Lansangang-Bayan, Daan
Ang mga terminong Hebreo na mesil·lahʹ (lansangang-bayan) at deʹrekh (daan) at ang terminong Griego na ho·dosʹ (daan) ay pawang ginagamit upang tumukoy sa isang pampublikong daan, landas, o ruta, na karaniwan nang nasa pagitan ng mga bayan o mga lunsod.—Tingnan ang DAAN, ANG.
Mula pa noong sinaunang mga panahon, ang mga lunsod at mga kaharian sa lugar ng Palestina ay pinag-uugnay na ng mga lansangang-bayan at mga daan, kabilang na rito ang ilang mahahalagang ruta ng kalakalan. (Bil 20:17-19; 21:21, 22; 22:5, 21-23; Jos 2:22; Huk 21:19; 1Sa 6:9, 12; 13:17, 18; tingnan ang DAAN NG HARI.) Ang itinuturing na pangunahing ruta sa mga ito ay yaong nagmumula sa Ehipto patungo sa mga Filisteong lunsod ng Gaza at Askelon at unti-unting lumiliko nang pahilagang-silangan sa direksiyon ng Megido. Nagpapatuloy ito papuntang Hazor, sa H ng Dagat ng Galilea, at pagkatapos ay patungo naman sa Damasco. Ang rutang ito na dumaraan sa Filistia ang pinakamaikling ruta mula sa Ehipto patungo sa Lupang Pangako. Ngunit may-kabaitang inakay ni Jehova ang mga Israelita sa ibang daan upang hindi sila masiraan ng loob dahil sa posibleng pagsalakay ng mga Filisteo.—Exo 13:17.
Sa Lupang Pangako, lalong naging mahalaga sa mga Israelita na mantinihin ang isang mabuting sistema ng mga daan, yamang noon ay iisa lamang ang sentro ng pagsamba para sa buong bansa. Dahil dito, malalayong distansiya ang kinailangang lakbayin ng marami sa mga Israelita bawat taon upang matupad nila ang kahilingan ng Kautusan na ang lahat ng mga lalaki ay magtipon sa tatlong pangkapanahunang kapistahan. (Deu 16:16) Bukod diyan, ang mga ikapu, mga abuloy, at anumang handog noon, kusang-loob man ang mga ito o katungkulan, ay kailangang doon sa dakong pipiliin ni Jehova ihandog. (Deu 12:4-7) Nang maitayo na ni Solomon ang templo, ang Jerusalem ang siyang naging dakong pinili ni Jehova. Kaya naman, habang naglalakbay ang mga Israelita sa mga daang patungo at pabalik mula sa Jerusalem, nagkaroon ng maiinam na pagkakataon ang mga ama upang maituro sa kanilang mga anak ang kautusan ng Diyos.—Deu 6:6, 7.
Kinailangan ding asikasuhin ang pagmamantini ng mga daang patungo sa anim na kanlungang lunsod. Dapat na may sapat na mga palatandaan ang mga daang ito at walang mga harang na makasasagabal sa pagtakbo roon ng taong nakapatay nang di-sinasadya. (Deu 19:3) Ayon sa tradisyong Judio, isang posteng pananda na nagtuturo ng direksiyon patungo sa kanlungang lunsod ang inilagay sa bawat salubungang-daan.—Babilonyong Talmud, Makkot 10b.
Bagaman walang paglalarawan sa Bibliya hinggil sa sinaunang mga daan, nagbigay naman ito ng mga pahiwatig tungkol sa konstruksiyon at pagmamantini ng mga ito. Kung minsan, maaaring pinapatag ang mga burol at ang iba pang di-pantay na mga dako, at ang mga daan ay inaalisan ng mga bato at tinatambakan. (Isa 40:3, 4; 57:14; 62:10) Sinasabi ng istoryador na si Josephus na nilatagan ni Haring Solomon ng itim na bato ang mga daang patungo sa Jerusalem.—Jewish Antiquities, VIII, 187 (vii, 4).
Gayunman, walang anumang nalalaman nang tiyak tungkol sa kayarian ng sinaunang mga daan hanggang noong mga araw ng Imperyo ng Roma. Ang mga Romano ay nakilala sa paggawa ng mga manggagawa ng mga daan, anupat pinag-ugnay-ugnay nila ang kanilang pagkalawak-lawak na imperyo upang mapadali ang pagkilos ng kanilang mga hukbo. Ang kanilang mga daan ay may latag na malalapad na bato, at ang pinakasahig ng mga ito ay kadalasang may tatlong suson: (sa Gaw 28:15, 16; tingnan ang APIO, PAMILIHAN NG.
pinakailalim) malalaki at magagaspang na tipak ng bato, (sa gitna) malalapad na batong sinimentuhan ng argamasa, at (sa ibabaw) kongkreto at dinurog na mga bato. Ang mga daan ay nakadahilig mula sa gitna patungo sa magkabilang gilid at may mga milyahe, panggilid na mga bato, at mga esterong lagusan ng tubig. Gayundin, may masusumpungan doong mga balon sa kumbinyenteng mga pagitan. Palibhasa’y halos tuwid na tuwid, ang mga daang Romano ay bumabagtas sa ibabaw ng mga burol sa halip na umikot sa gilid ng mga iyon. Ang tanyag na Romanong lansangang-bayan, ang Appian Way, ay may lapad na mga 5.5 m (18 piye) at nilatagan ng malalaking bloke ng lava. Habang patungo sa Roma bilang isang bilanggo, ang apostol na si Pablo ay naglakbay sa daang ito; hanggang sa ngayon ay ginagamit pa rin ang ilang bahagi nito.—Ang mga salita sa Isaias 19:23 tungkol sa pagkakaroon ng “lansangang-bayan mula sa Ehipto hanggang sa Asirya” ay tumutukoy sa mabuting ugnayan na mamamagitan balang-araw sa dalawang lupaing ito. Upang pangyarihin ang paglaya ng kaniyang bayan, si Jehova, wika nga, ay gumawa ng mga lansangang-bayan para sa kanila papalabas sa mga lupain ng kanilang pagkabihag.—Isa 11:16; 35:8-10; 49:11-13; Jer 31:21.