Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham

Liham

Noong sinaunang mga panahon, ang pagsulat at pagpapadala ng opisyal, pangnegosyo, at personal na mga liham ay malawakang ginagamit bilang isang paraan ng pakikipagtalastasan.​—2Sa 11:14; 2Ha 5:5-7; 10:1, 2; 2Cr 30:1; Ezr 4:7; Isa 37:14; Jer 29:1; Gaw 9:1, 2; 28:21; 2Te 2:2; Heb 13:22.

Ang salitang Hebreo na seʹpher ay tumutukoy sa anumang bagay na isinulat at may iba’t ibang kahulugan gaya ng “aklat; liham; sulat; kasulatan; nasusulat na dokumento.” Ang salitang Griego naman na gramʹma ay maaaring tumukoy sa isang titik ng alpabeto o sa isang nasusulat na dokumento. (2Co 3:7; Gaw 28:21) Ang terminong Griego na e·pi·sto·leʹ ay ginagamit lamang may kaugnayan sa isang nasusulat na mensahe.​—1Co 5:9.

Noon, kadalasan nang tinatatakan ang mga liham na kompidensiyal. (1Ha 21:8) Ang walang-galang na pagkilos ni Sanbalat nang magpadala siya kay Nehemias ng isang bukás na liham ay maaaring sinadya upang mahayag sa lahat ang mga bulaang paratang na nakasulat doon.​—Ne 6:5.

Bukod sa papiro, kabilang sa mga materyales na ginagamit noong sinaunang mga panahon para sa pagsulat ng mga liham ang mga ostracon (maliliit na piraso ng basag na kagamitang luwad) at mga tapyas na luwad. Libu-libong tapyas na luwad ang natagpuan sa Babilonia at iba pang mga rehiyon. Matapos hugasan at linisin, ang makinis na luwad ay ginagawang tapyas at, habang basâ pa, sinusulatan ito sa pamamagitan ng panulat [stylus] anupat lumilikha ng hugis-tatsulok (cuneiform) na mga titik. Kadalasan, ang mga tapyas na ito ay inilalagay sa mga sobreng luwad. Kung tungkol sa mga kontrata, kung minsan ay nakasulat din ang teksto sa sobre. Ang mga sobre ay tinatatakan at pagkatapos ay niluluto sa isang hurnuhan o ibinibilad sa araw upang tumigas at maging matibay.​—Tingnan ang ARKEOLOHIYA.

Kadalasang ang pagsulat ng mga liham ay ipinagagawa sa propesyonal na mga eskriba. Gaya sa korte ng Persia, ang gayong mga eskriba ay kadalasang laging presente at handang sumulat ng korespondensya opisyal ng pamahalaan. (Es 8:9; Ezr 4:8) Makikita rin ang mga eskriba sa mga pamilihan malapit sa mga pintuang-daan ng lunsod, kung saan maaari silang upahan ng taong-bayan upang sumulat ng mga liham at magtala ng mga transaksiyon sa negosyo.

Kung minsan, ang mga liham ay inihahatid ng mga mensahero (2Ha 19:14), mga mananakbo (2Cr 30:6), o mga sugo (Es 3:13; 8:14). Waring ang serbisyo ng koreo ay para lamang sa korespondensya opisyal hanggang noong mga panahong Romano. Dahil dito, ang karaniwang mga tao ay kailangang umasa sa naglalakbay na mga kakilala o mga mangangalakal upang maghatid ng kanilang mga liham.

Mayroon ding mga liham ng rekomendasyon noong sinauna. Gayunman, hindi kinailangan ng apostol na si Pablo ang gayong mga liham para sa mga Kristiyano sa Corinto o mula sa kanila upang patunayan na isa siyang ministro. Tinulungan niya silang maging mga Kristiyano anupat masasabi niya: “Kayo mismo ang aming liham, nakasulat sa aming mga puso at nakikilala at binabasa ng buong sangkatauhan.”​—2Co 3:1-3.

Noong unang siglo C.E., ang mga liham mula kina Pablo, Santiago, Pedro, Juan, Judas, at sa lupong tagapamahala sa Jerusalem ay nakatulong sa pag-unlad at pagpapanatili ng pagkakaisa at kalinisan ng kongregasyong Kristiyano.​—Gaw 15:22-31; 16:4, 5; 2Co 7:8, 9; 10:8-11.