Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lamec

Lamec

1. Ang anak ni Metusael at isang inapo ni Cain. (Gen 4:17, 18) Ang buhay niya at ni Adan ay nagpang-abot. Si Lamec ay nagkaroon ng dalawang asawa, sina Ada at Zila, na magkasabay niyang naging asawa at siya ang unang nagkaroon ng higit pa sa isang asawa ayon sa ulat ng Bibliya. (Gen 4:19) Kay Ada ay nagkaroon siya ng mga anak na lalaki na nagngangalang Jabal, ang ‘tagapagpasimula ng mga tumatahan sa mga tolda at ng mga may alagang hayop,’ at Jubal, ang ‘tagapagpasimula ng lahat niyaong humahawak ng alpa at ng pipa.’ (Gen 4:20, 21) Kay Zila naman ay naging anak ni Lamec si Tubal-cain, “ang panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal,” at ang isang babae na nagngangalang Naama.​—Gen 4:22.

Ang tulang kinatha ni Lamec para sa kaniyang mga asawa (Gen 4:23, 24) ay nagpapabanaag sa marahas na saloobin ng mga tao noong panahong iyon. Ang tula ni Lamec ay nagsasabi: “Dinggin ninyo ang aking tinig, kayong mga asawa ni Lamec; pakinggan ninyo ang aking pananalita: Isang lalaki ang pinatay ko dahil sinugatan ako, oo, isang kabataang lalaki dahil sa panununtok sa akin. Kung pitong ulit na ipaghihiganti si Cain, kung gayon si Lamec ay pitumpung ulit at pito.” Maliwanag na naghaharap si Lamec ng isang kaso ng pagtatanggol sa sarili, anupat nangangatuwiran na ang ginawa niya ay hindi sinasadyang pagpaslang, na gaya niyaong kay Cain. Inangkin ni Lamec na bilang pagtatanggol sa kaniyang sarili, napatay niya ang lalaki na nanakit at sumugat sa kaniya. Samakatuwid, ang kaniyang tula ay nagsisilbing pakiusap na huwag siyang patayin ng sinumang naghahangad na ipaghiganti ang lalaking dumaluhong sa kaniya.

Lumilitaw na walang sinuman sa mga inapo ni Cain, kabilang na rito ang mga supling ni Lamec, ang nakaligtas sa Baha.

2. Isang inapo ni Set; anak ni Matusalem at ama ni Noe. (Gen 5:25, 28, 29; 1Cr 1:1-4) Nagpang-abot din ang buhay ng Lamec na ito at ni Adan. Si Lamec ay nanampalataya sa Diyos, at pagkatapos na tawaging Noe (malamang na nangangahulugang “Kapahingahan; Kaaliwan”) ang pangalan ng kaniyang anak, sinabi niya: “Ang isang ito ay magdadala sa atin ng kaaliwan sa ating gawa at sa kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.” (Gen 5:29) Natupad ang mga salitang ito nang ang sumpa sa lupa ay alisin noong panahong nabubuhay si Noe. (Gen 8:21) Nagkaroon si Lamec ng iba pang mga anak na lalaki at babae. Nabuhay siya nang 777 taon, anupat namatay mga limang taon bago ang Baha. (Gen 5:30, 31) Ang kaniyang pangalan ay nakasulat sa talaangkanan ni Jesu-Kristo sa Lucas 3:36.