Labi
Yamang bahagi ito ng bibig at malaki ang ginagampanan nito sa pagbigkas ng mga salita, ang “labi” (sa Heb., sa·phahʹ; sa Gr., kheiʹlos) ay ginagamit sa makasagisag na paraan para sa pagsasalita o wika (Kaw 14:3; 1Co 14:21) at paminsan-minsan ay ginagamit ito sa paralelismo kasama ng “dila” (Aw 34:13; Kaw 12:19) at ng “bibig.” (Aw 66:14; Kaw 18:7) Bago ginulo ang mga wika sa Babel, “ang buong lupa ay nagpatuloy na iisa ang wika [sa literal, “labi”] at iisa ang kalipunan ng mga salita.” (Gen 11:1, 6-9; ganito rin ang pagkakagamit sa Aw 81:5; Isa 19:18.) Ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Zefanias na magbibigay siya sa mga bayan ng “pagbabago tungo sa isang dalisay na wika [labi]”; sa gayon ay may-pagkakaisang magsasalita ang mga ito ng papuri kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga layunin sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—Zef 3:9; ihambing ang Kaw 12:19.
Ang mga labi ay hindi isang tiyak na batayan ng nilalaman ng puso, yamang ang mga ito ay maaaring gamitin ng isa upang bumigkas ng mapagpaimbabaw na pananalita. (Mat 15:8) Gayunman, hindi maitatago ng mga labi ang tunay na kalagayan ng puso mula sa Diyos (Heb 4:13), at sa kalaunan ay ilalabas ng mga ito kung ano ang nasa puso.—Kaw 26:23-26; Mat 12:34.
Ninais iwasan ni Moises ang pagsasalita sa harap ni Paraon dahil siya ay “may mga labing di-tuli,” samakatuwid nga, para bang ang mga labi niya ay may dulong balat sa ibabaw anupat napakahaba at napakakapal ng mga ito at hindi siya makapagsalita nang maalwan. Maaaring noon ay mayroon siyang isang uri ng kapansanan sa pagsasalita. (Exo 6:12, 30) Nais namang maglingkod ni Isaias nang tawagin siya ni Jehova, ngunit nanaghoy siya na para na rin siyang pinatahimik dahil nakita niya si Jehova sa isang pangitain, bagaman isa siyang lalaking may maruruming labi, at hindi siya karapat-dapat magdala ng malinis na mensahe ng Diyos. Sa gayon ay pinangyari ni Jehova na luminis ang mga labi ni Isaias.—Isa 6:5-7; ihambing ang Ju 15:3; Isa 52:11; 2Co 6:17.
Pinasigla ng hula ni Oseas ang Israel na maghandog kay Jehova ng “mga guyang toro” ng kanilang mga labi, na kumakatawan sa mga hain ng taimtim na papuri. (Os 14:2) Tinukoy ng apostol na si Pablo ang hulang ito nang payuhan niya ang kaniyang mga kapananampalataya na maghandog sa Diyos ng “hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.”—Heb 13:15.
Sa makasagisag na paraan, ang “madulas na labi” ay tumutukoy sa mapanlinlang na pananalita. (Aw 12:2, 3) Ang gayong mga labi, gayundin ang mga labi na malupit o sinungaling, ay maaaring makapinsala—anupat sumusugat nang malalim gaya ng tabak o nakalalasong gaya ng ulupong. (Aw 59:7; 140:3; Ro 3:13) Ang tao na “nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi” ay isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan o nang may kamangmangan. (Kaw 13:3) Maaari siyang ipahamak nito, sapagkat pagsusulitin ng Diyos ang bawat isa ayon sa kaniyang mga salita.—Deu 23:23; Bil 30:6-8; Kaw 12:13; ihambing ang Job 2:10; Mat 12:36, 37.