Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kitim

Kitim

Si Kitim ay nakatala bilang isa sa apat na “anak” ni Javan, bagaman ang pangalan ay lumilitaw lamang sa anyong pangmaramihan sa lahat ng mga pagtukoy sa Kasulatan. (Gen 10:4; 1Cr 1:7) Nang maglaon, ang pangalan ay ginamit upang kumatawan sa isang bayan at rehiyon.

Tinukoy ni Josephus (Jewish Antiquities, I, 128 [vi, 1]) ang Kitim bilang “Chethimos” at iniugnay ito sa Ciprus at sa “pangalang Chethim na ibinigay ng mga Hebreo sa lahat ng mga pulo at sa karamihan sa mga bansang malapit sa dagat.” Tinukoy ng sinaunang mga taga-Fenicia ang mga tao ng Ciprus bilang Kitti. Sa pangkalahatan ay sinasang-ayunan ng makabagong mga awtoridad ang gayong pag-uugnay ng Kitim sa Ciprus.

Ang lunsod ng Kition (Citium) sa TS baybayin ng Ciprus ay higit na kilala bilang isang kolonya ng Fenicia, kaya naman minamalas ng ilang iskolar na hindi angkop ang pagtatala kay Kitim kasama ng mga inapo ni Japet. (Gen 10:2, 4; 1Cr 1:5, 7) Gayunman, ipinakikita ng katibayan na ang mga taga-Fenicia ay huling dumating sa Ciprus at ang kanilang kolonya sa Kition ay itinuturing na mula lamang noong mga ikasiyam na siglo B.C.E. Sa gayon, pagkatapos na tukuyin ng The New Encyclopædia Britannica (1987, Tomo 3, p. 332) ang Kition bilang ang “pangunahing lunsod ng Fenicia sa Ciprus,” isinusog nito: “Ang pinakasinaunang mga labí sa Citium ay yaong sa isang kolonyang Aegeano noong Edad Mycenaean (mga 1400-1100 BC).”​—Tingnan din ang Tomo 16, p. 948.

Ang Kitim ay maaaring sumaklaw sa iba pang mga lugar bukod sa pulo ng Ciprus. Ipinahihiwatig ito ng pananalita ni Josephus, na sinipi kanina, tungkol sa paggamit sa Hebreo ng terminong iyon bilang sumasaklaw sa iba pang mga pulo at mga bansa sa Mediteraneo na kahangga ng dagat, anupat ang Ciprus ang pinakamalapit (sa Palestina) sa mga lupaing Kitim. Waring pinatototohanan ito ng mga pagtukoy sa “mga pulo” o “mga baybaying lupain” ng Kitim sa Ezekiel 27:6 at Jeremias 2:10. Itinuturing ng ilang komentarista na ang Kitim ay ginagamit din sa mas malawak na diwang ito sa Bilang 24:24, kung saan inihula ng propetang si Balaam, nabuhay na kapanahon ni Moises, na pipighatiin ng “mga barko mula sa baybayin ng Kitim” ang Asirya at Eber ngunit ang mananalakay ay malilipol sa bandang huli. Ipahihintulot ng pangmalas na ito na ang pagsalakay ay magmula sa baybaying dagat na rehiyon ng Macedonia, na mula sa bansang ito umabante si Alejandrong Dakila, anupat nilupig ang lupain ng “Asur” (Asirya-Babilonia) kasama ang Imperyo ng Medo-Persia; iminumungkahi ng iba na ang mga mananalakay ay mga Romano mula sa Mediteraneong mga baybaying lupain ng Italya. Ginagamit ng Latin na Vulgate ang “Italya” bilang kahalili ng “Kitim” sa Bilang 24:24, at ang Targum ni Onkelos ay kababasahan ng “mga Romano”; ngunit ginagamit ng Apokripal na aklat ng 1 Macabeo (1:1, JB) ang Kitim upang kumatawan sa lupain ng Macedonia.

Sa kapahayagan ni Isaias laban sa Tiro, ang Kitim (malamang na ang Ciprus) ang lugar kung saan natanggap ng pasilangang mga barko ng Tarsis ang balita tungkol sa pagbagsak ng Tiro, at “ang anak na dalaga ng Sidon” ay sinasabihan ni Jehova na ‘tumawid patungong Kitim,’ sa nabigong pagsisikap na makasumpong ng kanlungan. (Isa 23:1, 11, 12) Kasuwato ito ng katibayan ng kasaysayan na may mga kolonya ng Fenicia sa Ciprus noong panahong humula si Isaias (mga 778–pagkatapos ng 732 B.C.E.). Inilalahad sa isang inskripsiyon ni Senakerib ang pagtakas ni Haring Luli ng Sidon patungong pulo ng Iadnana (Ciprus) bilang resulta ng pagsalakay ng Asirya. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 287, 288) Sa katulad na paraan, maliwanag na marami mula sa Tiro ang nanganlong sa Ciprus noong panahon ng 13-taóng pagkubkob ni Nabucodonosor sa Tiro, bilang katuparan ng proklamasyon ni Isaias.

Ang huling pagbanggit sa Kitim (sa pangalang iyon) ay nasa hula ni Daniel tungkol sa pagpapaligsahan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog,” kung saan ang isang pagsalakay ng “hari ng hilaga” ay binigo ng “mga barko ng Kitim.”​—Dan 11:30; tingnan ang CIPRUS.