Lindol
Biglang pagyanig o pag-uga ng ibabaw ng lupa dahil sa mga puwersa sa loob ng globo. Ang pangngalang Hebreo na raʹʽash ay hindi lamang tumutukoy sa “pagyanig” ng lupa o sa isang “lindol” (1Ha 19:11; Am 1:1), kundi pati sa “pagyanig” na likha ng mga yabag ng isang hukbo (Isa 9:5, tlb sa Rbi8), “pagkalampag” ng mga karong pandigma o ng diyabelin (Jer 47:3; Job 41:29), at “pagdagundong” ng mga kabayo (Job 39:24). Ang Griegong sei·smosʹ (lindol) ay tumutukoy sa pagyanig, pag-uga, o panginginig.—Mat 27:54; ihambing ang Mat 27:51; 28:4; Apo 6:13.
Maraming pag-uga at pagyanig ng lupa ang naganap sa buong kasaysayan ng Bibliya, kung minsan ay dahil sa likas na mga puwersang heolohika (Zac 14:5) at kung minsan ay dahil sa tuwirang gawa ng Diyos bilang paghatol o para sa mga layuning may kinalaman sa kaniyang mga lingkod. Ang heolohiya ng Israel ang dahilan ng mga paglindol sa lugar na iyon noong nakalipas na panahon, na patuloy pa ring nagaganap sa ngayon.
Ang lugar ng templo ng Jerusalem ay nasa ibabaw ng isang mahaba at mahinang bahagi sa ilalim ng lupa. Ang Moske ng el-Aqsa, na nasa lugar ng templo (hindi ang Dome of the Rock na isang dambana), ay ilang beses nang napinsala ng lindol.
Isang napakalakas na lindol, lumilitaw na kasabay ng aktibidad ng bulkan, ang nagsilbing kasindak-sindak na tagpo para sa pagpapasinaya ng tipang Kautusan sa Sinai. (Exo 19:18; Aw 68:8) Si Jehova ang gumawa ng pagtatanghal na ito ng kapangyarihan, sapagkat nagsalita siya mula sa bundok sa pamamagitan ng isang anghel.—Exo 19:19; Gal 3:19; Heb 12:18-21.
Kung minsan, ang kakila-kilabot na mga lindol ay dahil sa pagkilos ni Jehova upang hatulan ang mga lumalabag sa kaniyang kautusan. (Na 1:3-6) Isang lindol ang ginamit ni Jehova upang puksain ang mapaghimagsik na si Datan, si Abiram, at ang sambahayan ni Kora, anupat ibinuka ng lupa ang bibig nito at nilamon silang buháy patungo sa Sheol. (Bil 16:27, 32, 33) Naramdaman ni Elias na yumanig ang lupa bago magsalita si Jehova upang ituwid ang kaniyang pangmalas at isugo siya sa iba pang mga atas. (1Ha 19:11-18) Makahimalang naglaan ng tulong sa bayan ni Jehova ang mga lindol, gaya noong buong-tapang na salakayin ni Jonatan at ng kaniyang tagapagdala ng baluti ang isang himpilang Filisteo. Pinatibay ni Jehova ang kanilang pananampalataya sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapasapit ng isang lindol na lumikha ng kalituhan sa buong kampo ng mga Filisteo, anupat nagpatayan ang mga ito at lubusang natalo.—1Sa 14:6, 10, 12, 15, 16, 20, 23.
Noong araw na mamatay si Jesus, mga alas tres ng hapon, isang lindol ang naganap, anupat nabiyak ang mga batong-limpak, nabuksan ang mga alaalang libingan, at napahagis ang mga bangkay mula sa kanilang mga libingan. Ang kurtina ng santuwaryo sa templo na muling itinayo ni Herodes ay Mat 27:45, 51-54; Luc 23:44, 45) Isa pang lindol ang naganap noong araw ng pagkabuhay-muli ni Jesus, nang isang anghel ang bumaba mula sa langit at igulong ang bato mula sa harap ng kaniyang libingan. (Mat 28:1, 2) Samantalang ang apostol na si Pablo at ang kaniyang kasamahang si Silas ay nasa bilangguan sa Filipos, sinagot ang kanilang mga panalangin at mga awit ng papuri sa pamamagitan ng isang malakas na lindol anupat nabuksan ang mga pinto ng bilangguan at nakalag ang kanilang mga gapos. Naging dahilan ito upang makumberte ang tagapagbilanggo at ang kaniyang sambahayan.—Gaw 16:25-34.
nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Bago nito, isang kadiliman ang sumapit sa lupain. Ipinapalagay ng ilan na dahilan ito sa pagputok ng bulkan, sapagkat ang mga bulkan ay kadalasang nagbubuga ng usok at alikabok na nagpapadilim sa kalangitan. Ngunit walang tunay na katibayan na ang lindol na ito ay resulta ng pagputok ng bulkan. (Inihula ni Jesus na magkakaroon ng maraming malalakas na lindol bilang isang bahagi ng tanda ng kaniyang pagkanaririto. (Mat 24:3, 7, 8; Luc 21:11) Mula noong 1914 C.E., naging mas madalas ang mga paglindol, na nagbunga naman ng matinding kabagabagan. Noong 1984, sa pamamagitan ng datos na nakuha mula sa National Geophysical Data Center sa Boulder, Colorado, lakip ang impormasyon mula sa maraming pamantayang reperensiyang akda, may ginawang isang talaan ng mga lindol na may lakas na 7.5 o mahigit pa ayon sa Richter scale, o nagdulot ng pinsalang nagkakahalaga ng limang milyong dolyar (U.S.) o mahigit pa, o ikinamatay ng 100 katao o mahigit pa. Kinakalkula na nagkaroon ng 856 na gayong uri ng lindol sa loob ng 2,000 taon bago ang 1914. Ipinakikita ng talaan ding iyon na sa loob lamang ng 69 na taon pagkatapos ng 1914, nagkaroon ng 605 ng gayong uri ng lindol. Ang mga estadistikang ito ay isang paraan upang ipakita kung gaano katinding pagdurusa ang idinudulot ng mga lindol sa yugtong ito ng kasaysayan.
Makalarawan at Makasagisag na mga Paggamit. Ang mga lindol ay madalas gamitin sa Kasulatan upang ilarawan ang pag-uga at pagpapabagsak sa mga bansa at mga kaharian. Ang sinaunang Babilonya ay nagtiwala sa huwad na mga diyos na gaya nina Nebo at Marduk, anupat iniisip ng mga Babilonyo na ang kalangitan ay punô ng mga ito. Labis din silang umasa sa kanilang napakalakas na hukbong militar, ngunit sinabi ng Diyos laban sa Babilonya: “Liligaligin ko ang langit, at ang lupa ay mauuga mula sa kinaroroonan nito dahil sa poot ni Jehova ng mga hukbo.” (Isa 13:13) Malamang na lubhang nagulat ang Babilonya nang bumagsak ang kaniyang imperyo at maagaw ang teritoryong kontrolado niya bilang ang ikatlong kapangyarihang pandaigdig at siya ay naging isang probinsiya na lamang ng Imperyo ng Persia.—Dan 5:30, 31.
Sa ibang mga talata, inilalarawan ni David si Jehova bilang nakikipaglaban para sa kaniya na waring sa pamamagitan ng isang lindol. (2Sa 22:8; Aw 18:7) Sinabi ni Jehova na uugain niya ang langit at ang lupa, ang dagat at ang tuyong lupa, at na uugain niya ang lahat ng mga bansa alang-alang sa kaniyang bayan, anupat darating ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa at pupunuin niya ng kaluwalhatian ang kaniyang bahay.—Hag 2:6, 7.
Ginamit ng apostol na si Pablo bilang ilustrasyon ang kasindak-sindak na pagtatanghal sa Sinai, anupat inihambing niya iyon sa mas dakila at mas kasindak-sindak na pagkakatipon ng Kristiyanong kongregasyon ng panganay sa harap ng Diyos at ng kaniyang Anak bilang Tagapamagitan sa makalangit na Bundok Sion. Nagpatuloy siya sa pamamagitan ng ilustrasyon hinggil sa lindol na naganap sa Sinai at nagbigay siya ng makasagisag na pagkakapit, anupat pinatibay ang mga Kristiyano na patuloy na maglingkod na may lakas ng loob at pananampalataya, yamang ang Kaharian at yaong mga nangungunyapit dito ay makapananatiling nakatayo samantalang ang lahat ng iba pang bagay sa makasagisag na langit at lupa ay magkakadurug-durog.—Heb 12:18-29.
Ang pinakamalakas na lindol, na darating pa lamang, ay makasagisag, anupat inilalarawan may kaugnayan sa ikapito sa makasagisag na pitong huling salot ng Apocalipsis. Binabanggit na gigibain nito, hindi lamang ang isa o dalawang lunsod, gaya ng nagagawa ng ilan sa pinakamalalakas na lindol, kundi “ang mga lunsod ng mga bansa.” Ang ulat ni Juan hinggil sa kataklismong ito ay nagsasabi: “Nagkaroon ng isang malakas na lindol na ang gaya nito ay hindi pa nangyayari buhat nang umiral ang tao sa lupa, napakalawak na lindol, napakalakas. At ang dakilang lunsod [Babilonyang Dakila] ay nahati sa tatlong bahagi, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak.”—Apo 16:18, 19.