Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Libingan

Libingan

[sa Ingles, grave].

Isang dakong himlayan ng mga patay. Bagaman ang terminong “libingan” sa ngayon ay karaniwang tumutukoy sa isang hukay sa lupa na pinaglilibingan, ang isang karaniwang paraan ng paglilibing noon ng mga Hebreo at ng iba pang mga tao sa Silangan ay sa pamamagitan ng paggamit ng isang likas na yungib o ng isang libingang inuka sa bato. Ang salitang Hebreo na qeʹver ang karaniwang ginagamit upang tumukoy sa isang dakong libingan o sa isang libingan. (Gen 23:7-9; Jer 8:1; 26:23) Ang kaugnay nitong salita na qevu·rahʹ ay maaari ring tumukoy sa isang libingan sa lupa o sa isang libingang inuka sa bato.​—Gen 35:20; 1Sa 10:2.

Sa Griego, ang karaniwang salita para sa libingan (grave) ay taʹphos (Mat 28:1), at ang anyong pandiwa nito (thaʹpto) ay nangangahulugang “ilibing.” (Mat 8:21, 22) Ang salitang mneʹma (Luc 23:53) ay tumutukoy rin sa isang libingan (tomb) at ang salitang mne·meiʹon (Luc 23:55) ay tumutukoy sa isang alaalang libingan (memorial tomb).

Yamang ang Hebreo at Griegong mga salitang ito ay tumutukoy sa indibiduwal na dakong libingan o sa isang lugar na pinaglilibingan, kadalasa’y ginagamit ang mga ito sa anyong pangmaramihan upang tumukoy sa maraming indibiduwal na libingan. Samakatuwid, ang mga ito ay iba sa Hebreong sheʼohlʹ at sa Griegong haiʹdes, na parehong tumutukoy sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, o sanlibingan, at sa gayo’y laging ginagamit sa anyong pang-isahan. Sa dahilang ito, maraming makabagong salin ang hindi tumulad sa ginawa ng King James Version, kung saan ang sheʼohlʹ at haiʹdes ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “impiyerno,” “libingan,” at “hukay,” kundi sa halip ay tinumbasan lamang nila ng transliterasyon sa Ingles ang mga salitang iyon.​—Tingnan ang HADES; SHEOL.

Gayunpaman, yamang ang pagpasok ng isa sa Sheol ay ipinakikitang nagaganap kapag siya’y inililibing sa isang indibiduwal na libingan o sa isang dakong libingan, ang mga salitang tumutukoy sa gayong mga libingan ay mga terminong ginagamit kasama ng Sheol, bagaman hindi katumbas ng Sheol.​—Job 17:1, 13-16; 21:13, 32, 33; Aw 88:3-12.

Sa Roma 3:13, sinipi ng apostol na si Pablo ang Awit 5:9, anupat inihalintulad niya sa “isang bukás na libingan” ang lalamunan ng mga taong balakyot at mapanlinlang. Kung paanong ang isang bukás na libingan ay naglalaman ng patay at kabulukan, ang kanilang mga lalamunan ay naglalabas ng nakamamatay at bulok na pananalita.​—Ihambing ang Mat 15:18-20.

Noon, isang kaugalian na paputiin ang mga libingan upang ang mga ito ay huwag mahipo ng mga tao nang di-sinasadya at huwag silang maging marumi. Ang mga libingang malapit sa Jerusalem ay pinapuputi isang buwan bago ang Paskuwa upang huwag maging marumi ang isang tao sa panahon ng pantanging yugtong ito ng pagsamba dahil sa di-sinasadyang paghipo sa isang libingan. Ibinatay ni Jesus sa kaugaliang ito ang ilustrasyon niya tungkol sa mga eskriba at mga Pariseo na nagtitinging matuwid sa labas ngunit sa loob ay ‘punô ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.’​—Mat 23:27, 28.

Bagaman ang libingan ay inihahalintulad sa isang hukay na mula roo’y nanaisin ng isang tao na siya’y mailigtas, itinawag-pansin ni Job ang pagkasiphayo ng mga taong nagdurusa, na palibhasa’y walang malinaw na pag-asa o kaunawaan sa layunin ng kanilang Maylalang ay naghahangad nang mamatay at “nagbubunyi sapagkat may nasumpungan silang dakong libingan.” (Job 3:21, 22) Ibang-iba ang saloobing iyan sa saloobin ng mga taong nag-ukol ng kanilang buhay sa paglilingkod sa kanilang Maylalang at buong-pagtitiwalang yumakap sa pangako ng pagkabuhay-muli.​—Aw 16:9-11; Gaw 24:15; Fil 1:21-26; 2Ti 4:6-8; Heb 11:17-19; tingnan ang PAGLILIBING, MGA DAKONG LIBINGAN.

Tingnan din ang ALAALANG LIBINGAN.