Lino, I
1. [sa Heb., peʹsheth, pish·tahʹ; sa Gr., liʹnon; sa Ingles, flax]. Isang halaman na mula pa noong sinaunang panahon ay itinatanim na upang mapagkunan ng mga hibla na ginagawang telang lino (linen), gaya rin sa ngayon. Ang lino (Linum usitatissimum) ay maaaring tumaas nang mula 0.3 hanggang 1.2 m (1 hanggang 4 na piye). Ang payat na tangkay ng halamang ito, na may mga dahong tuwid at mapusyaw na berde, ay sa dulo lamang
nagsasanga. Ang dulo naman ng bawat sanga ay may bulaklak na matingkad o mapusyaw na asul (bibihirang puti) na may limang talulot.—LARAWAN, Tomo 1, p. 544.Kapag ang lino ay mayroon nang ‘mga usbong ng bulaklak,’ maaari na itong anihin (Exo 9:31) sa pamamagitan ng pagbunot o pag-aasarol. Pagkatapos ay pinatutuyo ito. Malamang na ang mga tangkay ng lino na nasa bubong ng bahay ni Rahab sa Jerico ay inilatag doon upang patuyuin.—Jos 2:6.
Malamang na ang prosesong ginamit ng mga Hebreo sa paghahanda ng lino ay katugma ng paglalarawan ni Pliny na Nakatatanda, ng unang siglo C.E., sa kaniyang Natural History (XIX, III, 17, 18) at sa sinaunang pagsasalarawan na naingatan sa Beni Hasan sa Ehipto. Pagkatapos alisin ang mga buto, ang mga tangkay ng lino ay inilulubog sa tubig at dinadaganan ng bato upang hindi lumutang. Habang nakababad ito sa tubig, ang makahoy na bahagi ng lino ay nabubulok, anupat lumilitaw ang mga hibla. Kapag humiwalay na ang balat ng mga tangkay, ang mga tangkay ay hinahango sa tubig, ibinibilad sa araw at paulit-ulit na ibinibiling hanggang sa lubusang matuyo. Pagkatapos nito, ang lino ay pinupukpok ng mga malyete sa ibabaw ng malapad na bato, at ang mga hibla ay pinaghihiwa-hiwalay at nililinis sa pamamagitan ng pagsuklay. Ang mas mababang uri ng mga hibla na kadikit ng balat ay ginagamit bilang mga mitsa ng lampara (tingnan ang Isa 42:3; 43:17; Mat 12:20), samantalang ang mga hibla sa bandang loob, na mas maputi at mas pino, ay ginagawang estambre at pinakikinis sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghahampas nito sa matigas na bato.
Sinasabing ang mababa at mabanlik na lupa, na karaniwan sa Ehipto, ay angkop na angkop sa pagtatanim ng lino. Sa sinaunang daigdig, ang bansang ito ay bantog sa mainam na lino. Kaya naman, ang salot ng granisong pinasapit ng Diyos, na sumira sa lino at sebada, ay isang matinding dagok sa ekonomiya ng Ehipto. (Exo 9:23, 31) Nang maglaon, sa kapahayagan laban sa Ehipto na iniulat ni Isaias (19:9), kabilang sa mga mapapahiya ang “mga manggagawa sa inikid na lino.”—Tingnan ang Blg. 2.
2. [sa Ingles, linen]. Ang sinulid o tela na gawa sa halamang lino [tingnan ang Blg. 1]. (Exo 25:4; Huk 15:14) Ang karamihan sa mga kasuutan ng mga Hebreo ay yari sa lana o kaya’y sa lino. (Lev 13:47; Kaw 31:13, 22; Os 2:5, 9) Ipinagbawal ng Kautusan ang paghahalo ng dalawang materyales na ito upang gawing mga kasuutan ng mga Israelitang hindi saserdote. (Deu 22:11) Kabilang sa iba pang mga bagay na gawa sa lino ang mga sinturon (Jer 13:1) at mga layag. (Eze 27:7) Bagaman maliwanag na gumagawa ang mga Israelita ng sarili nilang lino, nag-angkat pa rin sila nito mula sa Ehipto.—Kaw 7:16.
May iba’t ibang kalidad ang lino, gaya ng ipinahihiwatig ng pagbanggit ng Kasulatan sa “mainam na lino” at “mainam na kayo.” (Eze 16:10; 27:16) Mataas na kalidad ng lino ang isinusuot noon ng mayayaman, mga hari, at mga lalaking may mataas na katungkulan sa pamahalaan. (Gen 41:42; 1Cr 15:27; Es 8:15; Luc 16:19) Ang bangkay ni Jesus ay binalot ni Jose, na isang taong mayaman mula sa Arimatea, sa malinis at mainam na lino.—Mat 27:57-59.
Estambre ng mainam na lino na inikid ng mga babaing Israelita ang ginamit sa paggawa ng sampung telang pantolda ng tabernakulo, ng kurtinang naghihiwalay sa dakong Banal at sa Kabanal-banalan, ng pantabing para sa pasukan ng tabernakulo, at ng mga tabing ng looban at maging ng pantabing ng pintuang-daan nito. (Exo 35:25; 36:8, 35, 37; 38:16, 18) Ginamit din ang mainam na linong pinilipit para sa pamigkis, epod, at pektoral ng mataas na saserdote. (Exo 39:2, 3, 5, 8) Gayundin, ang mahahabang damit ng iba pang mga saserdote ay yari sa mainam na lino. (Exo 39:27-29) Waring lino ang pangunahing telang ginamit sa mga kurtina at mga kasuutang ginamit sa santuwaryo, at binurdahan ang mga ito ng tininang lana at ginto bilang palamuti.—Exo 35:35; 38:23.
Makasagisag na Paggamit. Inilarawan ang Babilonyang Dakila bilang nagagayakan ng mainam na lino at purpura at iskarlata, na tumutukoy sa karangyaan. (Apo 18:16) Ngunit hinggil sa kasintahang babae ni Kristo, ang mainam na lino sa kaniyang kasuutan ay malinaw na sinasabing lumalarawan sa “matuwid na mga gawa ng mga banal.” Sa katulad na paraan, ang makalangit na mga hukbo ay ipinakikitang nadaramtan ng mapuputi, malilinis, at maiinam na lino, anupat nagpapahiwatig ng kanilang pakikipagdigma ayon sa katuwiran.—Apo 19:8, 11, 14; tingnan din ang Dan 10:5; Apo 15:6.