Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Libis

Libis

Isang mababang dako sa pagitan ng mga dalisdis, mga burol, o mga bundok. Ang Diyos na Jehova ang wastong kinikilalang maygawa ng mga kaanyuan sa topograpiya ng lupa, kabilang na ang maraming libis nito. (Aw 104:8) Sa Kasulatan, ang ilan ay basta tinawag na mga libis. (Jos 8:11; 1Sa 13:18) Ang iba naman ay “mga kapatagang libis,” mga patag na lugar na mabababa at nasa pagitan ng mga bundok at mga burol. (Deu 11:11; tingnan ang KAPATAGAN.) Mayroon ding “mga agusang libis,” na kung minsan ay patuluyang dinadaluyan ng mga batis ngunit kadalasan ay inaagusan lamang ng tubig kapag tag-ulan. (Deu 8:7; tingnan ang AGUSANG LIBIS.) Ginagamit ng ilang salin ang “lambak” o “(mga) libis” kapag ang tinutukoy ay “(mga) mababang kapatagan” (Gen 14:3; 1Cr 12:15), at “lambak” o “(mga) mababang lupain” para sa “Sepela,” ang maburol na mababang lupain na nasa pagitan ng baybaying kapatagan ng mga Filisteo at ng matataas na lupain ng gitnang Palestina.​—Deu 1:7; 1Ha 10:27.

Kabilang sa kilaláng mga libis na binanggit sa Kasulatan ay ang Libis ng Moab “sa tapat ng Bet-peor” (Deu 3:29; 34:6) at ang Libis ng Asin (2Sa 8:13), gayundin yaong nasa Hinom (Ne 11:30), Ipta-el (Jos 19:14), Zeboim (1Sa 13:18), at Zepata (2Cr 14:10). Kasama sa mga “kapatagang libis” sa rekord ng Kasulatan ay yaong nasa Sinar (Gen 11:2), Jerico (Deu 34:3), Mizpe (Jos 11:8), Lebanon (Jos 12:7), Ono (Ne 6:2), at Megido (2Cr 35:22; Zac 12:11).

Makasagisag at Makahulang Paggamit. Kung hindi dahil sa pangangalaga ng isang mabuting pastol, ang isang madilim na libis, o bangin, na may mga patibong at mababangis na hayop, ay mapanganib para sa isang kawan. Bagaman napaharap din si David sa iba’t ibang kapahamakan, panatag siya sa pagkaalam na si Jehova ang kaniyang Pastol. Kaya naman maipahahayag niya: “Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama.”​—Aw 23:1, 4.

Maliwanag na “ang kapahayagan tungkol sa libis ng pangitain” ay nauugnay sa sinaunang Jerusalem. Bagaman ang lunsod na ito ay may kataasan, ito ay gaya ng isang “libis” dahil napalilibutan ito ng mas matataas na bundok.​—Isa 22:1, 5.

Maliwanag na sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng hadlang sa pagbabalik ng kaniyang bayan mula sa pagkatapon sa Babilonya, sa diwa ay pinangyari ni Jehova na ‘mátaas ang bawat libis,’ ‘mapatag ang mga burol at mga bundok,’ at ang ‘baku-bakong lupain ay maging kapatagang libis’ para sa kanila. (Isa 40:4) Hindi nauhaw sa daan ang mga Judiong nalabi. Natupad ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Sa mga hantad na burol ay magbubukas ako ng mga ilog, at sa gitna ng mga kapatagang libis, mga bukal.”​—Isa 41:18; ihambing ang Isa 35:6, 7, 10; 43:19-21; 48:20, 21.