Kir
Ang lugar na pinanggalingan ng mga Arameano patungong Sirya, bagaman hindi tiyak na ito ang kanilang orihinal na tahanan. (Am 9:7) Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Amos (1:5), ipinahiwatig ni Jehova na ang mga Arameano ay babalik sa Kir, ngunit bilang mga tapon. Natupad ang hulang ito nang bihagin ni Tiglat-pileser III ang Damasco na Arameanong kabisera, matapos siyang suhulan ng Judeanong si Haring Ahaz na gawin iyon, pagkatapos ay dinala niya sa pagkatapon sa Kir ang mga tumatahan doon.—2Ha 16:7-9.
Inilalarawan ng Isaias 22:5, 6 na ang Kir ay naghahanda laban sa “libis ng pangitain” (inaakalang kumakatawan sa Jerusalem). Ang hulang ito ay karaniwang inuunawa na natupad noong panahon ng kampanya ng Asiryanong si Haring Senakerib laban sa Juda. Dahil iniuugnay ang Kir sa Elam sa tekstong ito, iminumungkahi ng ilan na ito ay maaaring nasa kalakhang lugar ng Elam, sa S ng Ilog Tigris. (Ihambing ang Isa 21:2, kung saan ang Media na kilaláng karatig-pook ng Elam ay itinatambal din sa Elam.) Hindi ginagamit ng Griegong Septuagint ang “Kir” sa alinman sa mga nabanggit na teksto kundi gumagamit ito ng iba’t ibang salita para sa Hebreong qir. Sa gayon ay hindi matiyak ang aktuwal na lokasyon nito.