Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kormoran

Kormoran

[sa Heb., sha·lakhʹ; sa Ingles, cormorant].

Isang malaking ibong-tubig na may mga paang tulad ng sa itik at nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng pagsisid. Ang tanging pagbanggit sa ibong ito ay sa talaan ng maruruming ibon sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kung saan ipinagbawal kainin ang mga ibon na karamiha’y mga ibong maninila at mga kumakain ng bangkay. (Lev 11:17; Deu 14:17) Kinilala ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint ang ibong ito bilang ang ka·tar·raʹktes, na pangalang Griego para sa kormoran, samantalang ginamit naman ng Latin na Vulgate ang mergulus (ang “maninisid”) para sa ibong ito. Ang kormoran (Phalacrocorax) ay pangkaraniwan sa Palestina, lalo na sa kahabaan ng Baybayin ng Mediteraneo at gayundin sa ilang loobang katubigan gaya ng Dagat ng Galilea. Ang kormoran ay kamag-anak ng mga ibong kabilang sa pamilya ng mga pelikano. Karaniwa’y mahaba ang katawan at matingkad ang kulay ng kormoran, at ito’y mabilis at sanay sa tubig, anupat lumalangoy sa ilalim ng tubig gamit ang kaniyang mga paang tulad ng sa itik. Dahil matalas at hugis-kalawit ang tuka nito, mahusay itong manghuli ng isda. Mula pa noong sinaunang mga panahon, tinuturuan na ng mga mangingisda sa Silangan at sa ilang bahagi ng India ang mga kormoran na manghuli ng isda para sa kanilang mga may-ari, anupat nilalagyan nila ng medyo maluwag na pamigkis ang leeg ng ibon para napakaliliit na isda lamang ang malulon nito.

[Larawan sa pahina 106]

Ang kormoran; isang ibong hindi dapat kainin ayon sa Kautusang Mosaiko