Kios
Isa sa malalaking pulo sa Dagat Aegeano na nakahiwalay sa K baybayin ng Asia Minor sa pamamagitan ng isang kipot na may lapad na 8 km (5 mi) o higit pa. Ang pulo (mula H hanggang T) ay may habang mga 50 km (30 mi) at ang lapad nito (mula S hanggang K) ay nag-iiba-iba mula 13 hanggang 29 na km (8 hanggang 18 mi).
Binanggit ang Kios sa ulat ng Gawa 20 tungkol sa paglalakbay ni Pablo pabalik sa Jerusalem nang papatapos na ang kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, noong mga 56 C.E. Ang barkong sinasakyan ni Pablo ay naglayag mula sa Mitilene (Gaw 20:14) mga 100 km (60 mi) sa dakong HS, malamang noong umaga, at ‘nakarating sa tapat ng Kios’ (Gaw 20:15), malamang ay pagkalubog ng araw. Kinabukasan, nagpatuloy ang paglalakbay hanggang sa Samos, na mga 100 km (60 mi) pa ang layo.
Noong panahong naglalakbay si Pablo, ang Kios ay itinuturing na isang malayang estadong-lunsod ng Romanong probinsiya ng Asia. Napanatili nito ang katayuang ito hanggang sa pamamahala ni Emperador Vespasian (69-79 C.E.). Sa ngayon, kapuwa ang pulo at ang pangunahing lunsod nito ay tinatawag ng mga Griego na Khios at Scio naman ang tawag dito ng mga Italyano.