Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kuneho sa Batuhan

Kuneho sa Batuhan

[sa Heb., sha·phanʹ; sa Ingles, rock badger].

Ang salitang Hebreo nito ay isinalin din bilang “hyrax” (JB, tlb) at “coney.” (KJ) Ang kuneho sa batuhan ay kahawig ng isang malaking rabit ngunit may maliliit at pabilog na mga tainga, maiikling binti, at halos walang buntot. Ang mga paa nito ay may elastikong mga talampakan. Ang kuneho sa batuhan ay nakatira sa mababatong lugar, kung saan may mga butas at mga awang na madali nitong mapapasukan kapag may kahit kaunting banta ng panganib. Bagaman likas na mahiyain, maaari itong mangagat nang buong-bangis kapag nasukol. Halaman lamang ang kinakain nito. Maliwanag na ang kuneho sa batuhan na tinutukoy sa Bibliya ay ang uring kilalá bilang Procavia syriaca.

Kinukuwestiyon ng ilan ang klasipikasyon nito sa Kasulatan bilang isang hayop na ngumunguya ng dating kinain ngunit walang hati ang kuko. (Lev 11:5; Deu 14:7) Gayunman, sa pagmamasid ng soologong si Hubert Hendrichs sa mga kuneho sa batuhan na nasa Hellabrunn Zoological Gardens malapit sa Munich, Alemanya, napansin niya na ang mga ito’y may natatanging paraan ng pagnguya at paglulon. Natuklasan niya na talagang nginunguya ng mga kuneho sa batuhan ang kanilang dating kinain nang 25 hanggang 50 minuto bawat araw, kadalasa’y sa gabi. Ganito ang komento ng pahayagang Aleman na Stuttgarter Zeitung ng Marso 12, 1966 sa tuklas na ito: “Bagaman dati ay hindi alam ng kinikilalang soolohiya ang bagay na ito, hindi na ito bago. Sa ikalabing-isang kabanata ng Levitico . . . ay masusumpungan mo iyon.”

May mga nag-aangkin na doblihan ang baak ng mga kuko sa paa ng kuneho sa batuhan. Gayunman, ang mga paa nito sa unahan, na may tig-aapat na daliring ang dulo ay tulad-kuko, at ang mga paa naman nito sa hulihan, na may tigtatatlong daliri at gayunding dami ng maliliit na kuko, ay ibang-iba sa mga paa ng isang hayop na ‘may hati sa kuko’ gaya ng baka.

Tinutukoy ng Kasulatan ang likas na karunungan ng kuneho sa batuhan. Bagaman hindi “makapangyarihan” at tila walang kakayahang ipagtanggol ang sarili, pinupunan ito ng kuneho sa batuhan sa pamamagitan ng paninirahan sa mga dakong mabato na mahirap marating.​—Aw 104:18; Kaw 30:26.