Levitico
Ang ikatlong aklat ng Pentateuch, na naglalaman ng mga kautusan mula sa Diyos tungkol sa mga hain, kadalisayan, at iba pang mga bagay na nauugnay sa pagsamba kay Jehova. Ang Levitikong pagkasaserdote, sa pagganap sa mga tagubilin para rito, ay nag-ukol ng sagradong paglilingkod bilang “isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay.”—Heb 8:3-5; 10:1.
Yugtong Saklaw. Hindi lalampas sa isang buwan ang yugtong sinaklaw ng mga pangyayari sa aklat. Ang kalakhang bahagi ng Levitico ay naglalaman ng mga ordinansa ni Jehova sa halip na mga salaysay ng iba’t ibang pangyayari sa isang mahabang yugto ng panahon. Binabanggit sa huling kabanata ng Exodo, ang aklat na sinundan ng Levitico, na itinayo ang tabernakulo noong unang araw ng unang buwan nang ikalawang taon ng paglisan ng Israel mula sa Ehipto. (Exo 40:17) Pagkatapos, ang aklat naman ng Mga Bilang (na kasunod mismo ng ulat ng Levitico), sa unang mga talata nito (1:1-3), ay nagsisimula sa utos ng Diyos hinggil sa pagkuha ng isang sensus, na ibinigay kay Moises “noong unang araw ng ikalawang buwan nang ikalawang taon ng kanilang paglabas mula sa lupain ng Ehipto.”
Kung Kailan at Saan Isinulat. Makatuwirang ipalagay na isinulat ang aklat noong 1512 B.C.E., sa ilang ng Sinai. Pinatutunayan ng mga pagtukoy ng Levitico hinggil sa buhay sa kampo na talagang isinulat ito sa ilang.—Lev 4:21; 10:4, 5; 14:8; 17:1-5.
Manunulat. Ang lahat ng nabanggit na katibayan ay nakatutulong din upang matukoy si Moises bilang ang manunulat ng aklat. Tinanggap niya ang impormasyon mula kay Jehova (Lev 26:46), at nagtapos ang aklat sa ganitong mga salita: “Ito ang mga utos na ibinigay ni Jehova kay Moises bilang mga utos sa mga anak ni Israel sa Bundok Sinai.” (27:34) Bukod diyan, ang Levitico ay bahagi ng Pentateuch, na kinikilala ng karamihan na isinulat ni Moises. Hindi lamang ang pambungad ng Levitico na “At . . . ” ang nagpapahiwatig na nauugnay ito sa Exodo, at samakatuwid ay pati sa iba pang bahagi ng Pentateuch, kundi maging ang paraan ng pagtukoy rito ni Jesu-Kristo at ng mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatan ay nagpapakitang alam nilang ito’y isinulat ni Moises at tunay na bahagi ng Pentateuch. Halimbawa, tingnan ang pagtukoy ni Kristo sa Levitico 14:1-32 (Mat 8:2-4), ang pagtukoy ni Lucas sa Levitico 12:2-4, 8 (Luc 2:22-24), at ang pag-uulit ni Pablo sa Levitico 18:5 gamit ang ibang pananalita (Ro 10:5).
Dead Sea Leviticus Scrolls. Siyam sa mga manuskritong natagpuan sa Dagat na Patay ang naglalaman ng mga piraso ng aklat ng Levitico. Ang apat sa mga ito, na pinaniniwalaang mula pa noong 125 hanggang 75 B.C.E., ay isinulat sa sinaunang mga titik Hebreo na ginamit bago ang pagkatapon sa Babilonya.
Kahalagahan ng Aklat. Nangako ang Diyos sa Israel na kung susundin nila ang kaniyang tinig, sila ay magiging “isang kaharian ng mga saserdote sa [kaniya] at isang banal na bansa.” (Exo 19:6) Ang aklat ng Levitico ay naglalaman ng rekord hinggil sa pagtatalaga ng Diyos ng isang pagkasaserdote para sa kaniyang bansa at sa pagbibigay niya sa kanila ng mga batas na tutulong sa kanila na manatiling banal sa kaniyang paningin. Bagaman ang Israel ay isa lamang makalarawang “banal na bansa” ng Diyos, na may mga saserdoteng “nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay” (Heb 8:4, 5), kung susundin nila ang kautusan ng Diyos, pananatilihin sila nitong malinis at nakahanay na maging mga miyembro ng kaniyang espirituwal na “maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa.” (1Pe 2:9) Ngunit dahil naging masuwayin ang karamihan sa kanila, naiwala ng Israel ang pribilehiyong pagmulan ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kaharian ng Diyos, gaya ng sinabi ni Jesus sa mga Judio. (Mat 21:43) Gayunpaman, ang mga kautusang nakatala sa aklat ng Levitico ay naging lubhang kapaki-pakinabang sa mga nagbigay-pansin sa mga iyon.
Ang mga kautusan hinggil sa kalinisan at pagkain, gayundin ang mga tuntunin tungkol sa kalinisang-asal sa sekso, ay nagsilbing pananggalang nila laban sa sakit at kalisyaan. (Lev kab 11-15, 18) Gayunman, pantangi silang nakinabang sa mga kautusang ito sa espirituwal na paraan, sapagkat nakatulong ang mga ito upang maging pamilyar sila sa banal at matuwid na mga daan ni Jehova at upang maiayon nila ang kanilang buhay sa Kaniyang mga daan. (11:44) Karagdagan pa, ang mga tuntuning nakatala sa aklat na ito ng Bibliya, bilang bahagi ng Kautusan, ay nagsilbing tagapagturo na umakay sa mga mananampalataya tungo kay Jesu-Kristo, ang dakilang Mataas na Saserdote ng Diyos at ang isa na inilarawan ng napakaraming hain na inihandog alinsunod sa Kautusan.—Gal 3:19, 24; Heb 7:26-28; 9:11-14; 10:1-10.
Ang aklat ng Levitico ay napakahalaga pa rin sa ngayon sa lahat ng nais maglingkod kay Jehova sa kaayaayang paraan. Tunay na nakapagpapatibay ng pananampalataya na pag-aralan ang katuparan ng iba’t ibang bahagi nito may kaugnayan kay Jesu-Kristo, sa haing pantubos, at sa kongregasyong Kristiyano. Bagaman totoo na wala sa ilalim ng tipang Kautusan ang mga Kristiyano (Heb 7:11, 12, 19; 8:13; 10:1), ang mga tuntuning nakatala sa aklat ng Levitico ay nagbibigay sa kanila ng kaunawaan hinggil sa pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay. Samakatuwid, ang aklat ay hindi basta paglalahad ng nakababagot at di-praktikal na mga detalye, kundi isang kapaki-pakinabang na mapagkukunan ng impormasyon. Sa pamamagitan ng pagkuha ng kaalaman hinggil sa kung paano minamalas ng Diyos ang iba’t ibang bagay, na ang ilan ay hindi espesipikong sinaklaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, matutulungan ang isang Kristiyano na iwasan yaong hindi kalugud-lugod sa Diyos at gawin yaong kalugud-lugod sa Kaniya.
[Kahon sa pahina 206]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG LEVITICO
Ang mga kautusan ng Diyos, lalo na may kinalaman sa paglilingkod ng mga saserdote sa Israel; para sa kapakinabangan ng bansa sa kabuuan, idiniin ang kalubhaan ng kasalanan at ang kahalagahan ng pagiging banal sapagkat banal si Jehova
Isinulat ni Moises noong 1512 B.C.E., samantalang nagkakampo ang Israel sa Bundok Sinai
Ang Aaronikong pagkasaserdote ay itinalaga at nagsimula nang gumana
Isinagawa ni Moises ang pitong-araw na pagtatalaga (8:1-36)
Noong ikawalong araw, nagsimula nang gumana ang pagkasaserdote; ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kaniyang kaluwalhatian at pagtupok sa handog na nasa altar (9:1-24)
Nilipol ni Jehova sina Nadab at Abihu dahil sa paghahandog ng kakaibang apoy; pagkatapos nito, ipinagbawal ang pag-inom ng mga inuming de-alkohol kapag naglilingkod sa santuwaryo (10:1-11)
Binalangkas ang mga kahilingan para sa mga maglilingkod bilang saserdote; ibinigay ang mga tuntunin tungkol sa pagkain ng bagay na banal (21:1–22:16)
Ang paghahandog ng mga hain upang mapanatili ang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos
Ibinigay ang mga kautusan may kinalaman sa mga hayop na tinatanggap bilang mga handog na sinusunog at kung paano dapat ihanda ang mga ito para sa paghahandog (1:1-17; 6:8-13; 7:8)
Itinakda ang iba’t ibang uri ng handog na mga butil gayundin kung paano ihahandog ang mga ito kay Jehova (2:1-16; 6:14-18; 7:9, 10)
Inilahad ang paraan ng paghahandog ng mga haing pansalu-salo; ipinagbawal ang pagkain ng dugo at taba (3:1-17; 7:11-36)
Tinukoy ang mga hayop na maaaring ibigay bilang handog ukol sa kasalanan para sa isang saserdote, sa kapulungan ng Israel, sa isang pinuno, o sa isa na kabilang sa bayan; binalangkas ang paraan ng paghahain ng handog na ito (4:1-35; 6:24-30)
Ibinigay ang mga kautusan hinggil sa mga situwasyon na humihiling ng mga handog ukol sa pagkakasala (5:1–6:7; 7:1-7)
Ibinigay ang mga tagubilin may kinalaman sa paghahandog na isasagawa sa araw ng pagpapahid sa saserdote (6:19-23)
Ang lahat ng handog ay dapat na malusog; itinala ang mga depekto ng mga hayop na hindi angkop ihain (22:17-33)
Binalangkas ang mga dapat gawin sa Araw ng Pagbabayad-Sala may kaugnayan sa paghahain ng isang toro at dalawang kambing—ang isang kambing ay para kay Jehova at ang isa naman ay para kay Azazel (16:2-34)
Detalyadong mga tuntunin na magsasanggalang laban sa karumihan at magpapanatili ng kabanalan
Ang ilang partikular na mga hayop ay tinatanggap bilang malinis na pagkain at ang iba naman ay ipinagbabawal bilang marumi; ang pagkasaling o paghipo sa mga bangkay ay nagpaparumi sa isa (11:1-47)
Pagkapanganak ng isang babae, dapat siyang dalisayin mula sa kaniyang karumihan (12:1-8)
Dinetalye kung paano aasikasuhin ang mga kaso ng ketong (13:1–14:57)
Ang agas mula sa ari ay nagpaparumi sa isa, at kahilingan ang pagpapadalisay (15:1-33)
Dapat panatilihin ang kabanalan sa pamamagitan ng paggalang sa pagiging sagrado ng dugo at pag-iwas sa insesto, sodomiya, bestiyalidad, paninirang-puri, espiritismo, at iba pang karima-rimarim na gawain (17:1–20:27)
Mga sabbath at mga pangkapanahunang kapistahan para kay Jehova
Itinakda ang mga araw at mga taon ng sabbath gayundin ang mga tuntunin at mga simulaing nauugnay sa Jubileo (23:1-3; 25:1-55)
Dinetalye ang paraan ng pagdiriwang ng taunang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (kasunod ng Paskuwa) at ng Kapistahan ng mga Sanlinggo (nang maglaon ay tinawag na Pentecostes) (23:4-21)
Binalangkas ang paraan ng pagdiriwang ng Araw ng Pagbabayad-Sala at ng Kapistahan ng mga Kubol (23:26-44)
Mga pagpapala dahil sa pagsunod, mga sumpa dahil sa pagsuway
Kabilang sa mga pagpapalang idudulot ng pagsunod ang saganang ani, kapayapaan, at katiwasayan (26:3-13)
Kabilang sa mga sumpang ibubunga ng pagsuway ang sakit, pagkatalo sa kamay ng mga kaaway, taggutom, pagkawasak ng mga lunsod, pagkatiwangwang ng lupain, at pagkatapon (26:14-45)