Kirot
Pagkadama ng pisikal na hirap, bahagya man o matindi; maaari ring tumukoy sa matinding pagkabagabag ng isip o emosyon.
Dahil sa nakahahapong trabaho ng pagsasaka sa isinumpang lupa (Gen 3:17-19; 5:29), mga salitang nakasasakit (Kaw 15:1), di-pagtugon ng iba sa kabutihan (Ro 9:2), karamdaman at iba pang mga kapighatian (Job 2:13; 16:6), ang mga tao ay nakararanas ng mental, emosyonal, at pisikal na kirot. Sanhi rin ng kirot ang nakapanghihilakbot o nakatatakot na mga situwasyon, totoo man ang mga ito o pangitain lamang.—Aw 55:3, 4; Isa 21:1-3; Jer 4:19, 20; Eze 30:4, 9; tingnan din ang KIROT NG PAGDARAMDAM, MGA.
‘Wala Nang Kirot.’ Bagaman di-kaayaaya, ang pisikal na pagkadama ng kirot ay may kapaki-pakinabang na layunin yamang binabalaan nito ang isang tao hinggil sa panganib na mapinsala ang kaniyang katawan at sa gayon ay makagagawa siya ng mga hakbang upang maiwasan ang malubhang pinsala. Samakatuwid, ang katuparan ng pangako ng Diyos na ‘hindi na magkakaroon pa man ng kirot’ (Apo 21:4), ay hindi maaaring mangahulugan na magiging manhid na ang mga tao o na hindi na sila makadarama ng kirot. Sa halip, ‘hindi na magkakaroon’ ng mental, emosyonal, at pisikal na kirot na resulta na kasalanan at di-kasakdalan (Ro 8:21, 22) sa diwa na aalisin ang mga sanhi nito (gaya ng karamdaman at kamatayan). Ang kasakdalan ng katawan ay hindi nangangahulugan na ang isa ay lubusang hindi makakaramdam ng kirot, yamang kahit ang sakdal na taong si Jesus ay dumanas ng pisikal at emosyonal na kirot may kaugnayan sa kaniyang kamatayan at dahil sa pagiging manhid niyaong mga pinaglingkuran niya. (Mat 26:37; Luc 19:41) Inihula pa nga na siya ay magiging “isang taong nauukol sa mga kirot.” (Isa 53:3) Sa pamamagitan ng pagpapagaling niya sa mga “napipighati ng iba’t ibang karamdaman at mga pahirap” (Mat 4:24), pinasan ni Jesus ang mga kirot ng iba.—Isa 53:4.
Makasagisag na Paggamit. Sa Kasulatan, madalas tukuyin ang kirot sa makasagisag na diwa. Depende sa konteksto, maaari itong tumukoy sa pagpapagal (Kaw 5:10) o sa kapaki-pakinabang na pagkatakot at matinding paggalang sa Diyos na Jehova. (1Cr 16:30; Aw 96:9; 114:7) Kapag naliligalig, ang katubigan, mga bukal, at ang lupa ay inilalarawang dumaranas ng kirot. (Aw 77:16; 97:4; Jer 51:29; Hab 3:10) Sa pangmalas ni Jehova, ang di-tapat na Juda ay may di-malunasang kirot, kirot na maaaring ikamatay.—Jer 30:15.
Ang mga kirot, o mga hapdi, ay maaari ring tumukoy sa nakapipighating kalagayan. May kaugnayan kay Jesu-Kristo, sinabi ng apostol na si Pedro: “Binuhay siyang muli ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakalag sa mga hapdi ng kamatayan, sapagkat hindi siya maaaring pigilan nito nang mahigpit.” (Gaw 2:24) Bagaman walang kabatiran ang mga patay, ang kamatayan ay isang mapait at nakapipighating karanasan, kapuwa dahil sa kirot na kadalasang nauuna rito at dahil sa lubusang paghinto ng lahat ng gawain at pagkawala ng kalayaan na idinudulot ng nakapaparalisang kapit nito.—Ihambing ang Aw 116:3.