Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lakis

Lakis

Isang Judeanong lunsod sa Sepela. (Jos 15:21, 33, 39) Ipinapalagay na ang Lakis ay ang Tell ed-Duweir (Tel Lakhish), na isang gulod na napalilibutan ng mga libis at mga 24 na km (15 mi) sa K ng Hebron. Noong sinaunang panahon, ang lugar na ito’y nasa isang estratehikong posisyon sa pangunahing lansangan na nagdurugtong sa Jerusalem at sa Ehipto. May panahon na ang sukat ng lunsod na ito ay mga 8 ektarya (20 akre) at marahil ang populasyon ay nasa pagitan ng 6,000 at 7,500 katao.

Noong panahong sinasakop ng Israel ang Canaan, si Japia na hari ng Lakis ay nakisama sa apat na iba pang hari sa isang militar na pagsalakay laban sa Gibeon, isang lunsod na nakipagpayapaan kay Josue. (Jos 10:1-5) Bilang tugon sa paghingi ng Gibeon ng saklolo, magdamag na humayo ang hukbong Israelita mula sa Gilgal. Sa tulong ni Jehova, tinalo nila ang alyansa ng mga Canaanita, kinulong ang mga hari sa isang yungib, at pagkatapos ay pinatay ang mga iyon. (Jos 10:6-27; 12:11) Pagkatapos nito, ang lunsod ng Lakis ay nakuha nila pagkaraan ng wala pang dalawang-araw na labanan at ang mga naninirahan dito ay pinatay. Si Horam na hari ng Gezer, na sumaklolo sa Lakis, ay natalo rin.​—Jos 10:31-35.

Pinag-uugnay ng ilang arkeologo ang kampanya ng Israel laban sa Lakis at ang isang makapal na suson ng abo na natuklasan sa Tell ed-Duweir, kung saan natagpuan ang isang scarab (hugis-uwang na hiyas) ni Ramses. Ngunit hindi sinasabi ng Bibliya na ang lunsod ng Lakis ay sinunog, gaya ng sinabi nito tungkol sa Jerico (Jos 6:24, 25), Ai (Jos 8:28), at Hazor (Jos 11:11). Sa halip, waring ipinahihiwatig ng Josue 11:13 na ang mga Israelita ay bihirang manunog ng “mga lunsod na nakatayo sa kanilang sariling bunton.” Kaya walang maka-Kasulatang saligan upang ipalagay na ang pagkapuksa na naging sanhi ng suson ng abo na iyon ay naganap noong panahon ni Josue at pagkatapos ay ibatay roon ang petsa ng pananakop ng Israel sa Canaan. Kapansin-pansin din na hindi matukoy nang tiyakan kung sinong Ramses ang may-ari ng scarab. Ipinapalagay ng isang arkeologo na ang scarab ay pag-aari ni Ramses III at iminungkahi niya na ang Lakis ay winasak ng mga Filisteo noong ika-12 siglo B.C.E.

Noong paghahari ni Rehoboam (997-981 B.C.E.), ang Lakis ay pinalakas sa militar. (2Cr 11:5-12) Nang maglaon, noong mga 830 B.C.E., si Haring Amazias ay tumakas patungong Lakis upang makaligtas sa mga nagsabuwatan laban sa kaniya ngunit siya’y tinugis at pinatay roon.​—2Ha 14:19; 2Cr 25:27.

Kinubkob ni Senakerib. Ang Lakis ay kinubkob ni Haring Senakerib ng Asirya noong 732 B.C.E. Mula sa Lakis ay isinugo niya sa Jerusalem sina Rabsases, Tartan, at Rabsaris kasama ang isang makapal na hukbong militar upang pakilusin si Haring Hezekias na sumuko. Sa pamamagitan ng kaniyang punong tagapagsalita na si Rabsases, hinamon ni Senakerib si Jehova at nang maglaon ay nagsugo siya ng mga mensahero sa Jerusalem na may dalang mga liham na patuloy na nanunuya at nagbabanta upang pasukuin si Hezekias. Nang dakong huli, ang panghahamong ito sa Diyos na Jehova ay humantong sa paglipol ng anghel ng Diyos sa 185,000 mandirigmang Asiryano sa loob ng isang gabi.​—2Ha 18:14, 17-35; 19:8-13, 32-35; Isa 36:1-20; 37:8-13, 33-36.

Sa palasyo ni Senakerib sa Nineve, makikita sa isang isinalarawang pagkubkob sa Lakis na ang lunsod na ito’y napalilibutan ng doblihang pader na may mga toreng magkakasinlayo ang pagitan at na sagana ang mga palma, ubas, at igos sa nakapalibot na maburol na lupain. Ang tagpo na naglalarawan ng pagtanggap ni Senakerib sa mga samsam ng Lakis ay may ganitong inskripsiyon: “Si Senakerib, hari ng daigdig, hari ng Asirya, ay umupo sa isang luklukang nimedu at masusi niyang tiningnan ang mga kamkam (na nakuha) mula sa Lakis (La-ki-su).”​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 288.

Nabihag ng mga Babilonyo. Nang daluhungin ng mga Babilonyo sa ilalim ng pangunguna ni Nabucodonosor ang Juda (609-607 B.C.E.), ang Lakis at Azeka ang huling dalawang nakukutaang lunsod na bumagsak bago nakuha ang Jerusalem. (Jer 34:6, 7) Ang Lachish Letters (na isinulat sa mga bibinga ng mga kagamitang luwad, anupat 18 sa mga ito’y natagpuan sa Tell ed-Duweir noong 1935 at ang 3 pa noong 1938) ay waring may kaugnayan sa yugtong ito. Isa sa mga liham na ito, na maliwanag na ipinatutungkol ng isang himpilang militar sa kumandante sa Lakis, ay kababasahan ng ganito: “Inaabangan namin ang mga hudyat ng Lakis, ayon sa lahat ng palatandaan na ibinigay ng aking panginoon, sapagkat hindi namin makita ang Azeka.” Ipinahihiwatig ng mensaheng ito na nakuha na ang Azeka kung kaya wala nang hudyat na natatanggap mula roon. Kawili-wili ring malaman na halos lahat ng mababasang liham sa Lachish Letters ay naglalaman ng mga salitang gaya ng “Iparinig nawa ni יהוה [Yahweh o Jehova] sa aking panginoon sa mismong araw na ito ang mabubuting pabalita!” (Lachish Ostracon IV) Ipinakikita nito na ang banal na pangalan ay karaniwang ginagamit noon.​—Ancient Near Eastern Texts, p. 322.

Pagkatapos na matiwangwang ang Juda at Jerusalem sa loob ng 70 taon, ang Lakis ay muling tinirahan ng bumalik na mga Judiong tapon.​—Ne 11:25, 30.

Makahulang Pagbanggit. Sa Mikas 1:13, makahulang kinakausap ang Lakis: “Isingkaw mo ang karo sa pulutong ng mga kabayo, O babaing tumatahan sa Lakis. Siya ang naging pasimula ng kasalanan para sa anak na babae ng Sion, sapagkat sa iyo nasumpungan ang mga pagsalansang ng Israel.” Ang mga salitang ito’y bahagi ng isang larawan ng pagkatalo at waring iminumungkahi nito na maghanda ang Lakis sa pagtakas. Hindi tinatalakay sa ibang bahagi ng Kasulatan ang “kasalanan” ng Lakis. Marahil ay isang anyo ng idolatriya ang dinala sa Jerusalem at nanggaling iyon sa Lakis. O, posibleng ang kasalanan ay may kaugnayan sa pananalig ng Juda sa mga kabayo at mga karo, na tinanggap nila sa Lakis mula sa Ehipto.