Lea
[posibleng kaugnay ng salitang Akkadiano na nangangahulugang “baka,” o ng salitang Arabe na nangangahulugang “bakang gubat”].
Ang nakatatandang anak na babae ni Laban, na apo ni Abraham sa pamangkin. Si Laban ay kapatid ni Rebeka, na ina ni Jacob, kaya si Lea ay pinsan ni Jacob. (Gen 22:20-23; 24:24, 29; 29:16) Si Lea ay hindi kasingganda ng kaniyang nakababatang kapatid na si Raquel; pantanging itinawag-pansin na ang kaniyang mga mata ay walang kinang, o malamlam (matamlay). (Gen 29:17) Sa kaso ng mga babaing taga-Silangan, ang maniningning o makikinang na mata ay partikular na itinuturing na nagpapabanaag ng kagandahan.—Ihambing ang Sol 1:15; 4:9; 7:4.
Si Lea ang naging unang asawa ni Jacob sapagkat, noong gabi ng kasal, dinaya ni Laban si Jacob nang ibigay niya rito si Lea bilang asawa sa halip na si Raquel, na siyang iniibig ni Jacob. Nagreklamo si Jacob na nilinlang siya ni Laban, ngunit nangatuwiran ito na hindi kaugalian sa dakong iyon na ibigay sa pag-aasawa ang nakababatang anak na babae bago ang panganay. Malamang na nakatalukbong si Lea, kaayon ng sinaunang kaugalian sa Silangan na lagyan ng makapal na talukbong ang babaing ikakasal, at tiyak na nakatulong ito upang magtagumpay ang pakana. Naglingkod si Jacob nang pitong taon para ibigay sa kaniya si Raquel, ngunit si Lea ang Gen 29:18-28.
tinanggap niya para sa pagpapagal na iyon. Ipinagkaloob sa kaniya si Raquel matapos niyang ipagdiwang ang sanlinggo ng pitong araw sa piling ni Lea, ngunit kinailangan niyang magtrabaho nang pitong taon pa upang makapagbayad siya para kay Raquel.—Sinasabi ng ulat na si Lea ay “kinapopootan.” (Gen 29:31, 33) Ngunit binabanggit din nito na, nang makuha na ni Jacob si Raquel nang dakong huli, ‘nagpamalas siya ng higit na pag-ibig kay Raquel kaysa kay Lea.’ (Gen 29:30) Tiyak na hindi nagtaglay si Jacob ng mapait na pagkapoot kay Lea kundi mas mahal niya si Raquel bilang kaniyang paboritong asawa. Patuloy niyang pinangalagaan si Lea at sinipingan ito. Kaya ang pagiging “kinapopootan” ni Lea ay nangangahulugan lamang na mas kaunti ang pag-ibig ni Jacob sa kaniya kaysa kay Raquel.—Tingnan ang POOT.
Si Lea ang ina ng pito sa mga anak ni Jacob, ang kaniyang anim na anak na lalaki na sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, at Zebulon at isang anak na babae, si Dina. (Gen 29:32-35; 30:16-21) Kaya naman sa Ruth 4:11 ay binabanggit si Lea, kasama ni Raquel, bilang isa sa mga “nagtayo ng sambahayan ni Israel.” Naging isang karangalan ni Lea ang magsilang kay Levi, na pinagmulan ng makasaserdoteng tribo ng Israel, at kay Juda, na naging ama ng maharlikang tribo ng bansa.
Si Lea at ang kaniyang mga anak ay kasama ni Jacob nang ito’y lumisan sa Padan-aram at bumalik sa Canaan, ang lupaing sinilangan nito. (Gen 31:11-18) Bago salubungin ni Jacob si Esau patungo roon, bilang pagsasanggalang ay binaha-bahagi niya ang mga bata kina Lea at Raquel at sa kanilang mga alilang babae, anupat inilagay ang mga alilang babae at ang kanilang mga anak sa pinakaunahan, kasunod si Lea at ang kaniyang mga anak, at sina Raquel at Jose ang nasa hulihan nila. (Gen 33:1-7) Ang mga anak ni Lea ay sumama kay Jacob sa Ehipto, ngunit hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya na sumama rin si Lea. (Gen 46:15) Hindi binanggit ang panahon, lugar, at sanhi ng kamatayan ni Lea, ngunit maaaring namatay siya sa Canaan. Anuman ang naging kalagayan, inilibing siya ni Jacob sa dakong libingan ng pamilya, ang yungib na nasa parang ng Macpela. Ipinakikita ng mga tagubilin ni Jacob may kinalaman sa kaniyang sariling labí na nais niyang ilibing siya sa pinaglibingan kina Abraham at Sara, Isaac at Rebeka, at Lea.—Gen 49:29-32.