Labaha
Isang matalas na instrumentong ginagamit upang ahitin ang buhok. Ang dalawang salitang Hebreo na ginagamit para sa labaha ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “ihantad.” (Isa 3:17) Ang mga ispesimen ng instrumentong ito na natagpuan sa Ehipto ay yari sa bronse. Ang mga tuklas na ito ay kasuwato ng rekord ng Bibliya na ang mga labaha ay ginagamit na sa lugar na iyon mula pa noong sinaunang mga panahon.—Gen 41:14.
Bagaman ang mga lalaki ng Israel ay nagpapahaba ng balbas at may katamtamang haba ng buhok, lumilitaw na gumagamit sila ng labaha bilang pantabas; binabanggit din ang buhok na “ginupitan” (KJ), o “ipinagupit nang maikli” (NW), sa Gawa 18:18. (Tingnan din ang 2Sa 19:24; Eze 44:20.) Sa pamamagitan ng isang labaha, inahitan ng mga Levita ang kanilang buong laman nang italaga sila sa paglilingkod sa tolda ng kapisanan sa ilang. (Bil 8:7) Ang isang tao na nasa ilalim ng panata ng pagka-Nazareo ay hindi dapat gumamit ng labaha sa kaniyang ulo hangga’t hindi natatapos ang panahon ng kaniyang panata. (Bil 6:5, 18; Huk 13:5; 16:17; Gaw 21:23, 24) Bago pa man siya ipinanganak, si Samuel, isang Levita, ay itinalaga na ng kaniyang ina ukol sa paglilingkod sa tolda ng kapisanan. Kailanman ay hindi dapat gamitan ng labaha ang mga buhok ng kaniyang ulo.—1Sa 1:11.
Patiunang nagbabala si Jehova sa Juda na ang Asiryano ay gagamitin ni Jehova bilang isang “labaha” upang ‘ahitan ang ulo at ang balahibo ng mga paa’ at upang ‘alisin maging ang balbas,’ anupat maliwanag na lumalarawan sa pagwasak sa kalakhan ng lupain ng Juda at sa pagtangay sa mga mamamayang nabihag.—Isa 7:20.
Ang mga tabak ay maaaring gawing kasintalas ng labaha; ipinakikita ito ng utos ng Diyos kay Ezekiel na gamitin niya ang tabak gaya ng labaha ng barbero upang putulin ang kaniyang buhok at balbas, at pagkatapos ay upang saktan ang isang katlo ng buhok sa pamamagitan ng tabak, anupat lumalarawan sa pagkapuksa sa pamamagitan ng tabak na sasapit sa isang bahagi ng mga taong-bayan ng Jerusalem. (Eze 5:1, 2, 12) Isinisiwalat din nito na ang pagbabarbero ay isa nang hanapbuhay noong sinaunang panahon.
Dahil sa nakasasakit na pinsalang maaaring likhain ng isang dila na ginamit nang may panlilinlang, ito ay inihahalintulad sa isang labaha.—Aw 52:2.