Kombensiyon
Isang pagtitipun-tipon ng mga tao para sa isang espesipikong layunin; isang kapulungan. Sa Kasulatan, ang terminong “kombensiyon” ay isang salin ng salitang Hebreo na miq·raʼʹ, na nangangahulugang “isang pagpipisan,” o “pagtitipon; pagtawag.” Ang isa pang salin ng salitang Hebreo na ito ay “kombokasyon.” Makikita ang saligang kahulugan nito sa Bilang 10:2 kung saan ginamit ito upang itawid ang ideya ng pagtipon sa kapulungan ng Israel.—Ihambing ang Isa 1:13, tlb sa Rbi8.
Ganito ang iskedyul ng “mga banal na kombensiyon”: (1) Ang bawat Sabbath (Lev 23:3); (2) ang una at ikapitong araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa tuwing Nisan, na unang buwan (Marso-Abril) (Bil 28:18, 25; Lev 23:6-8); (3) ang Kapistahan ng mga Sanlinggo o Kapistahan ng Pag-aani na nang maglaon ay nakilala bilang Pentecostes at idinaraos sa ikatlong buwan, Sivan (Mayo-Hunyo) (Lev 23:15-21); (4) ang una at ikasampung araw ng ikapitong buwan, Etanim o Tisri (Setyembre-Oktubre), anupat ang ikasampung araw ay ang Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 23:23-27; Bil 29:1, 7); (5) ang unang araw ng Kapistahan ng mga Kubol, na nagsisimula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, Etanim o Tisri, gayundin ang araw pagkatapos ng pitong-araw na kapistahang iyon.—Lev 23:33-36.
Ang isang natatanging pagkakakilanlan ng lahat ng “mga banal na kombensiyon” na ito ay na hindi dapat gumawa ng mabigat na gawain ang taong-bayan habang nagaganap ang mga ito. Halimbawa, ang una at ikapitong araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay “mga banal na kombensiyon.” May kinalaman sa mga ito ay sinabi ni Jehova: “Walang gawa ang gagawin sa mga araw na iyon. Tanging ang kailangang kainin ng bawat kaluluwa, iyon lamang ang maaari ninyong gawin.” (Exo 12:15, 16) Gayunman, kapag panahon ng “mga banal na kombensiyon,” ang mga saserdote ay abala sa paghahandog ng mga hain kay Jehova (Lev 23:37, 38), at tiyak na hindi ito paglabag sa alinmang utos na huwag gumawa ng pang-araw-araw na mga gawain. Ang mga okasyong ito ay hindi rin mga pagkakataon upang magpakabatugan ang buong bayan kundi mga panahon para makinabang sila nang husto sa espirituwal. Tuwing lingguhang araw ng Sabbath, ang taong-bayan ay nagtitipon para sa pangmadlang pagsamba at pagtuturo. Sa gayo’y napatitibay sila ng pangmadlang pagbabasa at pagpapaliwanag sa nasusulat na Salita ng Diyos, gaya rin ng ginawa sa mga sinagoga nang maglaon. (Gaw 15:21) Samakatuwid, bagaman ang taong-bayan ay hindi gumagawa ng mabigat na gawain sa panahon ng araw ng Sabbath o ng iba pang “mga banal na kombensiyon,” iniuukol naman nila ang kanilang sarili sa pananalangin at pagbubulay-bulay tungkol sa Maylalang at sa kaniyang mga layunin.—Tingnan ang KAPULUNGAN.