Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Langis, Puno ng

Langis, Puno ng

[sa Heb., ʽets sheʹmen].

Ang pagkakakilanlan ng punong ito ay pinag-aalinlanganan. Ang pananalitang Hebreo ay nagpapahiwatig ng isang punong “mataba ang kahoy,” sagana sa langis o katulad na substansiya. Matagal nang itinuturing na ito ang oleaster (Elaeagnus angustifolia), isang maliit na puno o palumpong na pangkaraniwan sa Palestina, na ang mga dahon ay luntiang-abuhin na kahawig niyaong sa punong olibo at nagluluwal ng bunga na pinagkukunan ng langis na lubhang nakabababa ang uri kaysa sa langis ng olibo. Bagaman ang kahoy nito ay matigas at pino ang hilatsa, anupat angkop sa pag-uukit, waring hindi ito tumutugma sa paglalarawang ibinigay tungkol sa ‘puno ng langis’ sa 1 Hari 6:23, 31-33. Sinabi roon na, nang itinatayo ang templo, ang dalawang kerubin, bawat isa ay may taas na 4.5 m (14.6 piye), gayundin ang mga pintong papasók sa Kabanal-banalan at ang “parisukat” na mga poste ng pinto para sa pangunahing pasukan patungo sa templo, ay yari sa kahoy ng ‘puno ng langis.’ Waring ang oleaster ay napakaliit na halaman upang angkop makatugon sa mga kahilingang ito.

Ang King James Version at Revised Standard Version ay tumutukoy sa kahoy ng punong olibo sa 1 Hari 6:23, at iminumungkahi na maaaring ang mga kerubin ay gawa sa ilang piraso na pinagdugtung-dugtong, yamang ang maikling katawan ng olibo ay hindi makapaglalaan ng napakahahabang mga tabla. Gayunman, dahil ang punong olibo sa Nehemias 8:15 ay tinukoy na naiiba sa puno ng langis, waring imposible ang mungkahing ito.

Dahil dito, inirerekomenda ng ilang iskolar ang Aleppo pine (Pinus halepensis), na pinaniniwalaan nilang maaaring noon ay tinatawag na puno ng langis dahil naglalabas ito ng alkitran at agwaras. Ang matayog na pinong ito ay isa sa pinakapangkaraniwang evergreen sa Palestina, at may katibayan na magpapakitang ang rehiyon sa palibot ng Jerusalem ay dating may malawak na kagubatan nito. Tumataas ito nang hanggang 20 m (66 na piye), anupat may talob na makinis at abuhin, mga dahong tulad-karayom at mapusyaw na luntian, at mga kono na kayumangging mamula-mula. Ang kahoy nito ay sinasabing may kalidad na malapit sa kalidad ng sedro. Samakatuwid, makatutugon ang punong ito sa mga kahilingan para sa pagtatayo ng templo; gayunman, dahil sa kawalan ng positibong katibayan, isinasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang pananalitang Hebreo nito bilang “puno ng langis.”

Ang mga sanga ng puno ng langis, kasama ng mga sanga ng olibo, mirto, at palma, ay ginamit sa Jerusalem noong Kapistahan ng mga Kubol. (Ne 8:15) Ang puno ng langis ay isa rin sa mga puno na inihulang magpapaganda sa ilang, sa hula ni Isaias ng pagsasauli.​—Isa 41:19.