Latin
Isang wika na kabilang sa Indo-Europeong pamilya at ang “magulang,” o pinagmulan, ng mga wikang Romanse, samakatuwid nga, Italyano, Kastila, Pranses, Portuges, at Romaniano. Noong huling kalahatian ng ikalawang siglo C.E., pinalitan ng mga relihiyosong awtoridad ng Roma ang Latin ng Griego bilang ang wika ng Romanong diyosesis. Kabilang sa mga resulta nito ang paglalabas ng Latin na Vulgate, na ginawa ni Jerome noong ikaapat at ikalimang siglo C.E., anupat pumapangalawa lamang ito sa Griegong Septuagint bilang isang kilaláng sinaunang salin ng Bibliya.
Latin ang wikang ginamit ng Imperyo ng Roma at samakatuwid, noong nasa lupa si Jesu-Kristo, ito ang opisyal na wika ng Palestina, bagaman hindi ang karaniwang wika ng taong-bayan. Kaya naman hindi kataka-takang makasumpong ng mga anyong Latin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang salitang “Latin” mismo ay minsan lamang lumilitaw sa Bibliya, sa Juan 19:20, kung saan sinasabi sa atin na ang inskripsiyong inilagay sa ibabaw ni Jesus sa pahirapang tulos ay nakasulat sa Hebreo, Griego, at Latin.
Ang Latin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay lumilitaw sa iba’t ibang anyo. Kabilang dito ang mahigit sa 40 Latin na pangalang pantangi ng mga tao at mga lugar, gaya ng Aquila, Lucas, Marcos, Pablo, Cesarea, at Tiberias. Masusumpungan sa bahaging ito ng Bibliya ang mga katumbas sa Griego ng mga 30 salitang Latin na pangmilitar, panghudisyal, pansalapi, at pambansa, gaya ng centurio (Mar 15:39, opisyal ng hukbo), denarius (Mat 20:2, denario), at speculator (Mar 6:27, tagapagbantay). Mayroon ding mga pananalita o mga idyomang Latin, gaya ng “sa pagnanais na palugdan ang pulutong” (Mar 15:15) at ‘kumukuha ng sapat na paniguro.’ (Gaw 17:9) Kung minsan, ang sintaks, o balangkas ng mga parirala at mga pangungusap, ay nagpapahiwatig ng impluwensiya ng Latin. Gayunman, pinagtatalunan ng iba’t ibang iskolar kung gaano karami ang mga ito.
Ang karamihan sa mga anyong Latin ay masusumpungan sa Marcos at Mateo, anupat si Marcos ang gumamit ng pinakamaraming anyong Latin sa lahat ng iba pang mga manunulat ng Bibliya. Sumusuporta ito sa paniniwala na isinulat niya sa Roma ang kaniyang Ebanghelyo at pangunahin nang para sa mga Gentil, partikular na sa mga Romano. Hindi gaanong gumamit si Pablo ng mga anyong Latin; wala nito sa Griegong Septuagint.
Para sa mga umiibig sa Bibliya, ang pagkakaroon ng mga anyong Latin sa Kasulatan ay higit pa kaysa sa isang kawili-wiling puntong akademiko. Kaayon ito ng ipinakikita ng Bibliya na ang Palestina ay sakop ng Roma noong nasa lupa si Jesu-Kristo. Karagdagan pa, ipinakikita ng paggamit ng mga anyong Latin ng pinakamahuhusay na sekular na Griegong manunulat noong unang siglo na ang Kristiyanong Kasulatan ay talagang isinulat noong panahon ding iyon. Kaya naman ito ay nagsisilbing higit na patotoo ng autentisidad ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.