Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kobra

Kobra

[sa Heb., peʹthen].

Isang napakamakamandag na ahas ng Asia at Aprika. Walang alinlangan na ang kobrang binanggit sa anim na talata ng Bibliya ay ang Egyptian cobra o aspid (Naja haje), na karaniwang ginagamit sa pang-eengkanto ng ahas, kapuwa noong panahon ng Bibliya at sa ngayon. Tulad ng common cobra ng India at ng Asiatic king cobra, pinalalapad ng Egyptian cobra ang leeg nito kapag nagalit.

Ang kobra ay umaatake sa pamamagitan ng paabanteng pagsugod ng nakatindig na katawan nito kasabay ang malakas na pagsagitsit. Kapag nanunuklaw ang kobra, mahigpit na sinasakmal ng panga nito ang bagay na kinagat at pagkatapos ay sinisimulan nito ang kakaibang pagnguya upang tiyaking makapapasok sa sugat ang sapat na lason. Dahil dito at sa napakatapang na lason ng kanilang kamandag, ang mga kobra ay kasama sa pinakamapanganib na mga hayop.

Kilalang-kilala ng mga Israelita ang ahas na ito, hindi lamang noong sila’y nasa Ehipto kundi noong nagpapagala-gala rin sila sa ilang. Nang magsalita si Moises sa mga Israelita sa ilang, tinukoy niya ang kamandag ng kobra bilang “ang malupit na lason ng mga kobra.” (Deu 32:33) Tamang-tama ang terminong “malupit” upang ilarawan ang epekto ng kamandag ng kobra. Hinggil sa epekto nito, sinabi ni Findlay Russell, M.D., sa kaniyang aklat na Snake Venom Poisoning (1980, p. 362) na ang mga sintomas ay nagsisimula sa pamimigat ng mga talukap ng mata, at maaari itong sundan ng hirap sa paghinga, paralisis ng mga mata, dila, at lalamunan at posibleng may kasama pang pangingisay at cardiac arrest (paghinto ng tibok ng puso).

Ang lason ng kobra ay umaatake sa mga nerbiyo, pumaparalisa sa sistema ng palahingahan, at kalimita’y nakamamatay sa tao, malibang agad siyang mabigyan ng antivenom (panlaban sa kamandag). Binanggit ni Zopar ang “apdo ng mga kobra” at ang “kamandag ng mga kobra.”​—Job 20:14, 16.

Sa pamamagitan ng makasagisag na pananalita, pinag-ugnay ng salmista ang nakamamatay na kobra at ang leon at ganito ang sinabi niya tungkol sa mga nagtitiwala kay Jehova: “Ang batang leon at ang kobra ay tatapakan mo; yuyurakan mo ang may-kilíng na batang leon at ang malaking ahas.” (Aw 91:13) Nang tukuyin ni Isaias ang muling pagtitipon sa bayan ni Jehova, humula siya ng nagbagong mga kalagayan para sa kanila. Inilarawan niya ang panahon na “ang batang sumususo ay maglalaro sa lungga ng kobra; at sa siwang ng liwanag ng makamandag na ahas ay ilalagay nga ng batang inawat sa suso ang kaniyang kamay.”​—Isa 11:8, 11, 12.

Paano ‘naririnig’ ng kobra ang “tinig ng mga engkantador”?

Binanggit ng Bibliya ang tainga ng kobra at ang kakayahan ng kobra na “makinig sa tinig ng mga engkantador.” (Aw 58:4, 5) Dahil ang mga ahas ay walang panlabas na butas ng tainga at sa tingin ng mga naturalista ay hindi sila tumutugon sa tunog, inakala ng marami na ang mga reptilyang ito’y bingi. Ganito ang komento ng The New Encyclopædia Britannica (1987, Tomo 27, p. 159) tungkol dito: “Mali ang palagay na ito; ang mga ahas ay sensitibo sa ilang sound wave na inihahatid ng hangin at may kakayahan silang tumanggap ng mga ito sa pamamagitan ng isang mekanismo na nagsisilbing kahalili ng tympanic membrane. . . . Bukod diyan, bagaman ang karamihan ng mga ahas ay di-kasinsensitibo ng karamihan sa ibang mga uri ng tainga pagdating sa kalagitnaang lebel ng mabababang tono, hindi naman napakalaki ng agwat na ito. Gayunman, sa ilang ahas, ang pagiging sensitibo nila ay halos kasintalas ng karamihan sa mga bayawak na may pangkaraniwang uri ng mga butas ng tainga at mga mekanismo ng panggitnang tainga.”