Lebadura
Isang substansiyang inihahalo sa masa bilang pampaalsa o sa mga likido bilang pampakasim, pantanging tumutukoy sa isang piraso ng pinakasim na masa na itinabi para sa pagluluto ng tinapay. Ganitong uri ng pampaalsa ang tinutukoy ng salitang Hebreo na seʼorʹ (“pinaasim na masa”; Exo 12:15) at ng salitang Griego na zyʹme (“lebadura”; Luc 13:21). Isang bagay na may lebadura naman ang tinutukoy ng salitang Hebreo na cha·metsʹ.—Lev 2:11.
Ang alak, na pinakasim na katas ng ubas o ng iba pang prutas, ay matagal nang kilala ng mga tao. Sabihin pa, kumakasim ang alak kahit hindi ito haluan ng lebadura.
Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay gumagawa ng serbesa, na nangangailangan ng pampaasim, at nagluluto sila kapuwa ng tinapay na may lebadura at walang lebadura. Malamang na pamilyar ang mga Hebreo sa “serbesang trigo.” (Isa 1:22; Os 4:18, NW; Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 646) Maaaring ang likas na yeast na nakukuha mula sa mga espora ng ilang halamang-singaw ang isa sa mga nagsilbing pampaasim o pampaalsa sa mga produktong ito. Sa Ehipto ay may nahukay na buhaghag na mga tinapay na may patay na mga selula ng yeast. Sinasabi ring gumamit ang mga Ehipsiyo ng natron (sodium carbonate) sa paggawa ng tinapay. Bagaman hindi nakapagpapaalsa ang sodium carbonate na gaya ng nagagawa ng pinaasim na masa, lumilikha naman ito ng mga bula na siyang nagpapaumbok sa tinapay. Sa Ehipto, gaya rin sa Israel, waring ang pangunahing kaugalian sa paggawa ng tinapay ay ang pagtatabi ng kaunting piraso ng masa, anupat hinahayaan itong kumasim, at ang pinaasim na masang ito ay ginagamit bilang lebadura para sa isang bagong masa.
Sa Kautusan ng Diyos sa Israel. Ang handog na mga butil na ihahandog at pararaanin ng mga Israelita sa apoy para kay Jehova ay hindi gagawing “bagay na may lebadura.” (Lev 2:11) Gayunman, maaaring gamitin ang lebadura may kaugnayan sa mga handog na pansalu-salo bilang pasasalamat, na kusang-loob na inihahain ng naghandog taglay ang espiritu ng pasasalamat dahil sa maraming pagpapala ni Jehova. Dapat na maging isang masayang kainan iyon; karaniwan na, tinapay na may lebadura ang kinakain sa maliligayang okasyon. Kasama ng karne (samakatuwid nga, ng hayop) na inihandog, pati ng mga tinapay na walang pampaalsa, magdadala siya ng mga tinapay na hugis-singsing na tinapay na may lebadura, anupat hindi ilalagay sa ibabaw ng altar ang mga ito kundi kakainin ng naghandog at ng nanunungkulang saserdote.—Lev 7:11-15.
Sa araw ng Pentecostes, kapag naghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ng trigo, ikinakaway ng mataas na saserdote sa harap ni Jehova ang dalawang tinapay na trigo na may lebadura. (Lev 23:15-21) Kapansin-pansin na noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., ang unang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano, samakatuwid nga, ang mga alagad ni Jesu-Kristo na mula sa mga Judio, ay pinahiran ng banal na espiritu. Bilang ang dakilang Mataas na Saserdote ni Jehova, naiharap noon ni Jesu-Kristo sa Diyos ang una sa kaniyang mga kapatid na inianak sa espiritu. Ang mga ito ay mula sa makasalanang sangkatauhan. (Gaw 2:1-4, 41) Pagkaraan ng mga tatlong taon at apat na buwan, ang unang di-tuling mga Gentil na nakumberte sa Kristiyanismo, si Cornelio at ang kaniyang sambahayan, ay pinahiran ng banal na espiritu, sa gayon ay iniharap sila sa Diyos. Nagmula rin ang mga ito sa makasalanang sangkatauhan.—Gaw 10:24, 44-48; Ro 5:12.
Idinaraos ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw pagkatapos ng araw ng Paskuwa, samakatuwid nga ay sa Abib, o Nisan, 15-21. Sa mga araw na iyon, walang anumang may lebadura o anumang pinaasim na masa ang dapat masumpungan sa mga bahay ng mga Israelita o ‘makita’ sa kanila. (Exo 12:14-20; 13:6, 7; 23:15) Ipinaalaala nito sa kanila ang mabilisang pagliligtas sa kanila ng kamay ni Jehova mula sa Ehipto, noong pagkakataong wala na silang panahong pakasimin ang kanilang mga masa dahil sa pagmamadali anupat dinala na lamang nila ang mga iyon kasama ng kanilang mga masahan.—Exo 12:34.
Makasagisag na Kahulugan. Sa Bibliya, kadalasan nang ginagamit ang “lebadura” upang tumukoy sa kasalanan o kasamaan. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo,” at, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na siyang pagpapaimbabaw.” Noong una ay hindi naintindihan ng mga alagad na gumagamit si Jesus ng isang sagisag, ngunit nang dakong huli ay naunawaan nilang binababalaan niya sila na mag-ingat laban sa huwad na doktrina at sa mapagpaimbabaw na mga gawain, samakatuwid nga, sa “turo ng mga Pariseo at mga Saduceo” na may nakasasamang epekto. (Mat 16:6, 11, 12; Luc 12:1) Binanggit din niya si Herodes (maliwanag na kasama rin yaong mga tagasunod sa partido nito) sa isa sa kaniyang mga babala, anupat sinabi: “Maging mapagmasid kayo, mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” (Mar 8:15) Buong-tapang na tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo bilang mga mapagpaimbabaw yamang panlabas na pagtatanghal ang kanilang ikinababahala. (Mat 23:25-28) Itinawag-pansin niya ang maling punto de vista ng mga Saduceo hinggil sa doktrina. Inilantad niya ang pagpapaimbabaw at kataksilan sa pulitika ng mga tagasunod sa partido ni Herodes.—Mat 22:15-21; Mar 3:6.
Gayunding sagisag ang ginamit ng apostol na si Pablo nang utusan niya ang kongregasyong Kristiyano sa Corinto na itiwalag nila ang isang lalaking imoral mula sa kongregasyon, anupat sinabi niya: “Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak? Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo ay maging isang bagong limpak, yamang sa inyo ay walang pampaalsa. Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na.” Pagkatapos ay nilinaw niya kung ano ang “lebadura” na tinutukoy niya: “Dahil dito ay ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.” (1Co 5:6-8) Dito ay humalaw si Pablo sa makalarawang kahulugan ng Judiong Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, na kasunod mismo ng pagdiriwang ng Paskuwa. Kung paanong sa di-kalaunan ay umaalsa ang buong limpak, o masa, ng tinapay dahil sa katiting na pinaasim na masa, ang kongregasyon din bilang isang kalipunan ay magiging marumi sa paningin ni Jehova kung hindi nila aalisin ang nakasasamang impluwensiyang ito ng taong imoral. Dapat silang kumilos upang maalis sa gitna nila ang “lebadura” na ito, kung paanong hindi dapat magkaroon ng lebadura sa mga bahay ng mga Israelita kapag panahon ng kapistahang iyon.
Maging sa kaisipan ng sinaunang mga tao na hindi Hebreo, ang lebadura ay nauugnay sa kasamaan. Halimbawa, tinukoy ito ni Plutarch, isang Griegong biyograpo, bilang “produkto rin mismo ng kasamaan, at lumilikha ng kasamaan sa masa na hinaluan nito.”—Moralia, IV, “The Roman Questions,” 109.
Noong mga araw ni Amos, may-kabalintunaang sinabi ni Jehova sa sumasalansang na Israel: “Mula sa bagay na may lebadura ay magpausok kayo ng haing pasasalamat, at magtanyag kayo ng mga kusang-loob na handog.” (Am 4:5) Dito, sinasabi sa kanila ng Diyos na ang pagsamba nila sa Bethel at sa Gilgal ay pawang pagsalansang sa kaniya, kaya sa diwa ay lubus-lubusin na nila ang kanilang ginagawa at maghandog sila sa ibabaw ng altar kapuwa ng tinapay na may lebadura at walang lebadura. Wala na ring kabuluhan ang lahat ng iyon sapagkat nagsasagawa sila ng idolatriya.