Leon
[sa Heb., ʼar·yehʹ; ʼariʹ; la·viʼʹ; laʹyish; shaʹchal (batang leon); kephirʹ (may-kilíng na batang leon); levi·yaʼʹ (babaing leon); sa Aramaiko, ʼar·yehʹ; sa Gr., leʹon].
Isang malaki at kulay kayumangging manilaw-nilaw na mamalya na kabilang sa pamilya ng pusa. Mahaba ang buntot nito at may nakatungkos na balahibo sa dulo niyaon. Nagsisimulang tumubo ang natatanging makapal na kilíng ng lalaking leon kapag ito’y mga tatlong taóng gulang na. Bagaman naglaho na sa Palestina, napakaraming leon doon noong sinaunang panahon. Noon ay matatagpuan ang mga ito sa Kabundukan ng Anti-Lebanon (Sol 4:8), sa mga palumpungan sa kahabaan ng Jordan (Jer 49:19; 50:44; Zac 11:3), at sa “lupain ng kabagabagan at mahihirap na kalagayan,” samakatuwid nga, ang ilang sa dakong T ng Juda.—Isa 30:6; ihambing ang Deu 8:15.
May mga panahon na kinailangang ipagsanggalang ng mga pastol ang kawan laban sa mga leon. Minsan, lakas-loob na pinabagsak ni David ang isang leon at sinagip niya ang tupang kinuha nito. (1Sa 17:34, 35) Gayunman, bihirang mangyari ito. Kalimita’y hindi kayang bugawin kahit ng “hustong bilang ng mga pastol” ang isang may-kilíng na batang leon. (Isa 31:4) Kung minsan, isang parte na lamang ng alagang hayop ang nababawi ng pastol mula sa bibig ng leon (Am 3:12), sa gayo’y mayroon siyang maihaharap na katibayan para hindi siya pagbayarin.—Exo 22:13.
Bagaman sina David, Samson, at Benaias ay pare-parehong pumatay ng mga leon (Huk 14:5, 6; 1Sa 17:36; 2Sa 23:20), may mga iba naman na hindi nakatakas sa mga kuko ng leon. (2Ha 17:25, 26) Gumamit si Jehova ng mga leon upang ilapat ang kaniyang kahatulan sa isang propeta na sumuway sa kaniya (1Ha 13:24-28) at sa isang lalaki na ayaw makipagtulungan sa isa sa Kaniyang mga propeta.—1Ha 20:36.
Paulit-ulit na tinutukoy ng Kasulatan ang mga katangian at mga ugali ng leon, pati na ang dumadagundong na pag-ungal at pag-ungol nito. (Kaw 19:12; 20:2; Am 3:4, 8) Kadalasa’y hindi umuungal ang leon kapag naninila ng maiilap na hayop. Gayunman, kapag nambibiktima ng mga alagang hayop na nasa kulungan, kalimita’y uungal ito. Dahil sa nakapangingilabot na ingay, ang mga hayop ay magpapanakbuhan, masisira ang pananggalang na bakod, at mapapahiwalay sa kawan ang indibiduwal na mga hayop. Mahusay ang paglakad ng leon. (Kaw 30:29, 30) Kilalang-kilala ang lakas nito. (Huk 14:18; Kaw 30:30) Ang isang hampas ng malakas na pangalmot ng leon ay makababali ng leeg ng isang maliit na antilope. Kayang patayin at dalhin ng leon ang mga hayop na mas malalaki sa kaniya, at ang maiikli at malalakas na panga nito ay may matitibay na ngiping makababasag ng malalaking buto. (Aw 58:6; Joe 1:6; Isa 38:13) Hindi kataka-taka na ang taong tamad ay inilalarawang nagdadahilan kung bakit hindi siya kumikilos, sa pagsasabing: “May leon sa labas!” (Kaw 22:13; 26:13) Gayunman, palibhasa’y karne ang kinakain, maaaring mamatay ang mga leon dahil sa kawalan ng masisila. (Job 4:11; tingnan din ang Aw 34:10.) At “ang buháy na aso [bagaman hinahamak] ay mas mabuti pa kaysa sa [dating maringal ngunit ngayon ay] patay na leon.”—Ec 9:4.
Sa maghapon, karaniwang natutulog ang leon sa lungga nito at sa gabi ito naninila. Sa paghahanap ng makakain, mananambang ito o kaya nama’y palihim na susundan ang kaniyang biktima hanggang sa makalapit siya at maabutan ito sa maikling habulan. (Job 38:39, 40; Aw 10:9; Pan 3:10) Pagkatapos ay kaya niyang dumaluhong sa bilis na mga 65 km/oras (40 mi/oras). Upang matutong pumatay ng nasila, ang mga anak ng leon ay nagsisimulang sumama sa kanilang ina sa paninila kapag tatlong buwan na sila. Inaawat sila sa suso pagkaraan ng anim o pitong buwan, sumasapit sa seksuwal na pagkamaygulang sa kanilang ikaapat na taon, at umaabot sa hustong laki ng katawan sa anim na taon.—Eze 19:2, 3.
Matagal nang nanghuhuli ng mga leon ang tao. Mga hukay at mga lambat ang ginagamit upang mabihag sila. (Eze 19:3, 4, 9) Sa sinaunang Asirya, ang panghuhuli ng mga leon ay isang paboritong isport ng monarka. Habang nakasakay sa kabayo o sa kaniyang karo, ang hari, na nasasandatahan ng busog at mga palaso, ay nanunugis ng mga leon.—LARAWAN, Tomo 1, p. 955.
Noong sinauna, ginamit ang gutóm na mga leon sa paglalapat ng kaparusahang kamatayan. Nakaligtas ang propetang si Daniel sa kahihinatnang ito dahil ipinagsanggalang siya ng anghel ni Jehova. (Dan 6:16, 17, 22, 24; ihambing ang Heb 11:33.) Noong unang siglo C.E., ang apostol na si Pablo ay iniligtas mula sa “bibig ng leon,” maaaring sa literal o kaya’y sa makasagisag na paraan.—2Tim 4:17.
Ginamit na Palamuti at Sagisag. Napapalamutian ng nililok na mga leon ang mga panggilid na dingding ng mga karwaheng tanso na nakatalagang gamitin sa templo. (1Ha 7:27-36) Sa mga baytang paakyat sa trono ni Solomon, nakahanay ang mga estatuwa ng 12 leon bukod pa sa dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng braso. (1Ha 10:19, 20) Ang templong nakita ni Ezekiel sa pangitain ay napapalamutian ng mga kerubin na may dalawang mukha, ang isa ay mukha ng tao at ang isa naman ay mukha ng may-kilíng na batang leon.—Eze 41:18, 19.
Karamihan sa mga pagtukoy ng Kasulatan sa leon ay makasagisag, o makatalinghaga. Ang buong bansang Israel (Bil 23:24; 24:9), ang tribo ni Juda (Gen 49:9) at ang tribo ni Gad (Deu 33:20), ay makahulang inihalintulad sa mga leon, na sumasagisag sa pagiging di-malulupig at sa lakas ng loob sa matuwid na pakikipagdigma. (Ihambing ang 2Sa 17:10; 1Cr 12:8; Kaw 28:1.) Inihahalintulad ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang leon kapag naglalapat siya ng kahatulan sa kaniyang di-tapat na bayan. (Os 5:14; 11:10; 13:7-9) Ang pangunahing opisyal ng hukuman ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay “ang Leon na mula sa tribo ni Juda.” (Apo 5:5) Samakatuwid, angkop nga na ang leon, bilang sagisag ng may lakas-loob na katarungan, ay iniuugnay sa presensiya at trono ni Jehova.—Eze 1:10; 10:14; Apo 4:7.
Aw 10:9), sa mga taong sumasalansang kay Jehova at sa kaniyang bayan (Aw 22:13; 35:17; 57:4; Jer 12:8), sa mga bulaang propeta (Eze 22:25), sa balakyot na mga tagapamahala at mga prinsipe (Kaw 28:15; Zef 3:3), sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya (Dan 7:4), at kay Satanas na Diyablo (1Pe 5:8). Ang mabangis na hayop na umaahon sa dagat at may pitong ulo at sampung sungay, na ang awtoridad ay nanggaling kay Satanas, ay inilarawang may bibig ng leon. (Apo 13:2) Sa Awit 91:13, waring ang leon at ang kobra ay tumutukoy sa kapangyarihan ng kaaway, anupat ang leon ay sumasagisag sa harapang pagsalakay at ang kobra naman ay sa pailalim na pagpapakana, o mga pagsalakay mula sa kubling dako.—Ihambing ang Luc 10:19; 2Co 11:3.
Dahil ang leon ay mabangis, ganid, at mapanila, ginagamit din ito upang kumatawan sa mga balakyot (Nang panahong bumalik ang mga Israelita sa kanilang sariling lupain noong 537 B.C.E., maliwanag na ipinagsanggalang sila ni Jehova mula sa mga leon at iba pang ganid na mga hayop sa daan. (Isa 35:8-10) Sa lupaing iyon, tiyak na dumami ang mga leon at iba pang mga hayop na maninila noong panahon ng 70-taóng pagkatiwangwang niyaon. (Ihambing ang Exo 23:29.) Ngunit maliwanag na dahil sa pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan, ang mga Israelita at ang kanilang mga alagang hayop ay hindi nasila ng mga leon di-tulad ng mga taong banyaga na pinamayan ng hari ng Asirya sa mga lunsod ng Samaria. (2Ha 17:25, 26) Kaya naman, sa pangmalas ng mga Israelita, waring ang leon ay kumakain ng dayami gaya ng toro, samakatuwid nga, hindi nananakit sa kanila o sa kanilang mga alagang hayop. (Isa 65:18, 19, 25) Gayunman, sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyas, magkakaroon ng mas malaking katuparan ang mga hula ng pagsasauli. Ang mga tao na maaaring noong una ay may disposisyong ganid, makahayop at mabalasik ay magkakaroon ng pakikipagpayapaan sa mas maaamong kapuwa-tao at hindi maghahangad na saktan o pinsalain ang mga ito. Kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga diwa, iiral ang kapayapaan sa pagitan ng mga leon at ng mga alagang hayop.—Isa 11:1-6; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.