Kulog
Ang malakas na dagundong na kasunod ng pagkislap ng kidlat. Resulta ito ng biglaang pag-alsa ng hangin na napainit ng gayong paglalabas ng kuryente, anupat ang hangin ay ubod-bilis na nahahawi mula sa landas ng kidlat at pagkatapos ay bumabalik sa dati nitong kinaroroonan.—Job 28:26; 38:25.
Kung minsan, ang pandiwang Hebreo na ra·ʽamʹ (nangangahulugang “kulog”) ay binabanggit may kaugnayan kay Jehova (1Sa 2:10; 2Sa 22:14; Aw 18:13), ang Isa na sa ilang pagkakataon ay gumamit ng kulog upang isagawa ang kaniyang kalooban. Halimbawa, noong panahon ni Samuel, nilito ni Jehova ang mga Filisteo sa pamamagitan ng kulog (sa Heb., raʹʽam). (1Sa 7:10; ihambing ang Isa 29:6.) Ang isa pang salitang Hebreo, qohl, kung minsan ay isinasaling “kulog” (1Sa 12:17, 18, tlb sa Rbi8), ay may saligang kahulugan na “ingay” (Exo 32:18, 19) o “tinig.”—Deu 21:18; 1Ha 19:12.
Ang kasindak-sindak na dagundong ng kulog ay iniuugnay sa tinig ni Jehova. (Job 37:4, 5; 40:9; Aw 29:3-9) Nang marinig ng ilang Judio na nagsalita si Jehova kay Jesus mula sa langit, nagkaroon ng magkakaibang opinyon kung ang tunog ay kulog o tinig ng isang anghel. (Ju 12:28, 29; ihambing ang Apo 6:1; 14:2; 19:6.) Yamang ang dagundong ng kulog ay kadalasang patiunang nagpapahiwatig ng isang dumarating na bagyo, ang “mga kulog” ay maaaring tumukoy sa mga babala mula sa Diyos, gaya ng nasa Apocalipsis 8:5; 10:3, 4; 16:18.
Para sa mga Judio na nasa paanan ng Bundok Sinai, ang kulog na narinig nila ay isang palatandaan ng presensiya ng Diyos. (Exo 19:16; ihambing ang Apo 4:5; 11:19.) Maaaring ang pangyayaring ito o ang pag-akay ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ng isang haliging ulap (isang dako ng kulog) ang tinutukoy ng mga salita ng salmista: “Sinagot kita [ni Jehova] sa kubling dako ng kulog.”—Aw 81:7.