Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Laban

Laban

[Puti].

1. Ang apo ng kapatid ni Abraham na si Nahor. Siya ay anak ni Betuel at kapatid ni Rebeka (Gen 24:15, 29; 28:5), at siya ang ama nina Lea at Raquel. (Gen 29:16) Nanirahan si Laban sa lunsod ng Haran sa Padan-aram, isang lugar sa Mesopotamia.​—Gen 24:10; 27:43; 28:6; 29:4, 5.

Si Laban ay tinawag na “anak ni Betuel na Siryano [sa literal, “ang Arameano”].” Tinukoy rin siya bilang “si Laban na Siryano.” (Gen 28:5; 25:20; 31:20, 24) Angkop sa kaniya ang gayong katawagan sapagkat naninirahan siya sa Padan-aram, na nangangahulugang “Kapatagan (Patag na Lupain) ng Aram (Sirya).” Si Laban ay isang Semita na nananahanan sa isang rehiyong pinaninirahan ng mga taong nagsasalita ng Aramaiko, isang wikang Semitiko.

Sa nabanggit na lugar, isinugo ng matanda nang si Abraham ang kaniyang lingkod upang humanap ng asawa para kay Isaac. (Gen 24:1-4, 10) Nang marinig ni Laban ang ulat ni Rebeka tungkol sa naging pagtatagpo nila ng lingkod ni Abraham at makita ang mga kaloob na ibinigay rito, tumakbo siya patungo sa lingkod, tinawag ito na pinagpala ni Jehova, at malugod itong tinanggap. (Gen 24:28-32) Pagkatapos ay pinangunahan ni Laban ang mga kasunduan may kinalaman sa pag-aasawa ni Rebeka, anupat ang pagsang-ayon sa pag-aasawa ay nagmula kapuwa sa kaniya at sa kaniyang amang si Betuel.​—Gen 24:50-61.

Pagkalipas ng maraming taon, upang makaligtas sa paghihiganti ni Esau at upang humanap ng mapapangasawa, naglakbay si Jacob patungo sa tahanan ng kaniyang tiyo na si Laban sa Haran. (Gen 27:41–28:5) Nang panahong iyon ay mayroon nang dalawang anak na babae si Laban, sina Lea at Raquel (Gen 29:16), at posibleng mayroon din siyang mga anak na lalaki. (Gen 31:1) Nakipagkasundo si Laban kay Jacob na ibibigay niya rito ang kaniyang nakababatang anak na si Raquel bilang asawa kapalit ng pitong-taóng paglilingkod. Ngunit dinaya ni Laban si Jacob noong gabi ng kasal nito anupat inihalili niya kay Raquel ang kaniyang nakatatandang anak na si Lea. Nangatuwiran siya kay Jacob salig sa isang lokal na kaugalian at pagkatapos ay inialok kay Jacob si Raquel bilang ikalawang asawa kung maglilingkod ito sa kaniya ng karagdagang pitong taon.​—Gen 29:13-28.

Nang sa wakas ay nais nang umalis ni Jacob, hinimok siya ni Laban na manatili at patuloy na maglingkod sa kaniya nang may kabayaran. (Gen 30:25-28) Nagkasundo sila na mapupunta kay Jacob ang lahat ng batik-batik at may-tagping kulay na mga tupa, ang mga tupang matingkad na kayumanggi sa gitna ng mga batang barakong tupa, at alinmang may-tagping kulay at batik-batik na mga kambing na babae. (Gen 30:31-34) Ngunit nang sumunod na mga taon ay malimit baguhin ni Laban ang orihinal na kasunduang ito kapag lubhang dumarami ang mga kawan ni Jacob, anupat ipinahihiwatig ito ng mga sinabi ni Jacob nang dakong huli kina Lea at Raquel at gayundin kay Laban. (Gen 31:4-9, 41) Nagbago na ang saloobin ni Laban kay Jacob at, kaayon ng tagubilin ni Jehova, ipinasiya ni Jacob na bumalik sa kaniyang sariling lupain kasama ang kaniyang pamilya at mga kawan.​—Gen 31:1-5, 13, 17, 18.

Noong ikatlong araw pagkatapos na palihim na umalis si Jacob, nalaman ito ni Laban, tinugis niya si Jacob, at inabutan niya ito sa bulubunduking pook ng Gilead. Gayunman, tumanggap ng babala si Laban mula sa Diyos na huwag saktan si Jacob. (Gen 31:19-24) Ngunit nagtalo sina Laban at Jacob nang magkita sila. Binanggit ni Jacob ang kaniyang 20-taóng tapat na paglilingkod at pagpapagal at ang walang-katarungang pakikitungo sa kaniya ni Laban, anupat sampung ulit na binago nito ang kaniyang kabayaran.​—Gen 31:36-42.

Lubhang nababahala si Laban na mabawi ang terapim, o mga idolo ng sambahayan, na ninakaw ni Raquel nang hindi nalalaman ni Jacob. Ang mga iyon ay hindi niya nasumpungan, sapagkat pinanatili ni Raquel na nakatago ang mga iyon. Ang relihiyosong mga ideya ni Laban ay maaaring naimpluwensiyahan ng mga taong sumasamba sa buwan sa lugar na tinitirhan niya, at maaaring ipinahihiwatig ito ng paggamit niya ng mga tanda at ng pagkakaroon niya ng terapim. Ngunit malamang na higit pa sa relihiyosong kadahilanan kung kaya nababalisa si Laban na makita at mabawi ang terapim. Ipinakikita ng mga tapyas na nahukay sa Nuzi malapit sa Kirkuk, Iraq, na, ayon sa mga batas noong panahon ng mga patriyarka sa partikular na lugar na iyon, kapag taglay ng isang lalaki ang gayong mga idolo ng sambahayan ng kaniyang asawa, maaaring magbigay ito sa kaniya ng karapatang humarap sa hukuman at angkinin ang ari-arian ng kaniyang yumaong biyenang lalaki. Kaya maaaring iniisip ni Laban na si Jacob mismo ang nagnakaw ng terapim upang sa dakong huli ay makuha nito ang mga ari-arian ni Laban mula sa kaniyang mga anak na lalaki. Posibleng ito ang dahilan kung bakit nang hindi masumpungan ni Laban ang mga diyos ng sambahayan, kaagad siyang gumawa ng isang kasunduan kay Jacob upang tiyaking hindi babalik si Jacob pagkamatay ni Laban taglay ang mga diyos ng sambahayan upang pagkaitan ng mana ang kaniyang mga anak.​—Gen 31:30-35, 41-52.

Gumawa si Laban kay Jacob ng isang tipan ng kapayapaang pampamilya, at bilang pinakaalaala nito, nagtindig sila ng isang batong haligi at isang bunton ng mga bato. Gamit ang wikang Hebreo, tinawag ni Jacob ang bunton na Galeed, nangangahulugang “Bunton na Saksi.” Tinawag naman ito ni Laban na Jegar-sahaduta, gamit ang pananalitang Aramaiko, o Siryano, na may gayunding kahulugan. Tinawag din itong “Ang Bantayan.” (Gen 31:43-53) Pagkatapos magpaalam sa kaniyang mga apo at mga anak, umuwi na si Laban, at wala nang binanggit pa tungkol sa kaniya ang ulat ng Bibliya.​—Gen 31:54, 55.

2. Isang lugar na binanggit sa Deuteronomio 1:1 may kaugnayan sa “mga disyertong kapatagan sa tapat ng Sup.” Hindi alam ang eksaktong lokasyon ng Laban.