Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kidlat

Kidlat

Ang nakasisilaw na mga kislap ng liwanag na resulta ng paglabas ng kuryente ng atmospera sa pagitan ng mga ulap o sa pagitan ng mga ulap at ng lupa. Ang penomenong ito na may kasamang makulog na bagyo ay karaniwan sa Israel kapag panahon ng maulang mga yugto ng tagsibol at taglagas, anupat pinakamadalas pagsapit ng malalamig na buwan ng Nobyembre o Disyembre.

Bilang Maylalang ng mga elementong kailangan upang makalikha ng kidlat, si Jehova ang pinagmumulan nito. (Job 37:3, 11) Kaya rin niya itong kontrolin at lumilitaw na gumamit siya ng kidlat at ng mga paraang kagaya nito upang iligtas ang kaniyang mga lingkod mula sa kanilang mga kaaway at upang ilapat ang kaniyang mga kahatulan. (2Sa 22:1, 15; Aw 18:14; 77:16-20; Zac 9:14; ihambing ang Job 36:32; Aw 97:4; 144:6.) Kaya naman angkop na ang mga kidlat ay iniuugnay sa trono ng Diyos (Apo 4:5; ihambing ang Apo 11:19), sa mga kapahayagan ng kaniyang galit (Apo 8:5; 16:18) at inilalarawan ang mga ito sa makasagisag na paraan na waring nag-uulat na naisagawa na nila ang kanilang atas. (Job 38:35) Sa Bundok Sinai, ang mga kislap ng kidlat ay kasabay ng kasindak-sindak na pisikal na mga palatandaan ng presensiya ng Diyos.​—Exo 19:16; 20:18.

Ang kidlat (sa Heb., ba·raqʹ) ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa kinang ng pinakintab na metal. (Deu 32:41, tlb sa Rbi8; Eze 21:10, tlb sa Rbi8; Na 3:3; Hab 3:11) Sa Nahum 2:4, maaaring ang kinang o ang napakabilis na takbo ng mga karo ng kaaway sa mga lansangan ng Nineve ang tinutukoy ng mga salitang, “Patuloy na tumatakbo ang mga ito na parang mga kidlat.” At ang nagniningning na mga mukha o kaanyuan ng mga anghelikong nilalang ay inihahambing sa kidlat.​—Dan 10:5, 6; Mat 28:2, 3; tingnan din ang Eze 1:14.

Ipinakita ni Kristo Jesus na ang kaniyang presensiya ay hindi mananatiling lihim, kung paanong imposibleng ikubli ang kidlat na “lumalabas mula sa mga silanganing bahagi at nagliliwanag hanggang sa mga kanluraning bahagi.” (Mat 24:23-27; Luc 17:20-24) Bago nito, nang bumalik ang 70 alagad na isinugo niya taglay ang ulat na maging ang mga demonyo ay napasasakop sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang pangalan, tinukoy ni Jesus ang katiyakan ng panghinaharap na pagpapalayas kay Satanas mula sa langit, anupat sinabi niya: “Namamasdan ko na si Satanas na nahulog na tulad ng kidlat mula sa langit.”​—Luc 10:1, 17, 18.

Sa Lucas 11:36, ang salitang Griego para sa kidlat (a·stra·peʹ) ay tumutukoy sa liwanag o sinag ng isang lampara.