaaring pinagaling ni Jesus) nang pahiran ni Maria si Jesus ng mamahaling mabangong langis mga ilang araw lamang bago ang kaniyang kamatayan.​—Mat 26:6-13; Mar 14:3-9; Ju 12:1-8.