Laman
Ang Hebreong ba·sarʹ at ang Griegong sarx ay pangunahin nang tumutukoy sa malambot na substansiya ng isang pisikal na katawan, tao man, hayop, ibon, o isda. Sa mas espesipikong paraan ay tumutukoy ito sa mga bahaging binubuo pangunahin na ng kalamnan at taba. Idiniriin ng Bibliya na magkakaiba ang laman ng iba’t ibang uri ng nabubuhay na bagay. (1Co 15:39) Ganito nga ang nasumpungan ng mga mananaliksik. Napansin nila na ang kemikal na komposisyon at kayarian ng mga selula ng laman ng mga tao, mga hayop, mga ibon, at mga isda ay may malalaking pagkakaiba-iba.
Ang Diyos na Jehova na Maylalang ang nasa likod ng pag-iral ng lahat ng laman at ng buhay ng mga ito. Tinutukoy siya ng Bibliya bilang “Si Jehova na Diyos ng mga espiritu [pati na ang puwersa ng buhay] ng lahat ng uri ng laman.” (Bil 27:16; ihambing ang Gen 6:17.) Sinasabi niya na ang kaluluwa (buhay) ng nilalang na laman ay nasa dugo. (Lev 17:11-14) Noong una, pananim at prutas, at hindi laman, ang ibinigay sa tao bilang kaniyang pagkain. Ngunit pagkatapos ng Baha, idinagdag ng Diyos ang laman ng hayop, gayunma’y iniutos niya na “ang laman na kasama ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakainin.”—Gen 9:3, 4.
Binanggit ang pagkain sa laman ng tao bilang isang sumpa mula sa Diyos. Nakapandidiri ito para sa mga Israelita, dahil likas na kinasusuklaman ito ng tao. (Deu 28:45, 53-57; 2Ha 6:28-30) Hindi rin nila maaaring kainin ang laman ng isang hayop na nilapa ng mabangis na hayop, o ng isa na basta na lamang namatay. Ang mga ito ay karima-rimarim, bukod pa sa hindi napatulo nang wasto ang dugo ng mga ito.—Exo 22:31; Lev 17:15, 16; Deu 14:21.
Iniutos ng Diyos sa kaniyang bayan na bago nila kainin ang laman ng isang hayop, ibubuhos nila sa lupa ang dugo nito at tatakpan nila iyon ng alabok, anupat nag-iingat na huwag makain ang dugo, dahil sa parusang kamatayan. (Deu 12:23-25; Lev 7:27) Muling inilahad ng lupong tagapamahala ng sinaunang kongregasyong Kristiyano ang pagbabawal na ito, anupat ipinagbawal ang pagkain ng mga hayop na binigti o hindi napatulo ang dugo. Idinagdag din nila ang pagbabawal sa pagkain ng karne bilang bahagi ng isang handog na pansalu-salo para sa mga idolo, isang karaniwang gawain sa gitna ng mga pagano noong mga araw na iyon. (Gaw 15:19, 20, 28, 29) Wasto naman na kumain ng laman ang mga Kristiyano, ngunit itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na ang laman ay hindi kailangang-kailangan ng tao bilang pagkain nang sabihin niya na kung ang pagkain niya ng karne ay isang katitisuran sa ibang mga Kristiyano, siya ay ‘hindi na muling kakain ng karne.’—Ro 14:21; 1Co 8:13.
Ang katawang laman na ibinigay sa tao ay hindi dapat lapastanganin at hindi dapat sadyaing pagmalupitan o putulan, kahit ng may-ari mismo nito o ng ibang tao.—Lev 19:28; Deu 14:1; Exo 21:12-27.
Kaugnayan Bilang Magkamag-anak. Ang kaugnayan bilang magkamag-anak ay tinutukoy ng terminong “laman.” Si Eva ang pinakamalapit na kamag-anak ni Adan yamang siya, gaya ng sinabi ni Adan, ay “buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” (Gen 2:23; tingnan din ang Gen 29:14; 37:27; 2Sa 5:1.) Mariing binanggit ang malapit na kaugnayan ng lalaki sa kaniyang asawang babae: “Sila ay magiging isang laman.” (Gen 2:24; Mat 19:5, 6) Tinatawag ni Pablo si Jesus bilang isa “na nagmula sa binhi ni David ayon sa laman.”—Ro 1:3; ihambing ang 9:3.
Ang Tao, Sangkatauhan, mga Nilalang na Laman. Ang isang mas malawak na ideya ng salitang “laman,” na ito’y binubuo ng nakikita at nahihipong mga bahagi ng katawan ay makikita sa paggamit sa salitang ito upang tumukoy sa buong katawan sa pangkalahatan. (Lev 17:14; 1Ha 21:27; 2Ha 4:34) Ginagamit din ito upang tumukoy sa tao, o indibiduwal, bilang isang tao na laman. (Ro 7:18; Col 2:1, 5) Ang buong sangkatauhan, lalo na mula sa pangmalas ng Diyos na Espiritu, ay inilalarawan bilang “laman” (Gen 6:12; Isa 66:16; Luc 3:6), at kung minsan ay kabilang din dito ang mga nilalang na hayop. (Gen 7:16, 21) Kadalasan, ipinakikita ng Bibliya ang pagkakaiba ng laman at ng Diyos na Espiritu, anupat partikular na idiniriin ang kawalang-kabuluhan ng tao kung ihahambing sa Diyos. (Gen 6:3; 2Cr 32:8; Aw 56:4) Gayunpaman, sa kabila ng nakatataas na posisyon ni Jehova, kinikilala at isinasaalang-alang niya ang bagay na ito sa pakikitungo niya sa sangkatauhan taglay ang nakahihigit na maibiging-kabaitan at maawaing mahabang pagtitiis.—Aw 78:39; ihambing ang Aw 103:13-15; 1Pe 1:24, 25.
Ang salitang “laman” ay maaari ring tumukoy sa isang bahagi ng katawan, partikular na sa ari ng lalaki. Binabanggit ng Levitico 15:2: “Kung ang sinumang lalaki ay may agas mula sa kaniyang ari [sa literal, “kaniyang laman”], ang kaniyang agas ay marumi.”—Ihambing ang Gen 17:11; Exo 28:42; Efe 2:11; Col 2:13.
Mga Katawang Espirituwal. Sinabi ng apostol na si Pablo na “kung may katawang pisikal, mayroon ding espirituwal.” (1Co 15:44) Pinatunayan ito ng apostol na si Pedro nang sabihin niya sa mga taong laman at may kalikasan ng tao, mga tinawag upang maging mga kasamang tagapagmana ni Kristo, na sila ay magiging mga kabahagi sa “tulad-Diyos na kalikasan,” samakatuwid nga, buhay bilang espiritu sa di-nakikitang langit. (2Pe 1:4) Upang maging posible ito, kailangan silang magbago ng katawan, sapagkat “ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos, ni ang kasiraan man ay magmamana ng kawalang-kasiraan.”—1Co 15:50-54.
Ang Katawang Laman ni Jesu-Kristo. Si Jesus, na siyang “Salita” ng Diyos, na “mula sa langit,” ay naghubad ng espiritung kalikasan at “naging laman.” (Ju 1:1; 1Co 15:47; Fil 2:5-8; Ju 1:14; 1Ti 3:16) Ipinanganak siya bilang tao at hindi bilang espiritu at hindi siya nagbihis lamang ng katawang laman, gaya ng ginagawa noon ng mga anghel. (Gen 18:1-3; 19:1; Jos 5:13-15) Pinatunayan ito ng apostol na si Juan nang sabihin niya na ang sinumang nagkakaila na dumating si Jesu-Kristo “sa laman” ay isang antikristo. (1Ju 4:2, 3) Upang mailaan niya ang pantubos para sa sangkatauhan at sa gayon ay matulungan yaong mga magiging kasama niya sa makalangit na pagtawag, ang Salita ay naging laman, anupat ipinanganak bilang isang ganap na tao, at hindi nagsaanyong-laman. Ganito ang sinasabi sa atin ng Bibliya: “Yamang ang ‘mumunting mga anak’ ay mga kabahagi sa dugo at laman, siya rin sa katulad na paraan ay nakibahagi sa gayunding mga bagay.” (Heb 2:14-16) Ang kaniyang pakikipamayan sa lupa ay tinutukoy bilang “mga araw ng kaniyang laman.” (Heb 5:7) Sinabi ni Jesus, “Ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” Nagpatuloy siya sa pagsasabi na yaong mga umaasa na manatiling kaisa niya ay dapat na ‘kumain ng kaniyang laman at uminom ng kaniyang dugo.’ Palibhasa’y hindi nila naunawaan ang espirituwal at makasagisag na kahulugan ng kaniyang mga salita, inintindi ng ilan ang kaniyang pananalita bilang kanibalismo kung kaya nangilabot sila.—Ju 6:50-60.
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, bagaman alam niyang papatayin siya bilang haing pantubos, ang kaniyang laman ay ‘namahingang may pag-asa.’ Ito’y dahil alam niya na bubuhayin siyang muli ng kaniyang Ama, na matagumpay na magagampanan ng kaniyang hain ang layunin ng pantubos, at na hindi makakakita ng kasiraan ang kaniyang laman. (Gaw 2:26, 31) Maliwanag na pinaglaho ng Diyos na Jehova ang katawang laman ni Jesus sa sarili Niyang paraan (anupat posibleng pinagwatak-watak Niya ang mga atomo na dating bumubuo rito). (Luc 24:2, 3, 22, 23; Ju 20:2) Hindi binawi ni Jesus ang kaniyang katawang laman dahil makakansela ang bisa ng pantubos na siyang dahilan kung bakit ito ibinigay. Nagpapatotoo ang apostol na si Pedro na si Kristo ay pumasok sa langit, sa dako ng mga espiritu, hindi ng laman, “siya na pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” (1Pe 3:18) Bago umakyat si Kristo sa langit bilang isang makapangyarihan at imortal na espiritung persona, siya ay nagpakita sa pamamagitan ng iba’t ibang katawang laman na naaangkop sa pagkakataon, sa layuning bigyan ang kaniyang mga alagad ng nakikita at nahihipong katibayan ng kaniyang pagkabuhay-muli.—Ju 20:13-17, 25-27; 21:1, 4; Luc 24:15, 16.
Ipinakikita ng liham ni Pablo sa mga Hebreo na ang kurtina ng santuwaryo na nasa harap ng Kabanal-banalan, na kumakatawan sa langit mismo, ay sumasagisag sa laman ni Jesus, sapagkat bago niya ihain ang kaniyang katawang laman, ang daan patungo sa buhay sa langit ay hindi pa nabubuksan.—Heb 9:24; 10:19, 20.
Ang Di-sakdal na Tao. Ang pananalitang “laman” ay kadalasang ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa tao sa kaniyang di-sakdal na kalagayan, anupat ‘ipinaglihi sa kasalanan’ bilang supling ng mapaghimagsik na si Adan. (Aw 51:5; Ro 5:12; Efe 2:3) Sa mga taong nagsisikap na maglingkod sa Diyos, “ang espiritu [ang nag-uudyok na puwersa na nanggagaling sa makasagisag na puso] ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Mat 26:41) Sa loob ng mga lingkod na ito ng Diyos ay may patuluyang labanan. Ang banal na espiritu ng Diyos ay isang puwersa ukol sa katuwiran, ngunit ang makasalanang laman ay patuluyang nakikipagbaka laban sa impluwensiya ng espiritu at nanggigipit upang udyukan ang indibiduwal na gumawa ng mga gawa ng laman. (Ro 7:18-20; Gal 5:17) Ipinakikita ng Galacia 5:19-23 ang pagkakaiba ng mga gawa ng makasalanang laman at ng mga bunga ng espiritu.
Sinasabi rin sa atin ng apostol na si Pablo na ang Kautusang ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises ay ‘mahina dahil sa laman,’ ang di-sakdal na laman niyaong mga nasa ilalim ng Kautusan. Ang Kautusan na sa ilalim niyaon naglingkod ang Aaronikong pagkasaserdote ay espirituwal, anupat mula sa Diyos, ngunit sa pamamagitan nito, ang mga taong makalaman na “ipinagbili sa ilalim ng kasalanan” ay hinatulan, sa halip na ipahayag na matuwid. (Ro 8:3; 7:14; Heb 7:28) Ang mga mataas na saserdoteng mula sa linya ni Aaron sa laman, na inatasan ng Kautusan, ay hindi nakapagbigay ng nararapat na hain para sa kasalanan.—Heb 7:11-14, 23; 10:1-4.
Nang sabihin niyang ‘ang laman ay hindi napasasakop sa kautusan ng Diyos, ni maaari mang magkagayon,’ hindi sinasabi ng apostol na si Pablo na ang laman mismo ay sadyang masama. Sinasabi niya sa atin na si Jesu-Kristo, bagaman nakikibahagi sa dugo at laman, anupat nagiging “tulad ng kaniyang ‘mga kapatid,’” ay “walang katusuhan, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan,” “sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Ro 8:7; Heb 2:14, 17; 4:15; 7:26) Pinatunayan ni Jehova na maaaring maging walang-kasalanan ang laman ng tao. “Ang Diyos, sa pamamagitan ng pagsusugo ng kaniyang sariling Anak sa wangis ng makasalanang laman at may kinalaman sa kasalanan, ay humatol sa kasalanan sa laman.” (Ro 8:3) Sa kalaunan, sa pamamagitan ng paglalaan ng hain ni Kristo, lahat ng nananampalataya ay magiging sakdal, at ang matuwid na mga kautusan ng Diyos ay buong-kasakdalang tutuparin ng sangkatauhan.—Apo 21:4.
Ang isa sa mga tukso na nakaimpluwensiya kay Eva upang magkasala ay “ang pagnanasa ng laman.” Ginamit ito ng Diyablo laban kay Kristo ngunit nabigo siya. (1Ju 2:16; Gen 3:6; Luc 4:1-4) Tinatalo ng mga tagasunod ni Jesus ang laman sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa espiritu ng Diyos na gumana nang malaya sa kanilang mga buhay at sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova.—Gal 5:16, 22-26; Ro 8:1-4.
Mat 16:17; 1Co 2:9, 14; Efe 3:5) Alinsunod dito, hindi isinasagawa ng mga Kristiyano ang kanilang Kristiyanong pakikipagdigma ‘ayon sa laman,’ at hindi sila nakikipaglaban sa mga taong laman at dugo; ni gumagamit man sila ng makalamang mga sandata laban sa kaninuman. Nakikipaglaban sila sa “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (2Co 10:3, 4; Efe 6:12) Nagtitiwala sila, hindi sa ‘bisig na laman,’ kundi kay Jehova na Espiritu. (Jer 17:5; 2Co 3:17) Sa tulong ng Diyos ay sinisikap nilang linisin ang kanilang sarili mula sa “bawat karungisan ng laman at espiritu,” at tinitingnan at hinahatulan sila ng Diyos, hindi ayon sa kung ano sila sa laman, gaya ng madalas gawin ng tao, kundi ayon sa kung ano sila sa espirituwal.—1Co 4:3-5; 2Co 5:16, 17; 7:1; 1Pe 4:6; tingnan ang ESPIRITU; IPAHAYAG NA MATUWID; KALULUWA.
Ang Pakikipaglaban ay Hindi sa Laman. Hindi ang makalamang pangangatuwiran, kundi ang espiritu ni Jehova, ang nagsisiwalat ng mga layunin ng Diyos sa mga taong may pananampalataya at pumapatnubay sa kanila. (