Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kulitis

Kulitis

[sa Ingles, nettle].

Alinman sa sari-saring uri ng mga halaman na may mga dahong tulad-lagari ang gilid at kadalasan ay nababalutan ng nakatutusok na mga balahibo na may makating likido. Kapag nahawakan, ang mga dulo ng mga balahibo ay nababali, at ang matutulis na dulong iyon ay bumabaon sa balat, anupat ang likido ay nakapapasok sa sugat. Di-kukulangin sa apat na uri ng kulitis ang kilalang nabubuhay sa Palestina, anupat ang pinakakaraniwan ay ang Roman nettle (Urtica pilulifera), na maaaring tumaas nang 1.8 m (6 na piye) at kadalasang matatagpuan sa mga guho.

Ang mga terminong Hebreo na cha·rulʹ (Kaw 24:31; Zef 2:9) at qim·mohsʹ (Isa 34:13; Os 9:6) ay ikinakapit sa mga halamang tumutubo sa pinabayaang mga bukid at mga guho. Sa Job 30:7, ang cha·rulʹ ay tumutukoy sa matataas na halaman. Ang isa pang salitang Hebreo na sir·padhʹ (“matinik na palumpong,” KJ; “kulitis,” Ro; “nakatutusok na kulitis,” NW) ay itinatapat naman sa mirto.​—Isa 55:13.

Sa Kawikaan 24:31, ang isang anyo ng salitang qim·mohsʹ (“mga dawag,” AT; “mga tinik,” KJ; “mga panirang-damo,” NW) ay itinuturing ng ilan na katugma ng cha·rulʹ. Kaya naman ipinapalagay ng ilang iskolar na ang qim·mohsʹ ay tumutukoy sa mga panirang-damo sa pangkalahatan; naniniwala naman ang iba na ang cha·rulʹ ay isang panlahatang termino na tumutukoy sa mga palumpong. Kinukuwestiyon din ng ilan ang pagkakasalin sa cha·rulʹ bilang “mga kulitis” sa Job 30:7 yamang hindi naman nanaisin ng mga tao na sumilong sa ilalim ng mga kulitis. Gayunman, sa isang pook na walang tubig, malamang na manganganlong ang mga tao sa lilim ng matataas na kulitis o, dahil sa gutom, maaaring tipunin nila ang mga halamang ito bilang pagkain. Kaya angkop naman ang pagkakasalin.