Levi
[Pagkapit; Lumakip].
1. Ikatlong anak ni Jacob sa kaniyang asawang si Lea, ipinanganak sa Padan-aram. (Gen 35:23, 26) Nang ipanganak ito ay sinabi ni Lea: “Sa pagkakataong ito ay lalakip na ngayon sa akin ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalaki.” Kaya ang bata ay tinawag na Levi, anupat ang kahulugan ng pangalang ito ay maliwanag na nauugnay sa pangarap ni Lea na magkaroon ng bagong buklod ng pagmamahalan sa pagitan nila ni Jacob. (Gen 29:34) Naging anak ni Levi sina Gerson (Gersom), Kohat, at Merari, mga pinagmulan ng tatlong pangunahing pangkat ng mga Levita.—Gen 46:11; 1Cr 6:1, 16.
Si Levi, kasama ang kaniyang kapatid na si Simeon, ay gumawa ng marahas na pagkilos laban sa mga lumapastangan sa kanilang kapatid na si Dina. (Gen 34:25, 26, 31) Ang pagpapamalas na ito ng matinding galit ay isinumpa ni Jacob, na humula na ang mga inapo ni Levi ay pangangalatin sa Israel, isang hula na natupad nang ang mga Levita ay ipangalat sa 48 Levitang lunsod na nasa mga teritoryo ng iba’t ibang tribo ng Israel sa lupain ng Canaan. (Gen 49:7; Jos 21:41) Si Levi ay sumama kay Jacob sa Ehipto at namatay roon sa edad na 137.—Exo 1:1, 2; 6:16; tingnan ang LEVITA, MGA.
2. Isang ninuno ni Jesu-Kristo na tinutukoy bilang “anak ni Symeon” sa talaangkanan ni Jesus na iniulat ni Lucas. Nakatala siya sa linya sa pagitan nina David at Zerubabel.—Luc 3:27-31.
3. Ang “anak ni Melqui,” na ikalawang tao na nauna kay Heli (ama ni Maria) sa talaangkanan ni Jesus ayon kay Lucas.—Luc 3:23, 24.
4. Isang maniningil ng buwis (Mar 2:14; Luc 5:27, 29) na naging isang apostol ni Jesu-Kristo at nakilala rin bilang Mateo.—Mat 9:9; 10:2-4; tingnan ang MATEO.