Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lawin

Lawin

[sa Heb., ʼai·yahʹ, “lawing itim” (sa Ingles, black kite); da·ʼahʹ, “lawing pula” (red kite); at marahil dai·yahʹ, “lawing mandaragit” (glede), malamang ay isang uri ng lawin].

Ang lawin ay pinagsamang ibong maninila at ibong kumakain ng bangkay. Ang lawing itim at ang lawing pula, mga karaniwang uri na matatagpuan sa Palestina, ay parehong kabilang sa maruruming ibon ayon sa Kautusan. (Lev 11:13, 14; Deu 14:12, 13) Sa talaang nasa Deuteronomio, ra·ʼahʹ ang makikita sa halip na da·ʼahʹ, gaya ng nasa Levitico. Ngunit ipinapalagay na ito’y dahil napalitan ng eskriba ang Hebreong katumbas ng “d” (ד) ng “r” (ר), palibhasa’y magkahawig na magkahawig ang mga titik na ito.

Ipinapalagay na ang pangalang Hebreo na ʼai·yahʹ ay isang paggaya sa malakas na huni ng lawing itim (na inuuri ng mga ornitologo bilang Milvus migrans).

Hindi tiyak kung ano ang orihinal na kahulugan ng pangalang Hebreo na da·ʼahʹ, ngunit sinasabing tumutukoy ito sa “sumasalimbay o sumisibad na paglipad,” gaya sa pananalitang “dumating siyang sumisibad [mula sa Heb., da·ʼahʹ] na nasa mga pakpak ng isang espiritu” (Aw 18:10), at sa mga pagtukoy sa ‘pananaklot’ ng agila. (Deu 28:49; Jer 48:40; 49:22) Kaya naman, ang pangalang ito’y tumutukoy sa isang ibong maninila, at iminumungkahi nina Koehler at Baumgartner (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 198) ang lawing pula (Milvus milvus).

Ginamit ni Job ang lawing itim bilang halimbawa ng napakatalas na paningin, habang ipinakikita niya na dahil sa pagkamalikhain ng tao at sa paghahanap nito ng kayamanan ay nakarating siya sa mga landas sa ilalim ng lupa na hindi nakikita kahit ng mga ibong maninila na malayo ang natatanaw.​—Job 28:7.

Karamihan sa mga lawing itim ay dumaraan sa Palestina para magpalipas ng taglamig sa Aprika. Parami nang parami ang nagpapalipas ng taglamig sa Israel. Gumagawa sila ng mga pugad sa mga sanga ng matataas na punungkahoy at nag-iimbak ng pagkain sa pugad bago mangitlog. Ang lawing pula, na bibihirang dumating kapag taglamig, ay isang ibon na kayumangging mamula-mula, may mga guhit na itim at may puting-abuhing ulo.

[Larawan sa pahina 192]

Ang lawing itim; isang ibong hindi angkop kainin ayon sa Kautusang Mosaiko