Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lazaro

Lazaro

[malamang na anyong Gr. ng pangalang Heb. na Eleazar, nangangahulugang “Ang Diyos ay Tumulong”].

1. Ang kapatid nina Marta at Maria; ang kaniyang pagkabuhay-muli ay isa sa namumukod-tanging mga himala ni Jesu-Kristo. (Ju 11:1, 2) Si Jesus ay may masidhing pag-ibig sa pamilyang ito na naninirahan sa Betania, “mga tatlong kilometro” mula sa Jerusalem sa daan na patungong Jerico. (Ju 11:5, 18, tlb sa Rbi8) Marahil ay madalas siyang pinatutuloy sa tahanan ng mga ito.​—Luc 10:38-42.

Ang magkapatid na babae ay nagpasabi kay Jesus, na noon ay nasa kabilang ibayo ng Ilog Jordan, na may malubhang sakit ang kanilang kapatid na si Lazaro. Tiyak na umaasa sila na pagagalingin ito ni Jesus. (Ju 11:3, 21, 32) Ngunit sa halip na pumaroon kaagad sa Betania, o pagalingin si Lazaro mula sa malayo, gaya sa kaso ng alilang lalaki ng isang opisyal ng hukbo (Mat 8:5-13), si Jesus ay nanatili sa kaniyang kinaroroonan nang dalawang araw pa. Nang malapit na siya sa Betania, sinalubong siya ni Marta at pagkatapos ay ni Maria. Pumanaw na si Lazaro at apat na araw nang patay.​—Ju 11:6, 17, 20, 30-32.

Habang nakikipag-usap kay Marta, sinamantala ni Jesus ang pagkakataon upang idiin ang pagkabuhay-muli. (Ju 11:23-27) Di-magtatagal at bibigyan niya ng higit na kahulugan ang kaniyang mga salita. Pagdating sa libingan o yungib na pinaglibingan kay Lazaro, ipinag-utos ni Kristo na alisin ang batong nakatakip sa pasukan nito. Pagkatapos, sa panalangin sa kaniyang makalangit na Ama, ipinakita ni Jesus na ang isang dahilan kung bakit nagaganap ang mga pangyayaring ito ay “upang maniwala sila [ang pulutong na naroroon] na isinugo mo ako.” (Ju 11:38-42) Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang patay na si Lazaro mula sa libingan, at lumabas ito, na tiyak na ikinamangha at ikinagalak ng mga naroroon.​—Ju 11:43, 44.

Bilang resulta ng himalang ito, marami ang nanampalataya kay Jesus, ngunit dahil din dito, nagpakana ang mga punong saserdote at mga Pariseo na patayin siya. Lalong nagalit ang mga punong saserdote nang ang isang malaking pulutong ng mga Judio ay pumaroon upang makita hindi lamang si Jesus kundi pati ang binuhay-muling si Lazaro. Dahil kay Lazaro, maraming Judio ang nanampalataya kay Jesus, kaya naman ang mga punong saserdote ay nagsanggunian na patayin din si Lazaro. (Ju 11:45-53; 12:1-11) Gayunman, walang katibayan sa Bibliya na isinagawa ng mga relihiyosong kaaway na ito ang kanilang masamang plano laban kay Lazaro.

Ang ulat ni Juan tungkol sa pagkabuhay-muli ni Lazaro ay tinuligsa ng ilang kritiko ng Bibliya. Itinatawag-pansin nila ang hindi pagbanggit ng ibang mga ulat ng Ebanghelyo sa pangyayaring ito. Gayunman, ipakikita ng pagsusuri sa iba’t ibang Ebanghelyo na hindi isinalaysay kahit ng mga manunulat ng mga sinoptikong Ebanghelyo ang lahat-lahat ng ginawa ni Jesus. Halimbawa, tanging si Lucas ang nag-ulat ng pagbuhay-muli sa anak ng balo ng Nain. (Luc 7:11-15) Hindi sa lahat ng pagkakataon ay inulit ni Juan kung ano ang iniulat ng iba. Ang isang kapansin-pansing halimbawa nito ay ang pagkabuhay-muli ni Lazaro.

Ang himalang ito ng pagkabuhay-muli ni Lazaro ay mahalagang bahagi ng ministeryo ni Jesus, kapuwa upang ipakita ang kapangyarihan ng Anak ng Diyos at upang pasidhiin ang pananampalataya sa kaniya at sa pagkabuhay-muli. (Ju 11:4, 41, 42) Maliwanag na nangyari ito malapit sa pasimula ng taóng 33 C.E. Walang ibinigay na impormasyon ang Kasulatan tungkol sa mga kalagayan, lugar, o panahon ng kamatayan ni Lazaro pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli.​—Tingnan ang PAGKABUHAY-MULI (Mga pagkabuhay-muli bago ibinigay ang pantubos).

Walang pangungusap sa Bibliya o anumang dahilan upang iugnay ang Lazarong ito sa pulubi sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro.

2. Ang pangalang ibinigay sa pulubi sa ilustrasyon ni Jesus na karaniwang tinatawag na ang talinghaga tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro. (Luc 16:19-31) Sa Vulgate ang salitang “mayaman” ay isinalin sa pang-uring Latin na dives, na madalas ay may-kamaliang ginagamit bilang pangalang pantangi para sa taong mayaman. Gayunman, ang pangalang Judio na Lazaro ay karaniwan noong sinaunang mga panahon, na pinatototohanan ng mga inskripsiyon sa mga imbakan ng buto ng patay.

Sa talinghaga, ang pulubing punô ng mga sugat, si Lazaro, ay inilagay sa pintuang-daan ng taong mayaman at nagnanasang mapakain ng mga bagay na nahuhulog mula sa saganang mesa ng taong mayaman. Nang maglaon ay namatay si Lazaro at dinala ng mga anghel sa dakong dibdib ni Abraham (isang dako na gaya niyaong kinalalagyan ng isang tao noong sinaunang mga panahon kapag nakahilig siya sa harap ng iba sa iisang higaan sa panahon ng kainan). Nakipag-usap si Abraham sa taong mayaman, na namatay rin, inilibing, at nasa Hades, anupat dumaranas ng mga pagpapahirap. “Isang malaking agwat” na hindi matatawid ang nasa pagitan ng taong mayaman at nina Abraham at Lazaro. Nang hilingin ng taong mayaman kay Abraham na isugo si Lazaro sa kaniyang limang kapatid upang ‘makapagpatotoo sa kanila nang lubusan,’ sa pag-asang mailigtas sila sa gayunding karanasan, tinanggihan ito sa dahilang taglay ng mga ito sina “Moises at ang mga Propeta,” at, kung ayaw nilang makinig sa mga iyon, “hindi rin naman sila mahihikayat kung may isang bumangon mula sa mga patay.”​—Tingnan ang ILUSTRASYON, MGA.

Ibinatay ba ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro sa rabinikong mga paniniwala may kinalaman sa mga patay?

Sa ilang kaso, sinasabi ng mga guro at mga estudyante ng paghahambing sa mga relihiyon na ibinatay ni Jesu-Kristo ang ilustrasyong ito sa sinaunang rabinikong ideya at turo may kinalaman sa daigdig ng mga patay. Binanggit ni Josephus ang sumusunod na impormasyon hinggil sa umiiral na pangmalas noon ng mga Pariseo sa bagay na ito: “Naniniwala sila na ang mga kaluluwa ay nakaliligtas sa kamatayan at na sa ilalim ng lupa ay may mga gantimpala at mga kaparusahan para sa mga namuhay nang mabuti o masama: walang-hanggang pagkabilanggo ang kahihinatnan ng masasamang kaluluwa, samantalang ang mabubuting kaluluwa naman ay maalwang makatatawid tungo sa panibagong buhay.” (Jewish Antiquities, XVIII, 14 [i, 3]) Gayunman, tahasang tinanggihan ni Jesus ang mga bulaang turo, kabilang na yaong sa mga Pariseo. (Mat 23) Kaya naman tiyak na hindi niya gagamitin sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro ang bulaang rabinikong ideya tungkol sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, dapat ipalagay na ang nasa isip ni Jesus ay ang katuparan ng ilustrasyon at na binuo niya ang mga detalye at salaysay nito kaayon ng mga katotohanan ng katuparan sa halip na ayon sa anumang di-makakasulatang turo.

Malinaw na ipinakikita ng konteksto at ng pananalita ng kuwento na isa itong talinghaga at hindi isang tunay na pangyayari. Hindi nito pinupuri ang karalitaan, ni hinahatulan man ang kayamanan. Sa halip, maliwanag na ang tinutukoy nito ay ang paggawi, ang pangwakas na mga gantimpala, at ang pagbabago ng espirituwal na katayuan, o kalagayan, niyaong inilalarawan ni Lazaro at ng taong mayaman. Ipinakikita rin ng pagtanggi ng mga kapatid ng taong mayaman kay Moises at sa mga propeta na ang ilustrasyon ay may mas malalim na kahulugan at layunin kaysa basta paghaharap lamang ng kaibahan ng karalitaan at ng pagtataglay ng kayamanan.