Kora
[posible, Kalbo; Pagkakalbo].
1. Isa sa tatlong anak ni Esau sa kaniyang Hivitang asawa na si Oholibama; ipinanganak sa Canaan bago nanirahan si Esau sa bulubunduking pook ng Seir. (Gen 36:2, 5-8, 14; 1Cr 1:35) Si Kora ay isang shik sa lupain ng Edom.—Gen 36:18.
Isang “shik Kora” ang nakatala sa Genesis 36:16 bilang anak ni Elipaz at apo ni Esau. Gayunman, ang pangalang ito ay hindi lumilitaw na kasama ng mga inapo ni Elipaz sa Genesis 36:11, 12 o 1 Cronica 1:36. Wala ito sa Genesis 36:16 ng Samaritanong Pentateuch, at ipinapalagay ng ilang iskolar na ang paglitaw nito sa tekstong Masoretiko ay maaaring resulta ng pagkakamali ng tagakopya.
2. Isa sa mga anak ni Hebron na mula sa tribo ni Juda.—1Cr 2:43.
3. Isang Kohatitang Levita mula sa pamilya ni Izhar. (Exo 6:16, 18, 21; 1Cr 6:1, 2, 22 [Maaaring ang Aminadab ay isa pang pangalan ni Izhar.]) Noong naglalakbay ang Israel sa ilang, naghimagsik si Kora laban sa awtoridad nina Moises at Aaron, anupat nakipagsabuwatan siya sa mga Rubenitang sina Datan, Abiram, at On, kasama ang 250 na “mga pinuno ng kapulungan” o “mga lalaking bantog.” (Bil 16:1, 2) Ikinatuwiran nila na “ang buong kapulungan ay banal na lahat at si Jehova ay nasa gitna nila,” at nagtanong, “Bakit nga kayo magmamataas sa kongregasyon ni Jehova?” (Bil 16:3-11) Nang maglaon ay nagsugo si Moises upang tawagin sina Datan at Abiram, ngunit tumanggi silang pumaroon, anupat iniisip na walang karapatan si Moises na ipatawag sila. (Bil 16:12-15) Si Kora, ang kaniyang kapulungan, at ang mataas na saserdoteng si Aaron ay sinabihang pumaroon sa harap ni Jehova, at lahat ay magdadala ng lalagyan ng apoy at insensong sinusunog.—Bil 16:16, 17.
Nang sumunod na araw, si Kora at ang 250 lalaki na kasama niya, lahat ay may dalang lalagyan ng apoy na may insensong sinusunog, ay tumayo sa pasukan ng tolda ng kapisanan kasama nina Moises at Aaron. Ang kaluwalhatian ni Jehova ay lumitaw sa buong kapulungan at ang Diyos ay nagsalita kina Moises at Aaron at nagsabing humiwalay sila mula sa gitna ng kapulungan, “upang malipol ko sila sa isang iglap.” Ngunit namagitan sina Moises at Aaron para sa bayan, at sa gayon ay inutusan ng Diyos si Moises na palayuin ang kapulungan mula sa mga tabernakulo nina Kora, Datan, at Abiram. Sinunod naman nila ito. (Bil 16:18-27) Di-nagtagal, “ibinuka ng lupa ang bibig nito at nilamon sila at ang kanilang mga sambahayan at ang lahat ng tao na nauukol kay Kora at ang lahat ng pag-aari.” Sila at ang lahat ng sa kanila ay nababang buháy sa Sheol, at tinakpan sila ng lupa.—Bil 16:28-34.
Yaong mga nasa harap ng tolda ng kapisanan na may dalang mga lalagyan ng apoy na punô ng insenso ay hindi nakatakas, sapagkat “lumabas ang apoy mula kay Jehova at tinupok ang dalawang daan at limampung lalaking naghahandog ng insenso.” Bil 16:35) Si Kora mismo ay kasama nila noon at sa gayon ay nalipol sa apoy na iyon na nagmula sa Diyos.—Bil 26:10.
(Ang mga lalagyan ng apoy niyaong mga nakipagsabuwatan kay Kora ay ginawang mga laminang metal na pangkalupkop sa altar. Ginawa ito “sapagkat inihandog nila ang mga iyon sa harap ni Jehova, anupat ang mga iyon ay naging banal; at ang mga iyon ay magsisilbing isang tanda sa mga anak ni Israel.” (Bil 16:36-40) Sa kabila ng napakalinaw na ebidensiyang ito ng paghatol ng Diyos, nang sumunod na araw mismo ay nagbulung-bulungan ang buong kapulungan ng Israel laban kina Moises at Aaron, anupat nagreklamo, “Kayo, pinatay ninyo ang bayan ni Jehova.” Ito ay pumukaw ng galit ng Diyos, at sa kabila ng pagsusumamo nina Moises at Aaron, 14,700 ang namatay dahil sa isang salot mula kay Jehova, na tumigil lamang nang magbayad-sala si Aaron para sa bayan. (Bil 16:41-50) Pagkatapos nito, ang makasaserdoteng posisyon ni Aaron ay pinagtibay ng pag-uusbong ng kaniyang tungkod.—Bil 17.
Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ang mga anak ni Kora ay hindi sumunod sa paghihimagsik ng kanilang ama, sapagkat sinasabi nito: “Gayunman, ang mga anak ni Kora ay hindi namatay.” (Bil 26:9-11) Nang maglaon, ang mga inapo ni Kora ay naging prominente sa Levitikong paglilingkod.—Tingnan ang KORAHITA.
Sina Cain, Balaam, at Kora ay magkakasamang binanggit ng manunulat ng aklat ng Judas nang babalaan niya ang mga Kristiyano na mag-ingat laban sa mga taong makahayop na “nalipol sa mapaghimagsik na salita ni Kora!” Maliwanag na naghangad si Kora ng kaluwalhatian para sa kaniyang sarili. Kinuwestiyon niya ang mga pag-aatas ni Jehova, anupat naging isang rebelde, at sa gayon ay makatarungang pinarusahan ng kamatayan dahil sa kaniyang maling landasin.—Jud 10, 11.