Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kir ng Moab

Kir ng Moab

Isang mahalagang lunsod ng Moab, malamang na dating kabisera nito. Laging tinutukoy ng Aramaikong Targum ang Kir (ng Moab), Kir-hareset, at Kir-heres bilang Karak, anupat ipinahihiwatig na ang mga ito ay mga kahaliling pangalan lamang para sa lugar ding iyon. Dahil dito, ang “Kir ng Moab” ay kadalasang iniuugnay sa makabagong Karak. (Isa 15:1) Ang lunsod na ito ay nasa isang maliit na talampas na mahigit sa 900 m (3,000 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat at mga 35 km (22 mi) sa T ng Dibon. Inihihiwalay ng matatarik na libis ang kalakhang bahagi ng Karak mula sa mas matatayog na karatig na bundok.

Sa pagtatapos ng ikasampung siglo B.C.E., sinalakay ng magkakaalyadong mga hukbo ng Israel, Juda, at Edom ang Kir-hareset. Kung wasto ang pagkakaugnay ng dakong ito sa Karak, walang alinlangang mula sa kalapit na mga bundok nagpaulan ng mga bato sa lunsod ang mga tagapaghilagpos. Bagaman maliwanag na hindi nakuha ang Kir-hareset, naging mahirap ang pagbabaka para sa hari ng Moab. Sa isang kadahilanang di-binanggit, tinangka niya, kasama ang 700 mandirigma, na makalusot sa mga hanay ng pagbabaka upang makarating sa hari ng Edom ngunit hindi sila nagtagumpay. Bilang huling solusyon, lumilitaw na hayagang inihain ng hari ng Moab ang sarili niyang panganay na anak, malamang na upang paglubagin ang diyos na si Kemos. (2Ha 3:5, 9, 25-27) Ang tekstong Hebreo (2Ha 3:27) ay maaari ring unawain na tumutukoy sa panganay na anak ng hari ng Edom, at sinasabi ng ilan na ipinahihiwatig ito ng Amos 2:1. Ngunit malayong magkaganito.

Sinabi sa hula ni Isaias na magdadalamhati ang mga Moabita dahil sa mga kakaning pasas ng Kir-hareset, marahil ay isang pangunahing produktong pangkalakal ng lunsod. (Isa 16:6, 7) Binanggit din ni Isaias ang kaniyang pagiging maingay gaya ng isang alpa dahil sa Moab at Kir-hareset. Kung paanong nanginginig ang mga kuwerdas ng alpa upang tumunog, gayon naantig ng mensahe ng kaabahan para sa Kir-hareset ang mga panloob na bahagi ni Isaias.​—Isa 16:11; tingnan din ang Jer 48:31, 36.