Kiriat-jearim
[Bayan ng mga Kagubatan].
Isang Hivitang lunsod na iniugnay sa mga Gibeonita. (Jos 9:17) Kilala rin ito bilang Baala (Jos 15:9), Baale-juda (2Sa 6:2), at Kiriat-baal (Jos 15:60). Nang maglaon, ang Kiriat-jearim ay naging pag-aari ng Juda at naging kahangga ng teritoryong Benjamita. (Jos 15:1, 9; 18:11, 14; Huk 18:12) Lumilitaw na nanirahan dito ang mga inapo ni Juda sa pamamagitan ni Caleb.—1Cr 2:3, 50, 52, 53.
Noong ika-12 siglo B.C.E., ilang panahon pagkatapos ibalik ng mga Filisteo ang Kaban, dinala ito sa Kiriat-jearim dahil sa kahilingan ng mga lalaki sa kalapit na Bet-semes. Lumilitaw na nanatili ito roon hanggang noong ilipat ito ni Haring David sa Jerusalem pagkaraan ng mga 70 taon.—1Sa 6:20–7:2; 1Cr 13:5, 6; 16:1; 2Cr 1:4.
Ang kapanahon ni Jeremias na si propeta Urias ay anak ni Semaias ng Kiriat-jearim. (Jer 26:20) Ang mga inapo niyaong mga dating naninirahan sa lunsod ay may kinatawan din sa mga bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya.—Ezr 2:1, 2, 25; Ne 7:6, 7, 29.
Karaniwang iminumungkahi ang Deir el-ʽAzar (Tel Qiryat Yeʽarim) bilang lugar na tumutugma sa paglalarawan ng Bibliya na ang Kiriat-jearim ay isang lunsod ng bulubunduking pook (Jos 15:48, 60) at nasa hanggahan ng Juda at Benjamin sa kapaligiran ng iba pang Gibeonitang mga lunsod. Estratehiko ang posisyon ng lugar na ito sa ibabaw ng isang burol na mga 14 na km (8.5 mi) sa SHS ng Bet-semes at mga 13 km (8 mi) sa KHK ng Jerusalem. Ang lokasyong ito’y halos tumutugma sa sinabi ni Eusebius na ang Kiriat-jearim ay 9 na milyang Romano (13 km; 8 mi), at noong minsa’y 10 milyang Romano (15 km; 9 na mi), mula sa Jerusalem. Gayundin, yamang ang Deir el-ʽAzar ay nasa isang rehiyon na dati’y waring makahoy, kaayon na kaayon ito ng pangalang Kiriat-jearim, “Bayan ng mga Kagubatan.”