Krimen at Kaparusahan
Mula pa noong sinaunang panahon, likas na sa tao ang pagiging makatarungan (Isa 58:2; Ro 2:13-15), yamang ginawa siya ayon sa larawan ng Diyos ng katarungan. (Gen 1:26; Aw 37:28; Mal 2:17) Ang unang sentensiyang ipinataw ni Jehova bilang pagpapatupad ng katarungan ay ipinahayag sa unang mag-asawang tao at sa serpiyente, na kumakatawan sa Diyablo. Kamatayan ang parusang ipinataw para sa pagsuway sa Diyos, na katumbas ng paghihimagsik laban sa soberanya ng Tagapamahala ng sansinukob. (Gen 2:17) Nang maglaon, dahil alam ni Cain na ang mga tao ay likas na makatarungan, naisip niya na nanaisin nilang patayin siya upang ipaghiganti ang pagpaslang niya sa kaniyang kapatid na si Abel. Ngunit hindi inatasan o pinahintulutan ni Jehova ang sinuman na maglapat ng kamatayan kay Cain, palibhasa’y nais niyang siya mismo ang magpataw ng kagantihan. Isinagawa niya ito nang pawiin niya ang linya ni Cain noong panahon ng Baha. (Gen 4:14, 15) Mga 700 taon bago ang Baha, ipinahayag ni Enoc ang dumarating na paglalapat ng Diyos ng hatol sa mga nagsasagawa ng di-makadiyos na mga gawa.—Gen 5:21-24; Jud 14, 15.
Pagkatapos ng Baha. Pagkatapos ng Baha, nagbigay pa ang Diyos ng ibang mga kautusan, kabilang na sa mga ito ang unang pagbibigay-pahintulot sa tao na maglapat ng parusa sa pagpaslang. (Gen 9:3-6) Nang maglaon, sinabi ni Jehova tungkol kay Abraham: “Sapagkat kinilala ko siya upang utusan niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang sambahayan na kasunod niya na ingatan nila ang daan ni Jehova at isagawa ang katuwiran at kahatulan.” (Gen 18:19) Ipinakikita nito na ang patriyarkal na lipunan ay nasa ilalim ng mga kautusan ng Diyos, na pamilyar na sa kanila.
Isiniwalat ni Jehova ang kaniyang pangmalas sa pangangalunya at ang kaparusahan para rito nang sabihin niya kay Abimelec na para na rin itong patay dahil kinuha nito si Sara upang gawing kaniyang asawa (bagaman hindi alam ni Abimelec na pag-aari ni Abraham si Sara). (Gen 20:2-7) Parusang kamatayan ang itinakda ni Juda kay Tamar dahil sa pagpapatutot.—Gen 38:24.
Ang Kautusan ng Diyos Para sa Israel. Nang organisahin ang Israel bilang isang bansa, ang Diyos ang naging kanilang Hari, Tagapagbigay-batas, at Hukom. (Isa 33:22) Ibinigay niya sa kanila ang “Sampung Salita,” o “Sampung Utos,” gaya ng madalas itawag sa mga ito, na naglalahad ng mga simulaing pinagbatayan ng kalipunan ng mga 600 iba pang kautusan. Pinasimulan niya ang “Sampung Salita” sa pagsasabi: “Ako ay si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.” (Exo 20:2) Ito ang pangunahing dahilan kung bakit dapat sundin ang buong Kautusan. Ang pagsuway ay hindi lamang paglabag sa kautusan ng Ulo ng pamahalaan kundi pagkakasala rin laban sa Ulo ng relihiyon, ang kanilang Diyos, at ang pamumusong sa Diyos ay lèse-majesté, o pagtataksil sa tagapamahala.
Sa ilalim ng Kautusan, ikinapit din ang mga simulaing gumabay sa patriyarkal na lipunan. Gayunman, ang Kautusan ay mas detalyado at sinaklaw nito ang lahat ng aspekto ng mga gawain ng tao. Ang buong Kautusan, na nakatala sa Pentateuch, ay may mataas na pamantayan ng moralidad anupat kung sisikapin ng isang tao na sundin ang buong Kautusan, masusumpungan niya na hinahatulan siya nito bilang isang makasalanan at di-sakdal. “Ang utos ay banal at matuwid at mabuti,” at “ang Kautusan ay espirituwal,” ang sabi ng apostol na si Pablo. “Ito ay idinagdag upang mahayag ang mga pagsalansang.” (Ro 7:12, 14; Gal 3:19) Ito ang buong kautusan ng Diyos para sa Israel, na nagsasaad ng mga simulain at opisyal na mga pasiya ni Jehova, anupat hindi isang kalipunan lamang ng mga kaso na maaaring bumangon o bumangon na.
Samakatuwid, ang mga parusa sa ilalim ng Kautusan ay makatutulong upang ipakita na ang kasalanan ay “lalo pang higit na makasalanan.” (Ro 7:13) Itinatag ng batas ng talion, na humihiling ng mata para sa mata, ang isang pamantayan ng eksaktong katarungan. Ang Kautusan ay nagsilbi ukol sa kapayapaan at katahimikan ng bansa, iningatan nito ang bansa kapag sinusunod ito ng Israel, at ipinagsanggalang nito ang indibiduwal laban sa manggagawa ng kasamaan, anupat binabayaran siya kapag ang ari-arian niya ay ninakaw o sinira.
Hindi tuwirang sinasabi sa Sampung Utos, gaya ng pagkakatala sa Exodo 20 at Deuteronomio 5, kung ano ang parusa para sa bawat paglabag. Gayunman, tiyakang sinasabi ang mga parusang ito sa ibang mga talata. Para sa paglabag sa unang pitong utos, ang parusa ay kamatayan. Ang kaparusahan sa pagnanakaw ay pagbabayad sa isa na ninakawan ng ari-arian; ipapataw naman sa bulaang saksi ang parusang ilalapat sana sa inakusahan niya. Ang huling utos, laban sa kaimbutan o maling pagnanasa, ay hindi nilakipan ng parusa na maipatutupad ng mga hukom. Nakahihigit ito sa gawang-taong mga batas sapagkat ginawa nitong espirituwal na pulis ng bawat tao ang kaniyang sarili at pinuntirya nito ang ugat, o sanhi, ng paglabag sa lahat ng utos. Kung bibigyang-daan ang maling pagnanasa, sa kalaunan ay hahantong ito sa paglabag sa isa sa siyam na iba pang mga utos.
Malulubhang krimen sa ilalim ng Kautusan. Mga krimen na pinapatawan ng kamatayan. Sa ilalim ng Kautusan, parusang kamatayan ang itinakda para sa (1) pamumusong (Lev 24:14, 16, 23); (2) pagsamba sa alinmang diyos maliban kay Jehova, anumang anyo ng idolatriya (Lev 20:2; Deu 13:6, 10, 13-15; 17:2-7; Bil 25:1-9); (3) pangkukulam, espiritismo (Exo 22:18; Lev 20:27); (4) pagiging bulaang propeta (Deu 13:5; 18:20); (5) paglabag sa Sabbath (Bil 15:32-36; Exo 31:14; 35:2); (6) pagpaslang (Bil 35:30, 31); (7) pangangalunya (Lev 20:10; Deu 22:22); (8) may-kabulaanang pag-aangkin ng isang babaing ikakasal na siya’y birhen (Deu 22:21); (9) pakikipagtalik sa isang babaing ipinakipagtipan na (Deu 22:23-27); (10) insesto (Lev 18:6-17, 29; 20:11, 12, 14); (11) sodomiya (Lev 18:22; 20:13); (12) bestiyalidad (Lev 18:23; 20:15, 16); (13) pandurukot ng tao (Exo 21:16; Deu 24:7); (14) pananakit o panlalait sa magulang (Exo 21:15, 17); (15) pagpapatotoo nang may kabulaanan, kapag kamatayan ang magiging parusa sa isa na nililitis (Deu 19:16-21); (16) paglapit sa tabernakulo kung ang isa ay hindi awtorisado (Bil 17:13; 18:7).
Sa maraming kaso, ang parusang binabanggit ay ‘paglipol,’ kadalasa’y sa pamamagitan ng pagbato. Bukod sa itinakda ito para sa sinasadyang pagkakasala at para sa mapang-abuso at walang-galang na pananalita laban kay Jehova (Bil 15:30, 31), marami pang ibang bagay ang nilalapatan ng parusang ito. Ang ilan sa mga ito ay: hindi pagpapatuli (Gen 17:14; Exo 4:24); sinasadyang di-pagdiriwang ng Paskuwa (Bil 9:13); hindi pagdiriwang ng Araw ng Pagbabayad-Sala (Lev 23:29, 30); paggawa o paggamit ng banal na langis na pamahid para sa pangkaraniwang mga layunin (Exo 30:31-33, 38); pagkain ng dugo (Lev 17:10, 14); pagkain ng hain samantalang ang isa ay nasa maruming kalagayan (Lev 7: 20, 21; 22:3, 4, 9); pagkain ng tinapay na may lebadura sa panahon ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Exo 12:15, 19); paghahandog ng hain sa ibang lugar maliban sa tabernakulo (Lev 17:8, 9); pagkain ng handog na pansalu-salo sa ikatlong araw mula sa araw ng paghahain (Lev 19:7, 8); hindi pagpapadalisay (Bil 19:13-20); ilegal na paghipo sa mga banal na bagay (Bil 4:15, 18, 20); pakikipagtalik sa babaing nireregla (Lev 20:18); pagkain ng taba ng mga hain.—Lev 7:25; tingnan ang PAGKALIPOL.
Mga kaparusahang ipinapataw ng Kautusan. Dahil sa mga kaparusahan sa ilalim ng Kautusang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ni Moises, ang lupain ay naingatang malinis sa paningin ng Diyos; ang mga nagsasagawa ng mga karima-rimarim na bagay ay inalis sa bayan. Gayundin, ang mga kaparusahan ay nakahadlang sa paggawa ng krimen at napanatili nito ang paggalang sa kabanalan ng buhay, sa batas ng lupain, sa Tagapagbigay-Kautusan, ang Diyos, at sa kapuwa-tao. At, kapag sinusunod ito, iniingatan ng Kautusan ang bansa mula sa pagbagsak ng ekonomiya at mula sa moral na kabulukan na nagdudulot ng nakapandidiring mga sakit at pisikal na pinsala.
Ang Kautusan ay hindi nagpataw ng malulupit na kaparusahan. Hindi maaaring parusahan ang isang tao dahil sa mga kamalian ng iba. Malinaw na inilahad ang mga simulaing dapat sundin. Ang mga hukom ay binigyan ng kalayaang magpasiya, anupat isinasaalang-alang nila ang mga detalye ng bawat kaso at sinusuri ang mga kalagayan, gayundin ang motibo at saloobin ng mga akusado. Kailangang mahigpit na ilapat ang katarungan. (Heb 2:2) Ang mamamaslang ay hindi makaiiwas sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbabayad ng salapi. (Bil 35:31) Kung ang isang tao ay nakapatay nang di-sinasadya, maaari siyang tumakas patungo sa isa sa mga kanlungang lunsod. Samantalang nakakulong siya sa loob ng hangganan ng lunsod, mapipilitan siyang kilalanin na ang buhay ay sagrado at na kahit ang di-sinasadyang pagpatay ay hindi maaaring ipagwalang-bahala, kundi humihiling ito ng kabayaran. Gayunman, yamang abala siyang gumagawa sa kanlungang lunsod, hindi siya magiging pabigat sa komunidad sa pinansiyal na paraan.—Bil 35:26-28.
Ang mga parusa para sa mga paglabag ay nilayong magbigay ng ginhawa at kabayaran sa biktima ng isang magnanakaw o ng isa na puminsala sa ari-arian ng kaniyang kapuwa. Kung hindi kayang bayaran ng magnanakaw ang itinakdang halaga, maaari siyang ipagbili sa biktima o sa iba pang tao bilang alipin, sa gayon ay mababayaran ang biktima at makapagtatrabaho ang kriminal para sa kaniyang panustos, upang hindi siya maging kargo ng bansa, gaya ng nangyayari kapag ibinibilanggo ang kriminal. Ang mga kautusang ito ay makatarungan at nakatulong upang makapagbagong-buhay ang kriminal.—Exo 22:1-6.
Sa ilalim ng Kautusan, inilapat ang hatol na kamatayan sa pamamagitan ng pagbato. (Lev 20:2, 27) Kung minsan ay ginagamit ang tabak, lalo na kung marami ang lalapatan ng kamatayan. (Exo 32:27; 1Ha 2:25, 31, 32, 34) Kung mag-apostata ang isang lunsod, ang lahat ng nasa lunsod ay itatalaga sa pagkapuksa sa pamamagitan ng tabak. (Deu 13:15) Sa Exodo 19:13, ipinahihiwatig ang pagpatay sa pamamagitan ng palaso, at sa Bilang 25:7, 8 naman ay sa pamamagitan ng sibat. Binabanggit ang pagpugot ng ulo, bagaman maaaring sa ibang paraan isinasagawa ang pagpatay at pagkatapos ay pinupugutan ng ulo ang bangkay. (2Sa 20:21, 22; 2Ha 10:6-8) Para sa mas karima-rimarim na mga krimen, itinakda ng Kautusan ang pagsunog at ang pagbibitin sa tulos. (Lev 20:14; 21:9; Jos 7:25; Bil 25:4, 5; Deu 21:22, 23) Isinasagawa lamang ang mga sentensiyang ito pagkatapos na patayin ang isang tao, gaya ng malinaw na sinasabi ng nabanggit na mga kasulatan.
Kadalasang pinapatay sa pamamagitan ng tabak ang mga bihag sa digmaan kung sila ay mga taong itinalaga sa pagkapuksa ayon sa utos ng Diyos. (1Sa 15:2, 3, 33) Ang iba na sumuko ay puwersahang pinagtatrabaho. (Deu 20:10, 11) Pinalilitaw ng mas matatandang salin ng pananalita sa 2 Samuel 12:31 na pinahirapan ni David ang mga naninirahan sa Raba ng Ammon, ngunit ipinakikita ng makabagong mga salin na pinagtrabaho lamang niya sila nang puwersahan.—Tingnan ang NW; AT; Mo.
Ang paghuhulog o paghahagis ng isang tao mula sa isang bangin o mataas na dako ay hindi ipinag-utos ng kautusan, ngunit ganitong parusa ang inilapat ni Haring Amazias sa 10,000 lalaki ng Seir. (2Cr 25:12) Tinangka itong gawin kay Jesus ng taong-bayan ng Nazaret.—Luc 4:29.
Mahigpit na katarungan ang ipinatupad ng batas ng talion o kagantihan, mata para sa mata, kapag sinadya ang pagdudulot ng pinsala. (Deu 19:21) May isang ulat ng paglalapat ng parusang ito. (Huk 1:6, 7) Ngunit kailangang tiyakin ng mga hukom salig sa ebidensiya kung ang krimen ay sinadya o dahil sa kapabayaan o sakuna, at isaalang-alang ang iba pang mga detalye. Ang isang eksepsiyon sa batas ng pagganti ay ang kautusan hinggil sa situwasyon kung saan tinulungan ng isang babae ang kaniyang asawang nakikipag-away sa pamamagitan ng pagsunggab sa mga pribadong sangkap ng kalabang lalaki. Sa kasong ito, sa halip na sirain ang mga sangkap ng babae sa pag-aanak, ang kamay niya ang puputulin. (Deu 25:11, 12) Ipinakikita ng kautusang ito ang pagpapahalaga ng Diyos sa mga sangkap sa pag-aanak. Isa pa, yamang ang babaing iyon ay pag-aari ng kaniyang asawang lalaki, may-kaawaang isinaalang-alang ng kautusang ito ang karapatan ng asawang lalaki na magkaanak sa kaniyang asawa.
Binabanggit ng Mishnah ang apat na paraan ng paglalapat ng parusang kamatayan: pagbato, pagsunog, pagpugot ng ulo, at pagbigti. Ngunit ang huling tatlong paraan ay hindi ipinahintulot o iniutos sa ilalim ng Kautusan. Ang mga paraang itinakda sa Mishnah ay bahagi ng idinagdag na mga tradisyon at labag sa utos ng Diyos. (Mat 15:3, 9) Ang isang halimbawa ng malulupit na kaugaliang ibinunga nito ay ang paraan ng mga Judio ng paglalapat ng parusang pagsunog. “Ang ordinansa para sa mga susunugin [ay ganito]: ilalagay nila siya sa dumi ng hayop na hanggang sa kaniyang mga tuhod at maglalagay sila ng isang tuwalyang yari sa magaspang na tela sa loob ng isa pa na yari sa malambot na tela at ipupulupot nila iyon sa kaniyang leeg; hihilahin ng isa[ng saksi] ang isang dulo at hihilahin naman ng isa pa ang kabilang dulo hanggang sa ibuka niya ang kaniyang bibig; isang mitsa [ayon sa Gemara (52a) ay isa itong makitid na piraso ng tingga] ang paniningasin at isusubo sa kaniyang bibig, at bababa ito sa loob ng kaniyang tiyan at susunugin nito ang kaniyang mga bituka.”—Sanhedrin 7:2; isinalin ni H. Danby.
Yamang mula pa sa pasimula ay ginagabayan na ng batas ang mga tao, alinman sa batas ng Diyos o batas ng budhi na inilagay ng Diyos sa kanila, napatunayang miyentras mas mahigpit na nanghahawakan ang mga tao sa tunay na pagsamba, mas makatuwiran at makatao ang mga kaparusahang inilalapat ng kanilang mga batas, at miyentras mas lumilihis sila mula rito, lalo silang nagiging di-makatarungan. Makikita ito kapag inihambing ang mga batas ng sinaunang mga bansa sa mga batas ng Israel.
Ehipsiyo. Kakaunti ang nalalaman tungkol sa mga kaparusahang ipinataw ng mga Ehipsiyo. Naglapat sila ng parusang pambubugbog (Exo 5:14, 16), paglunod (Exo 1:22), pagpugot ng ulo na sinusundan ng pagbibitin ng bangkay sa tulos (Gen 40:19, 22), at pagpatay sa pamamagitan ng tabak, gayundin ng pagbibilanggo.—Gen 39:20.
Asiryano. Napakatitindi ng mga kaparusahan sa ilalim ng Imperyo ng Asirya. Kabilang sa mga ito ang pagpatay, pagputol ng mga bahagi ng katawan (gaya ng mga tainga, ilong, mga labi, o kaya ay pagkapon), pagbabayubay sa tulos, pagkakait ng libing, pamamalo, pagbabayad ng isang partikular na timbang ng tingga, at maharlikang corvée (puwersahang pagtatrabaho). Sa ilalim ng batas Asiryano, ang isang mamamaslang ay ibibigay sa pinakamalapit na kamag-anak ng pinaslang, at depende sa kaniyang pipiliin, maaari niyang patayin ang mamamaslang o kunin ang ari-arian nito. Maaari itong humantong sa alitan ng mga angkan, sapagkat hindi gaanong kontrolado ang paglalapat ng gayong parusa, at walang inilaang mga kanlungang lunsod, di-gaya sa Israel. Ang kaparusahan sa pangangalunya ay ipinauubaya sa asawang lalaki. Maaari niyang patayin ang kaniyang asawa, putulan ito ng mga bahagi ng katawan, parusahan ito ayon sa kaniyang kagustuhan, o palayain ito. Anuman ang ginawa niya sa kaniyang asawa ay dapat din niyang gawin sa lalaking nangalunya rito. Maraming bihag sa digmaan ang binalatan nang buháy, binulag, o pinutulan ng dila; sila ay ibinayubay, sinunog, at pinatay sa iba pang pamamaraan.
Babilonyo. Ang kodigo ni Hammurabi (gaya ng tawag dito, bagaman hindi ito isang kodigo kung ibabatay sa pagbibigay-katuturan ng mga abogado sa ngayon), na kinikilalang ibinatay sa mas naunang mga batas, ay isang kalipunan ng mga pasiya o “mga aklat ng mga kaso” na isinulat sa mga tapyas na luwad at nang maglaon ay kinopya (marahil sa ibang istilo ng pagsulat) sa isang stela na inilagay sa templo ni Marduk sa Babilonya. Malamang na naglagay ng mga kopya nito sa iba pang mga lunsod. Ang stelang ito, na nang maglaon ay dinala sa Susa ng isang manlulupig, ay natuklasan doon noong 1902.
Ibinatay ba sa kodigo ni Hammurabi ang Kautusang Mosaiko?
Di-tulad ng Kautusang Mosaiko, hindi ito nagtatag ng mga simulain. Sa halip, waring ang layon nito ay tulungan ang mga hukom na pagpasiyahan ang ilang kaso sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga saligan o sa pamamagitan ng pagtutuwid sa naunang mga pasiya upang ipakita kung ano ang dapat gawin sa mga kaso sa hinaharap. Halimbawa, hindi ito bumabanggit ng parusa sa pagpaslang, sapagkat mayroon nang ipinatutupad na kaparusahan para roon, at tiyak na mayroon na rin para sa iba pang karaniwang mga krimen. Hindi sinikap ni Hammurabi na saklawin ang lahat ng batas. Bawat isa sa mga tuntunin ng “kodigo” ay nagsisimula sa ganitong pormula: ‘Kung ganito at ganoon ang gawin ng isang tao.’ Dahil espesipikong mga situwasyon ang tinatalakay nito, sa halip na maglatag ng mga simulain, sinasabi lamang nito kung anong hatol ang dapat ibigay na aangkop sa isang simpleng kalipunan ng mga pangyayari. Pangunahin itong ibinatay sa mga batas na umiiral na, anupat
nagiging espesipiko lamang upang umangkop sa ilang mahihirap na situwasyon sa sibilisasyong Babilonyo noong panahong iyon.Hinding-hindi ibinatay sa kodigo ni Hammurabi ang Kautusang Mosaiko. Halimbawa, sa kodigo ni Hammurabi ay may isang “madamaying” kaparusahan. Ayon sa isa sa mga alituntunin: “Kung [ang isang tagapagtayo ay] maging sanhi ng pagkamatay ng anak ng may-ari ng bahay [dahil marupok ang bahay anupat gumuho ito], papatayin ng isa ang anak ng tagapagtayong iyon.” Sa kabaligtaran, sinasabi ng kautusan ng Diyos sa pamamagitan ni Moises: “Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, at ang mga anak ay hindi papatayin dahil sa mga ama.” (Deu 24:16) Ang karaniwang parusa sa pagnanakaw ng mga pag-aari ay kamatayan, hindi pagsasauli gaya ng ipinapataw ng Kautusang Mosaiko. Sa ilang kaso ng pagnanakaw, hinihiling ang pagsasauli ng hanggang maka-30 ulit ng ninakaw. Kung hindi ito kayang bayaran ng taong iyon, siya ay papatayin. Naglapat si Nabucodonosor ng parusang pagputol ng mga sangkap, at nagparusa rin siya sa pamamagitan ng apoy, gaya sa kaso ng tatlong kabataang Hebreo na inihagis niya nang buháy sa napakainit na hurno.—Dan 2:5; 3:19, 21, 29; Jer 29:22.
Persiano. Sa ilalim ni Dario na Medo, si Daniel ay hinatulang ihagis sa yungib ng mga leon, at ang kaniyang mga bulaang tagapag-akusa, kasama ang kanilang mga anak at mga asawa, ay namatay nang ilapat sa kanila mismo ang gayong parusa. (Dan 6:24) Nang maglaon, tinagubilinan ni Haring Artajerjes ng Persia si Ezra na maaari itong maglapat ng kahatulan sa lahat ng hindi tumutupad sa kautusan ng Diyos ni Ezra o sa kautusan ng hari, “ukol man sa kamatayan o ukol sa pagpapalayas, o ukol sa multang salapi o ukol sa pagkabilanggo.” (Ezr 7:26) Ibinitin ni Ahasuero si Haman sa isang tulos na 50 siko (22 m; 73 piye) ang taas. Ibinitin din niya ang dalawang bantay-pinto na nagsabuwatan laban sa kaniyang buhay.—Es 7:9, 10; 2:21-23.
May natagpuang ilang tapyas na naglalaman ng mga batas na ginawa ni Dario I ng Persia. Ayon sa mga ito, ang parusa sa isang tao na dumaluhong sa kaniyang kapuwa gamit ang isang sandata at nanakit o pumatay rito ay paghampas ng panghagupit, mula 5 hanggang 200 hampas. Kung minsan, ang parusa ay pagbabayubay. Ayon sa mga Griegong manunulat tungkol sa mga batas Persiano, ang mga pagkakasala laban sa estado, sa hari, sa kaniyang pamilya, o sa kaniyang ari-arian ay karaniwang nilalapatan ng parusang kamatayan. Kadalasa’y kakila-kilabot ang mga kaparusahang ito. Walang gaanong impormasyon tungkol sa ordinaryong mga krimen, ngunit waring karaniwang kaparusahan ang pagputol ng mga kamay o mga paa o pagbulag.
Ibang mga Bansa sa Lugar ng Palestina. Bukod sa Israel, ang ibang mga bansa sa loob at sa palibot ng Lupang Pangako ay gumamit ng pagbibilanggo at paggagapos, pagputol ng mga bahagi ng katawan, pagbulag, pagpatay sa mga bihag sa digmaan sa pamamagitan ng tabak, pagwakwak sa mga babaing nagdadalang-tao, at paghahampas sa kanilang mga anak sa pader o sa bato hanggang sa mamatay ang mga ito.—Huk 1:7; 16:21; 1Sa 11:1, 2; 2Ha 8:12.
Romano. Bukod sa pagpatay sa pamamagitan ng tabak, kabilang na rito ang pagpugot ng ulo (Mat 14:10), ang ilan sa mas karaniwang mga kaparusahan ay ang sumusunod: pamamalo; paghagupit sa pamamagitan ng panghampas, na kung minsan ay kinakabitan ng mga buto o ng mabibigat na piraso ng metal, o ng mga pangawit sa mga dulo; pagbibitin; paghahagis mula sa mataas na batuhan; paglunod; paghahantad sa mababangis na hayop sa arena; pagpilit na sumali sa paligsahan ng mga gladyador; at pagsunog. Kadalasan, ang mga bilanggo ay ipinipiit sa mga pangawan (Gaw 16:24) o itinatanikala sa isang kawal na tanod. (Gaw 12:6; 28:20) Dahil sa Lex Valeria at Lex Porcia, naging eksemted ang mga mamamayang Romano sa panghahagupit—ang Lex Valeria ay kapag umapela sa taong-bayan ang isang mamamayan; ang Lex Porcia naman ay kapag wala ang gayong pag-apela.
Griego. Sa maraming kaso, ang mga kaparusahang ipinapataw ng mga Griego ay katulad niyaong sa mga Romano. Ang mga kriminal ay inihuhulog sa bangin o malalim na yungib, pinapalo hanggang sa mamatay, nilulunod, nilalason, at pinapatay sa pamamagitan ng tabak.
Para sa higit pang detalye, tingnan ang mga krimen at mga kaparusahan sa ilalim ng indibiduwal na mga katawagan.