Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Langis

Langis

Sa lahat ng mataba o mamantikang likido, ang pinakapamilyar sa mga Hebreo ay yaong nakukuha mula sa mga olibo. Karaniwan na, ang hinog na hinog na itim na mga olibo ang may pinakamaraming langis, subalit yaong mga kulay berde pa, ngunit nagsisimula nang magbago ang kulay, ang pinagkukunan ng langis na pinakamainam ang kalidad. Pagkatapos na maingat na makuha mula sa puno ang mga bunga, at maalisan ng maliliit na sanga at mga dahon ang mga olibo, dinadala ang mga iyon sa pisaang panlangis.

Halos kalahati ng kalamnan ng hinog na bunga ng olibo ay langis, na may iba’t ibang uri depende sa pamamaraang ginamit sa pagpoproseso sa kalamnan ng bunga. Ang pinakamainam, tinatawag na “dalisay na napigang langis ng olibo,” ay nakukuha sa pamamagitan ng isang simpleng proseso bago ilagay sa pisaan ang mga olibo. (Lev 24:2) Una, inilalagay ang mga olibo sa isang almires at binabayo hanggang sa magkadurug-durog ang mga ito o kung minsan ay pinipisa ang mga ito sa pamamagitan ng mga paa. (Mik 6:15) Pagkatapos, ang durog na bunga ay inililipat sa mga panalang basket kung saan “tumutulo” ang langis nito hanggang sa lubusang lumabas ang “virgin” oil o unang katas ng langis. Iniimbak ang dalisay na napigang langis sa mga bangang luwad, at ang sapal ay inililipat naman sa pisaan ng olibo.

Isang pangkaraniwang uri ng langis ang nalilikha kapag dinurog nang husto ang mga olibo sa isang almires o sa isang gilingang pangkamay. Pagkatapos tumagas ang langis mula sa sapal, pinatitining ito sa luwad na mga banga o mga tangke.

Ang pinakamababang uri ng langis ay yaong napipiga mula sa sapal sa pamamagitan ng pisaan ng olibo pagkatapos ng pagdurog sa mga iyon. Ang durog na kimpal ng sapal ay inilalagay sa mga basket at isinasalansan sa pagitan ng dalawang patindig na haligi ng pisaan ng olibo. Dinidiinan ng isang pabigat ang salansan ng mga basket upang mapiga ang langis, na pinadadaloy naman patungo sa malalaking imbakan upang mapatining. Habang naroroon, ang langis ay pumapaibabaw, anupat humihiwalay sa maliliit na piraso ng sapal at sa tubig na nasa ilalim bago naman ito isalin sa malalaking bangang luwad o sa espesyal na mga sisidlan upang iimbak.​—Ihambing ang 2Cr 32:27, 28; tingnan ang PISAAN.

Isang Sagisag ng Kasaganaan. Kapag sinasabing ‘ang mga pisaang tangke ay aapawan ng langis,’ nagpapahiwatig ito ng malaking kasaganaan. (Joe 2:24) Hinanap-hanap ng nagdurusang si Job ang mga araw noong siya’y sagana pa nang “ang bato ay patuloy na nagbubuhos ng mga bukal ng langis” para sa kaniya. (Job 29:1, 2, 6) Pinangyari ni Jehova na si “Jacob,” o ang mga Israelita, ay makasagisag na sumipsip ng “langis mula sa batong pingkian,” lumilitaw na mula sa mga punong olibo na tumutubo sa mabatong kalupaan. (Deu 32:9, 13) Ipinahayag ni Moises na ang Aser ay magiging “isa na naglulubog ng kaniyang paa sa langis,” anupat nagpapahiwatig na ang tribong ito ay magtatamasa ng materyal na mga pagpapala.​—Deu 33:24.

Isang Mahalagang Kalakal at Pagkain. Dahil sagana ang langis ng olibo sa Palestina kung kaya naging mahalagang kalakal ito roon. Taun-taon, nagbibigay si Solomon kay Haring Hiram ng Tiro ng “dalawampung takal na kor [4,400 L; 1,160 gal] ng napigang langis” bilang bahagi ng bayad sa mga materyales para sa pagtatayo ng templo. (1Ha 5:10, 11) Ang Juda at Israel ay dating “mga negosyante” na nakikipagpalitan ng langis sa Tiro. (Eze 27:2, 17) Kabilang din ang mabangong langis at ang langis ng olibo sa mga panindang binibili ng mistikong Babilonyang Dakila mula sa “mga naglalakbay na mangangalakal” sa lupa.​—Apo 18:11-13.

Ang langis ng olibo, isang pampalakas na pagkain at isa sa mga taba na pinakamadaling tunawin ng katawan, ay isang pangunahing pagkain noon ng mga Israelita, anupat malamang na sa maraming pagkakataon ay inihahalili ito sa mantikilya sa hapag-kainan at kapag nagluluto. (Deu 7:13; Jer 41:8; Eze 16:13) Nagsilbi itong karaniwang panggatong sa mga lampara (Mat 25:1-9), at “dalisay na napigang langis ng olibo” naman ang pinagniningas sa mga lampara ng ginintuang kandelero sa tolda ng kapisanan. (Exo 27:20, 21; 25:31, 37) Ginamit din noon ang langis may kaugnayan sa mga handog na mga butil na inihahandog kay Jehova. (Lev 2:1-7) Bilang isang kosmetik, ipinapahid ito sa katawan pagkatapos maligo. (Ru 3:3; 2Sa 12:20) Itinuring na isang gawa ng pagkamapagpatuloy ang pagpapahid ng langis sa ulo ng isang panauhin. (Luc 7:44-46) Ginamit din ang langis upang mapalambot at mapaginhawa ang mga pasa at mga sugat (Isa 1:6), anupat kung minsan ay ibinubuhos itong kasama ng alak.​—Luc 10:33, 34.

Relihiyosong Paggamit at Kahulugan. Inutusan ni Jehova si Moises na gumawa ng “isang banal na langis na pamahid” na may langis ng olibo at iba pang sangkap. Pinahiran ni Moises ng langis na ito ang tabernakulo, ang kaban ng patotoo, ang iba’t ibang kagamitan ng santuwaryo, at ang mga muwebles niyaon. Ginamit din ito ni Moises nang pahiran niya si Aaron at ang mga anak nito, upang pabanalin sila bilang mga saserdote kay Jehova. (Exo 30:22-33; Lev 8:10-12) Noon, ang mga hari ay pinapahiran ng langis; halimbawa, nang pinapahiran ni Samuel si Saul, “kinuha ni Samuel ang prasko ng langis at ibinuhos iyon sa kaniyang ulo.” (1Sa 10:1) Isang sungay ng langis naman ang ginamit nang pahiran si Solomon.​—1Ha 1:39.

Noong inihuhula ang nakagagalak na mga epekto ng ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa, sinabi na bibigyan niya yaong “mga nagdadalamhati dahil sa Sion . . . ng langis ng pagbubunyi kahalili ng pagdadalamhati.” (Isa 61:1-3; Luc 4:16-21) Inihula rin na si Jesus ay personal na papahiran ni Jehova ng “langis ng pagbubunyi” na higit kaysa sa kaniyang mga kasamahan, anupat nagpapahiwatig na magtatamasa siya ng higit na kagalakan kaysa sa mga hinalinhan niya sa Davidikong dinastiya.​—Aw 45:7; Heb 1:8, 9; tingnan ang PINAHIRAN, PAGPAPAHID.

Kung paanong ang pagpapahid ng literal na langis sa ulo ng isa ay nakagiginhawa at nakarerepresko, gayundin naman ang pagpapahid ng Salita ng Diyos sa isang taong may-sakit sa espirituwal upang mapaginhawa, maituwid, maaliw, at mapagaling siya. Kaya naman, pinapayuhan ang matatandang lalaki ng kongregasyong Kristiyano na ipanalangin ang gayong tao, anupat makasagisag na “pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova,” isang mahalagang hakbang tungo sa kaniyang espirituwal na paggaling.​—San 5:13-15; ihambing ang Aw 141:5.