Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lata

Lata

[sa Ingles, tin].

Isang metal na kulay puting mangasul-ngasul at napakadaling hubugin. Sa anim na produkto ng hurno ng sinaunang metalurhiko, ang lata ang pinakamadaling matunaw, anupat natutunaw kahit sa mababang temperatura na 232° C. (449° F.). (Eze 22:18, 20) Ang orihinal na salitang Hebreo na bedhilʹ ay nangangahulugang “yaong inihiwalay o ibinukod,” samakatuwid nga, mula sa mahahalagang metal sa pamamagitan ng pagtunaw. Isinalin din ito bilang “duming naipon.”​—Isa 1:25.

Walang mga minahan ng lata sa Palestina. Nang unang tukuyin ang lata di-nagtagal pagkatapos ng Pag-alis, ibinilang ito sa mahahalagang samsam sa digmaan na nakuha mula sa mga Midianita. (Bil 31:2, 22) Sa Tarsis kumukuha ng lata ang mga taga-Tiro. (Eze 27:12) Karamihan sa mabigat at maitim na oxide ng lata na tinatawag na cassiterite ay nanggaling sa buhanginan ng mga ilog sa Espanya at Inglatera. Waring ginamit ang lata sa paggawa ng mga hulog, sapagkat sa Zacarias 4:10 (kung saan binabanggit ang “hulog”), ang mababasa sa tekstong Masoretiko ay “ang bato [o, pabigat], ang lata.” Sa Amos 7:7, 8, ang salitang Hebreo na isinalin bilang “hulog” ay maaaring mangahulugang lata o tingga. Ang pinakakapaki-pakinabang na gamit sa lata ay bilang panghalo na pampatigas. Sa sinaunang mga ispesimen ng bronse, may nasumpungang tanso na hinaluan ng 2 hanggang 18 porsiyentong lata.