Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lakas ng Loob

Lakas ng Loob

[sa Ingles, courage].

Ang katangian ng pagiging matatag, matapang, mapangahas, magiting. Ang lakas ng loob ay kabaligtaran ng takot, kadunguan, at karuwagan.​—Mar 6:49, 50; 2Ti 1:7.

Ang pandiwang Hebreo na pinakamalimit na nagtatawid ng diwa ng pagiging malakas ang loob ay cha·zaqʹ. Ito ay pangunahin nang nangangahulugang “magpakalakas.” (2Sa 13:28; 2Cr 19:11; Eze 3:14) Kadalasan, ang cha·zaqʹ ay ginagamit na kasama ng ʼa·matsʹ, na nangangahulugang “magpakatibay.” Ang mga pandiwang ito ay kapuwa masusumpungan sa mga pananalitang “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay” (Jos 10:25) at “Magpakalakas-loob kayo, at magpakatibay nawa ang inyong puso.”​—Aw 31:24.

Ang ideya ng panghihina ay ipinahihiwatig naman ng terminong Hebreo na ra·phahʹ, na kung minsan ay maaaring mangahulugang ‘mawalan ng lakas ng loob’ (Jer 49:24) o ‘manghina ang loob.’ (Kaw 24:10) Kapag isinasaling “lumaylay,” gaya sa pariralang “Huwag nawang lumaylay ang iyong mga kamay,” ito ay may kahulugang “mawalan ng lakas ng loob, maging napakahina upang makakilos.”​—Zef 3:16; Isa 13:7; Eze 7:17.

Sa Griego, ang pagiging matapang o malakas ang loob ay ipinahihiwatig sa pamamagitan ng mga pandiwang thar·reʹo (2Co 5:8) at thar·seʹo. (Mat 9:2) Ang pandiwang tol·maʹo ay isinasalin naman sa iba’t ibang paraan bilang ‘mangahas’ (Jud 9; Ro 15:18), ‘magkaroon ng lakas ng loob’ (Mar 12:34), ‘magpakatapang’ (2Co 11:21), anupat ang idiniriin ay pagpapamalas ng lakas ng loob o katapangan sa isang gawain.

Mula’t sapol, ang mga lingkod ng Diyos ay nangangailangan ng lakas ng loob upang manatiling tapat sa Kataas-taasan. Kaya naman, nang ang mga Israelita ay handa nang tumawid patungo sa Lupang Pangako, sinabi sa kanila ni Moises: “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay,” at kaniyang inulit ang payo ring ito sa inatasang kahalili niya na si Josue. (Deu 31:6, 7) Nang pinagtitibay ang mga salitang iyon ni Moises, sinabi mismo ni Jehova kay Josue noong dakong huli, “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay . . . Magpakalakas-loob ka lamang at lubhang magpakatibay.” (Jos 1:6, 7, 9) Upang magkaroon sila ng kinakailangang lakas ng loob, kailangan ng bansa na makinig, matuto, at sumunod sa kautusan ni Jehova. (Deu 31:9-12) Sa katulad na paraan, upang lumakas ang kaniyang loob at tumibay siya, sinabihan si Josue na regular na basahin ang kautusan ng Diyos at ingatang ikapit ito.​—Jos 1:8.

Ang Kasulatan ay naglalaman ng maraming tuwirang utos na magtaglay ng lakas ng loob at ipinakikita rin nito kung paano iyon matatamo ng isa. (Aw 31:24) Makatutulong nang malaki ang pakikipagsamahan sa mga kapananampalataya. (Gaw 28:15) Sa Awit 27:14, si David, na isa mismong lalaking may lakas ng loob, ay nagsabi: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso.” Sa mga naunang talata ng Awit 27, isinisiwalat niya ang mga bagay na nakatulong sa kaniya na magpakalakas-loob: Pananalig kay Jehova bilang “ang moog” ng kaniyang buhay (tal 1), mga nakalipas na karanasan may kaugnayan sa kung paano pinakitunguhan ni Jehova ang kaniyang mga kalaban (tal 2, 3), pagpapahalaga sa templo ni Jehova ukol sa pagsamba (tal 4), pagtitiwala sa proteksiyon ni Jehova, at sa tulong at pagliligtas niya (tal 5-10), patuluyang pagtanggap ng turo hinggil sa mga simulain ng matuwid na daan ng Diyos (tal 11), at ang mga katangian ng pananampalataya at pag-asa (tal 13, 14).

Ang mga Kristiyano ay nangangailangan ng lakas ng loob upang manatiling di-nahahawahan ng mga saloobin at mga pagkilos ng isang sanlibutang may pakikipag-alit sa Diyos na Jehova at upang manatiling tapat sa Kaniya sa kabila ng kailangan nilang harapin ang pagkapoot ng sanlibutan. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Ju 16:33) Hindi nagpadaig ang Anak ng Diyos sa impluwensiya ng sanlibutan, sa halip ay nagtagumpay siya laban sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagiging hindi katulad nito sa anumang paraan. Ang mahusay na halimbawa ni Jesu-Kristo bilang isa na nanaig at ang resulta ng kaniyang walang-kapintasang landasin ay lubos na makapaglalaan sa isa ng kinakailangang lakas ng loob upang tumulad sa kaniya sa pananatiling hiwalay sa sanlibutan at pagiging di-nadungisan nito.​—Ju 17:16.