Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Laryo

Laryo

Karaniwan na, isang materyales para sa pagtatayo na gawa sa putik o luwad na pinatigas. Mula pa noong sinaunang panahon, ang laryo (sa Heb., leve·nahʹ; sa Ingles, brick) ay malawakan nang ginamit sa mga lupain sa Bibliya. Ang mga tagapagtayo ng sinaunang Babel ay walang nasumpungang bato sa kapaligiran ng lugar na pinili nila para sa kanilang lunsod, at dahil dito, mga laryo ang ginamit nila sa halip na bato, at bitumen ang nagsilbing argamasa para sa kanila. Lumilitaw na sa hurnuhan pinatutuyo noon ang mga laryo, samakatuwid nga, pinatitigas “sa pamamagitan ng apoy.” (Gen 11:3) Sa sinaunang Ehipto, ang inaliping mga Israelita ay nagtrabaho sa paggawa ng laryo. Lalo pang pinahirap ang kalagayan nila nang sila na mismo ang pinagtipon ng dayami habang dati pa ring dami ng mga laryo ang ipinagagawa sa kanila. (Exo 5:7-19) Sa Lupang Pangako, patuloy na gumamit ng mga laryo ang mga Israelita sa gawaing pagtatayo, bagaman waring mas nagugustuhan noon ang bato. (Isa 9:10) Bagaman may saganang bato sa mga burol ng Palestina, sa ilang seksiyon ay kakaunti ang makukuhang de-kalidad na bato para sa pagtatayo. Kaya naman sa mabababang lupain, sa mga lunsod na gaya ng Jerico at Ezion-geber, hindi lamang sa mga pader ng lunsod ginamit ang mga laryo kundi pati rin sa mga tirahan. Sa makabagong panahon, sa mga bahagi ng Sirya at Palestina, yari sa tinabas na bato ang ilang bahagi ng mga bahay roon samantalang yari naman sa laryong pinatuyo sa araw ang iba pang bahagi, anupat tinabas na bato ang ginagamit sa mga pader na pinakahantad sa mga bagyo ng tagyelo.

Kapag ginagawa ang laryo, pagkatapos alisin mula sa putik o luwad ang anumang napahalong substansiya, karaniwang nilalagyan iyon ng dayami na tinadtad nang pino o ng iba pang materya ng halaman. Pinatutunayan ito ng pananalita sa Anastasi Papyri, mula sa sinaunang Ehipto, na kababasahan: “Walang sinumang makapaghulma ng mga laryo, at walang dayami sa paligid.” (Life in Ancient Egypt, ni A. Erman, 1894, p. 117) Bagaman nakasumpong ng mga laryong walang dayami sa Ehipto, maliwanag na isa itong eksepsiyon at hindi ito naglalaan ng makatuwirang saligan para isiping gumawa na lamang ang mga Israelita ng mga laryong walang dayami nang sila na mismo ang sapilitang pinakuha ng mga iyon. Ipinakikita ng mga eksperimentong isinagawa nitong nakaraang mga taon na kapag nilalagyan ng dayami ang luwad, nagiging mas madali itong hubugin at ang mga laryong ginawa mula sa mga ito ay tatlong ulit na mas matibay.

Ang pinaghalong putik, o luwad, at dayami ay binabasa ng tubig, tinatapak-tapakan ng mga paa, at pagkatapos ay hinuhubog sa pamamagitan ng mga kamay o ng “hulmahan ng laryo” (sa Heb., mal·benʹ; Na 3:14) na may apat na gilid at yari sa kahoy. Malamang na binubudburan muna ng tuyong lupa ang mga gilid ng mga hulmahan upang maging mas madaling matanggal ang mga hulmahan. Kadalasan, habang basâ pa ang laryo, tinatatakan ito ng marka ng naghaharing monarka. Pagkatapos nito, ang mga laryo ay ibinibilad sa araw o niluluto sa hurnuhan upang matuyo.

Sa Babilonia, karaniwan nang sa hurnuhan pinatutuyo ang mga laryo, at sa pangkalahatan ang mga laryong ito ay ginagamit sa mga pader ng lunsod at sa mga pader at mga sahig ng mga palasyo. Kung minsan, ang mga laryong pinatuyo sa araw ay ginagamit sa loob ng mga gusali o inilalatag na kasama ng mga laryong pinatuyo sa apoy sa halinhinang mga suson na mga ilang piye ang kapal. Sa Ehipto, Asirya, at Palestina naman, waring mas pangkaraniwang patuyuin ang mga laryo sa araw. Mas mataas ang kalidad ng mga laryong niluto sa hurnuhan kaysa sa mga laryong pinatuyo sa araw. Ang huling nabanggit ay naaagnas kapag nababad sa baha at natutuyot naman sa matinding init ng tag-araw. Gayunman, sa ilang kaso, naging napakatitibay ng mga laryong pinatuyo sa araw, gaya niyaong mga nasa Ezion-geber, na tumagal nang maraming siglo.​—Tingnan ang HURNUHAN.

Dahil malawakang ginamit ang mga laryong pinatuyo sa araw, mauunawaan natin kung bakit hindi natuklasan sa loob ng maraming siglo ang mga lugar ng ilang sinaunang lunsod. Ang gumuhong mga laryo ng dating mga lunsod ay naging mga bunton ng lupa na kahawig na kahawig ng lupa sa palibot ng mga ito. Sa Palestina at Sirya, kalimitang nasa mga bunton na ito ang mga guho ng ilang lunsod.

Iba’t iba ang laki at hugis ng mga laryo. Sa Ehipto, pangkaraniwan noon ang mga laryong parihaba, at hugis-kalsong mga laryo naman ang ginamit sa paggawa ng mga arko. Humigit-kumulang, ang mga laryong Ehipsiyo ay may haba na 36 hanggang 51 sentimetro (14 hanggang 20 pulgada), may lapad na 15 hanggang 23 sentimetro (6 hanggang 9 na pulgada), at kapal na 10 hanggang 18 sentimetro (4 hanggang 7 pulgada). Sa Babilonia, may nasumpungang mga laryong kuwadrado, biluhaba, tatsulok, at hugis-kalso. Gayunman, ang laryo noong dakong huli, gaya niyaong mula sa panahon ni Nabucodonosor, ay karaniwan nang kuwadrado, anupat mga 30 sentimetro (12 pulgada) ang diyametro.

Binabanggit na noong panahon ni Isaias, gumawa ang Israel ng haing usok sa ibabaw ng mga laryo, at maaaring tumutukoy ito sa sahig ng dako para sa paghahandog ng hain o sa mga tisa ng bubong.​—Isa 65:3.