Lambat, Pangubkob na
[sa Ingles, dragnet].
Isang uri ng lambat na ipinansusuyod sa sahig ng katubigan upang makahuli ng mga isda. (Eze 26:5, 14; 47:10) Sa sinaunang Ehipto, ang mga pangubkob na lambat ay gawa sa sinulid na lino at may mga pabigat na tingga sa ilalim at mga palutang na kahoy sa ibabaw. Malamang na kahawig ng mga ito ang mga lambat na ginamit ng mga Israelita.
Ang sinaunang paraan ng pangingisda gamit ang pangubkob na lambat ay malamang na kagayang-kagaya ng pamamaraan sa Gitnang Silangan nitong nakalipas na mga panahon. Ang pangubkob na lambat ay inihuhulog mula sa mga bangka upang makulong nito ang isang kawan ng mga isda, at ang mahahabang lubid na nakakabit sa magkabilang dulo ng lambat ay iniaahon sa baybayin. Pagkatapos, unti-unting hihilahin ng dalawang pangkat ng mga lalaki ang magkabilang dulo ng lubid patungo sa dalampasigan. (Mat 13:47, 48) Ang isa pang paraan ay ang paghila sa lambat hanggang sa ito’y maging parang malaking buslo. Sisisid naman ang mga mangingisda sa tubig at hihilahin ang isang bahagi ng gilid na may mga pabigat patungo sa ilalim ng buong lambat upang magkaroon ito ng lundo. Pagkatapos nito, iaahon ang lambat sa isang bangka o mga bangka. (Luc 5:6, 7) Kung minsan naman ay hinihila muna ang lambat sa mas mababaw na bahagi ng tubig bago ito alisan ng laman.—Ihambing ang Ju 21:8, 11.
Sa Kasulatan, makasagisag na ginagamit ang pangubkob na lambat may kaugnayan sa pagtitipon sa mga tao. (Mat 13:47, 48) Ginagamit din ito upang lumarawan sa puso ng babaing imoral (Ec 7:26) at maging sa mga pakana upang siluin ang iba. (Mik 7:2) Gayundin, ang pananakop sa digmaan ay inihahalintulad sa pangingisda gamit ang pangubkob na lambat.—Hab 1:15-17.