Lawing-dagat
[sa Heb., peʹres; sa Ingles, osprey].
Isa sa “mga lumilipad na nilalang” na itinalagang marumi at hindi dapat kainin ayon sa tipang Kautusan. (Lev 11:13; Deu 14:12) Ang pangalang Hebreo nito (peʹres) ay literal na nangangahulugang “ang bumabali.” Sa paniwalang tumutukoy ito sa pagbali ng mga buto na ginagawa ng isang ibong maninila, isinalin ng King James Version ang peʹres bilang “ossifrage,” isang pangalang halaw sa Latin at nangangahulugang “nambabali ng buto.” Ipinapalagay naman ng iba na ang pangalang Hebreong ito ay nagpapahiwatig ng isang ibon na “lumuluray ng nasila nito,” at sa gayo’y hindi tumutukoy sa ibong nambabali ng mga buto.
Waring ang lawing-dagat (Pandion haliaëtus) ay kamag-anak ng lawin ngunit may ilang naiibang katangian, gaya ng mga paang hawig sa mga paa ng kuwago. Ang ulo at tuka ng lawing-dagat ay kahawig niyaong sa lawin. Ang katawan at mga pakpak nito ay matingkad na kayumanggi sa ibabaw at ang tiyan ay puti na may mga guhit na kayumanggi. Ito’y may haba na mga 65 sentimetro (26 na pulgada) at ang sukat ng nakabukang mga pakpak nito mula sa dulo’t dulo ay halos 1.8 m (6 na piye). Ang lawing-dagat ay matatagpuan sa buong daigdig at nakatira malapit sa malalaking katubigan, kung saan ito kumakain ng mga isdang lumalangoy malapit sa ibabaw ng tubig. Ang ibong ito’y sumasalimbay sa ibabaw ng tubig nang halos walang kahirap-hirap, anupat buong-husay na nagpapaikut-ikot at umaali-aligid hanggang sa makakita ng mabibiktima. Pagkatapos ay matulin itong bumubulusok, anupat buong-lakas na bumabagsak sa tubig na una ang paa, at kung minsa’y lumulubog pa nga sa ilalim. Nasasangkapan ito para sa ganitong uri ng pag-atake, palibhasa’y masinsin ang balahibo nito sa bandang tiyan kung kaya nakakayanan nito ang malakas na pagbagsak sa tubig, at ang mga kuko ng magagaspang na daliri nito ay mahahaba, nakakurba, at napakatalas, sa gayo’y nahahawakan nito nang mahigpit ang madulas na biktima nito. Ayon sa mga tagapagmasid, habang lumilipad ang lawing-dagat patungo sa baybayin tangay ang isda upang doon ito kainin, lagi nitong inihaharap sa unahan ang ulo ng isda upang mabawasan ang pagsalungat nito sa hangin. Ang lawing-dagat ay pangkaraniwan sa baybayin at sa mga pulo ng timugang Sinai.
Ang iba pang iminumungkahi para sa ibong tinutukoy ng Hebreong peʹres ay ang agilang-dagat (Haliaëtus albicilla, iba pa sa lawing-dagat) at ang lammergeier (Gypaetus barbatus), isang buwitre na kilalang tumatangay ng mga buto at mga pagong at pagkatapos ay ibinabagsak ang mga ito sa batuhan upang mabasag at mabuksan.
[Larawan sa pahina 193]
Ang lawing-dagat, isang ibon na hindi ipinahintulot kainin sa ilalim ng Kautusang Mosaiko